Miyerkules, Hulyo 31, 2019

Ang mga maikling kwento ni Ohyie Purificacion

ANG MGA MAIKLING KWENTO NI OHYIE PURIFICACION
Maikling Sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Isa sa mga magagaling na manunulat para sa uring manggagawa si kasamang Ohyie, o Ma. Lorena Purificacion. Isa siyang dating pangulo ng unyon sa kumpanya ng Noritake, ang Noritake Porcelana Labor Union (NPLU) na isa sa kasaping unyon ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Bukod sa kanya ay may dalawa pang kasamang manunulat ang may natipon ding mga sulatin - ang gurong si Prof. Ramon Miranda, na isa sa best man ko sa kasal, at si Ka Jhuly Panday na nasa Partido Lakas ng Masa. At kung makakapag-ipon tayo ng sapat na sulatin para maisaaklat ang kanilang mga naipong akda ay ilalathala natin ang mga iyon bilang aklat. Ito naman ay sa pamamagitan ng pinangangasiwaan kong Aklatang Obrero Publishing Collective.

Anim ang maikling kwento, dalawang tula at isang sanaysay ni kasamang Ohyie ang natipon ko. Dalawang kwento niya ang nalathala sa magasing PUGON ng Noritake Porcelana Labor Union. Apat na maikling kwento naman niya ang nalathala sa magasing ANG MASA na inilathala ng Partido Lakas ng Masa mula Nobyembre 2011 hanggang Mayo 2012.

Nalathala sa PUGON ang kanyang maikling kwentong "Anay at Bukbok" at "Minsan, sa Luneta". Nalathala naman sa magasing ANG MASA ang kanyang maikling kwentong "Ang Huling Biyahe ni Margie" (Nobyembre-Disyembre 2011), Si Mina (Disyembre 2011 - Enero 2012), Si Violy (Pebrero-Marso 2012), at Si Hanna, at si Lilly (Abril-Mayo 2012). Inilagay ko ito sa kawing na http://mgaakdaniohyie.blogspot.com/ blogsite ng kanyang sulatin na ako na ang lumikha, sa layuning hindi na ito mawala.

Mayroon din siyang sanaysay na pinamagatang "Kumusta na ang mga manggagawa", at dalawang tulang pinamagatang "Ang Mundo ay Triyanggulo" at "Ang Manggagawa".

Anim na makabuluhang maiikling kwento hinggil sa buhay sa pabrika, buhay ng manggagawa, buhay ng kababaihan, na tiyak na kagigiliwang basahin ng madla. Anim na kwentong nararapat mapasama sa panitikang Pilipino.

Kung hindi nagsara ang magasing Ang Masa dahil sa kawalan ng pondo, marahil ay nasa apatnapu o limampu na ang kwentong naisulat ni kasamang Ohyie. At maaari na itong maisalibro.

Nawa'y makapagsulat pa si kasamang Ohyie ng makabuluhan at napapanahong maiikling kwento ng buhay, lalo na sa panahon ng tokhang, kontraktwalisasyon, at paninibasib ng globalisasyon sa kabuhayan ng mamamayan. Alam kong kaya ni kasamang Ohyie na isulat ang mga ito. Marahil kailangan muli ng malalathalaang magasin o pahayagan upang sumipag muli si kasamang Ohyie sa pagsusulat. 

O kaya naman, may mga naisulat na talaga siyang maiikling kwento pa, subalit nakatago lamang dahil walang maglathala. Sana'y marami pa siyang naipong kwentong dapat malathala dahil ang talento ng tulad niyang dating lider ng unyon ng manggagawa ay hindi dapat maitago na lamang.

Napapanahon na upang malathala ang kanyang mga kwento sa isang aklat at bibilhin natin ito sa National Book Store, Power Books, Fully Booked, Book Sale, Popular Book Store, at iba pa.

Malaking ambag sa panitikang manggagawa at sa panitikang Pilipino ang kanyang mga sulatin.

Martes, Hulyo 30, 2019

Emisyon

EMISYON

mainam ba ang kapak na lamang tiyan ay bulak
kaysa nakapaloob sa kanyang tiyan ay burak
ah, mabuti pang ang sawing puso'y di nagnanaknak
kung magdugo'y may mabuting lunas na ipapasak

kakamot-kamot ng ulo dahil di matingkala
ang laksang suliranin ng bayang di maunawa
bakit ba may iilang sa yaman nagpapasasa
at milyong dukha'y di man lang dumanas ng ginhawa

itong pagbabago ng klima'y bakit anong bilis
tumataas ang tubig-dagat, yelo'y numinipis
malulunasan pa ba ito't ating matitistis
upang susulpot pang salinlahi'y di na magtiis

mapipigilan pa ba ang laksa-laksang emisyon
na bundok, lungsod, bayan at dagat ay nilalamon
suriin ang kalagayan ng mundo sa maghapon
at baka may mapanukala tayong lunas ngayon

- gregbituinjr.

Lunes, Hulyo 29, 2019

Nagbubunga nga ba ang bawat nating pagsisikap

nagbubunga nga ba ang bawat nating pagsisikap
upang tuluyang kamtin ang ating pinapangarap
may lungkot sa iyong ngiti, ito'y aking hinagap
habang mga mata mo'y patuloy na nangungusap
nawa'y di na pawang kabiguan itong malasap

patuloy tayong magsikap upang kamtin ang mithi
halina't magtulungan sa bawat pagpupunyagi
magkasabay nating ihasik ang magandang binhi
baka ibunga'y mabuti, nagbabakasakali
upang katwiran at kabutihan ang manatili

sa anumang panata'y ayoko nang mabilanggo
ayokong pangako ng trapo'y laging napapako
sa pusalian ba'y kailan tayo mahahango
ang kumunoy ba ng kahirapan ay maglalaho
o tayo'y nalilinlang ng kapitalistang mundo

- gregbituinjr.

Mga matematisyang Pinoy, tagumpay sa Math Olympiad

Mga matematisyang Pinoy, tagumpay sa Math Olympiad
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagwagi ng mga indibidwal na medalya ang anim na mag-aaral mula sa Pilipinas sa ika-60 International Mathematical Olympiad (IMO) na ginanap sa bansang United Kingdom mula Hulyo 11-22, 2019.

Ang IMO ang pandaigdigang kumpetisyon sa matematika para sa mga estudyante sa sekundarya o hayskul. Ang IMO rin ang pinakamatagal at pinaka-prestihiyoso sa mga pandaigdigang paligsahang pang-agham.

Ang kumpetisyon ay ginanap sa University of Bath. Ang bawat bansa ay maaaring magpadala ng maksimum na anim na kontestant. Dito, tinangka ng mga kalahok na lutasin ng bawat indibidwal ang anim na mapanghamon at mga orihinal na problema. Ang medalya'y igagawad sa mga estudyante batay sa kanilang indibidwal na iskor mula sa kanilang mga isinulat na solusyon.

Patas ang China at Estados Unidos sa nangungunang iskor ng bawat koponan, sinundan ito ng South Korea, at ang North Korea naman ay nasa ikaapat na puwesto. Ang Pilipinas naman ay nasa ika-31 puwesto, kasama ng Brazil (29), Turkey (30), at Germany (32).

Ayon sa balita, si Sean Anderson Ty ng Zamboanga Chong Hua High School ay nanalo ng medalyang pilak. Ito ang kanyang pangatlo at huling IMO. Si Andres Rico Gonzales III ng De La Salle University Integrated School ay nanalo ng medalyang tanso sa kanyang ikalawang IMO. Habang ang apat pa, na pawang unang sali lamang dito, ay nagwagi rin ng tansong medalya, at ito'y sina Immanuel Josia Balete ng St Stephen's High School, Vincent dela Cruz ng Valenzuela City School of Matematika at Agham, Dion Stephan Ong ng Ateneo de Manila Senior High School, at Bryce Ainsley Sanchez ng Grace Christian College.

Ang kanilang koponan ay pinamunuan nina Leader Dr. Richard Eden, at ni Deputy Leader Dr. Christian Paul Chan Shio, na kapwa mula sa Ateneo de Manila University. Sila'y sinamaan doon ng tagapagsanay na si Ginoong Russelle Guadalupe mula sa University of the Philippines-Diliman. Sa kanilang pagbabalik sa bansa, sinalubong din sila sa NAIA ni Dr. Marian Roque ng Mathematical Society of the Philippines.

Ang kanilang partisipasyon ay dahil na rin sa pakikipagtulungan sa  Mathematical Society of the Philippines at sa Department of Science and Technology-Science Education Institute. Sa larawan nga nilang may nakasabit na medalya bawat isa, sila'y nakasuot ng barong, na siyang pangunahing kasuotan ng mga Pilipino.

Dahil sa tagumpay nilang ito'y lumikha ako ng tula bilang pagpupugay sa kanila:

Pagpupugay sa mga Pinoy na nagwagi sa Math Olympiad

ang ipinaaabot ko'y taospusong pagpupugay
sa matematisyang Pinoy sa kanilang tagumpay
dahil sa kanilang angking kaalaman at husay
at marahil ay talaga namang sila'y nagsikhay

talino sa sipnayan ay kanilang inilantad
sa International Mathematical Olympiad
nanalo sila ng mga medalya, kaypapalad
nangalahati na ang taon, magandang pambungad

anim silang pawang mag-aaral sa sekundarya
na talagang nagpakahusay sa matematika
nakapanalo nga ng medalyang pilak ang isa
napagwagian naman ng lima'y tansong medalya

sa inyong mga nagwagi, ako'y sumasaludo
lalo't dala ninyo ang bansa sa tagumpay ninyo
kayo nga'y totoong dangal ng bayang Pilipino
at sa napili ninyong paksa'y magpatuloy kayo

- gregbituinjr/
07.29.2020

Pinaghalawan:
* ulat mula sa kawing na:
https://rappler.com/bulletin-board/philippine-team-win-medals-international-mathematical-olympiad-2019
https://pia.gov.ph/news/articles/1025308
* litrato mula sa Rappler.com at https://pia.gov.ph/

Linggo, Hulyo 28, 2019

Nagpapatuloy pa rin itong kirot ng damdamin

nagpapatuloy pa rin itong kirot ng damdamin
kung kawalang hustisya'y patuloy sa bayan natin
pagwawalang-bahala ba ang ating tutunguhin
o nagkakaisang tinig ang ating bubuuin

ilang tanong lamang itong nararapat masagot
mag-ingat lang baka sagot ninyo'y may lamang poot
nawa sa atin ay may mabuti itong idudulot
maibsan man lang ang galit ng kung sinong sumambot

maraming salamat sa pagtugon, mga kapatid
kahit alam nating maraming buhay ang pinatid
nawa'y hustisya't kapayapaan ay maihatid
at ang mapaparusahan ay di sana malingid

nawa'y matigil na ang gawaing kasumpa-sumpa
nawa'y may hustisyang kamtin ang inang lumuluha
katarungan sa mga tinokhang ng walang awa
lalo roon sa mga batang kay-agang tinudla

- gregbituinjr.

Sabado, Hulyo 27, 2019

Bakit laging dapat lumaban silang maralita?

bakit laging dapat lumaban silang maralita?
dahil ba ang dama nila'y wala silang dignidad?
dahil dama nilang inaapakan silang lubha?
dahil ba isinilang na silang dukha at hubad?

dahil ba salat sa yaman, dapat silang apihin?
dahil ba walang pribadong pag-aari'y alipin?
dahil laging marusing basta sila gugulpihin?
dahil tahanan ay iskwater, tatapakan na rin?

dahil isinilang na salat, ito'y kapalaran?
dahil wala silang makain, ito katamaran?
dahil walang pinag-aralan, ito'y kamangmangan?
dahil kayrami nila, ito'y populasyon naman?

kaya may dukha, pribadong pag-aari ang sanhi
at siya ring dahilan kung bakit may mga uri
upang maibsan ang kahirapan, ang ating mithi
ay pawiing tuluyan ang pribadong pag-aari

- gregbituinjr.

Biyernes, Hulyo 26, 2019

Kung ako ang palarin

kahapon, nakatitig muli ako sa kawalan
kailan ba matatapos ang ganitong digmaan
aba'y di na mapakali ang puso ko't isipan
lalo't nakangisi na sa akin si Kamatayan

at ngayon, nakatunganga muli ako sa kisame
kailan ba magwawakas ang pagiging salbahe
at katiwalian nitong trapong di nagsisilbi
sa bayan kundi sa sariling bulsa't sa sarili

bukas kaya, aakyat ako't tutulay sa ulap
bakasakaling marating ko ang pinapangarap
kung maalimpungatan, mawala ng isang iglap
ang hinehele ng diwa't puso kong nangungusap

matatapos din ang paghihirap, magtatapos din
ayon nga kay Kamatayan, kung ako ang palarin

- gregbituinjr.

Huwebes, Hulyo 25, 2019

Inhustisya

nais kong bigkasin ang tula ko sa inyo
tulad ng lawin sa labas ng paraiso
o rosas sa harap ng sawing paruparo
na ang hibik ay katarungan sa bayan ko

nais kong bigkasin sa inyo itong tula
nang may halong hikbi, poot, luha at tuwa
upang inyong madama ang bawat adhika
habang hustisya'y hanap kasama ang dukha

halina't ang aking tula'y inyong pakinggan
baka maluha kayo sa aking kundiman
sa bawat kataga'y inyong malalasahan
ang lansa't pait na sa dibdib ko'y nanahan

maraming salamat sa inyong pakikinig
kahit yaong tula'y may tinig pang-uusig
panlilinlang at tiwali'y dapat malupig
upang katarungan sa bayan na'y manaig

 gregbituinjr.

Miyerkules, Hulyo 24, 2019

Nais kong bigkasin ang tula ko sa inyo

nais kong bigkasin ang tula ko sa inyo
tulad ng agilang hinehele ng bagyo
o rosas sa harap ng sawing paruparo
o boksingerong ang mukha'y bugbog-sarado

nais kong bigkasin sa inyo itong tula
na handog sa bawat kapwang nagdaralita
na nagtitiis, lumalaban, lumuluha
upang kamtin ang karapatan at paglaya

tula'y kinatha upang sa inyo'y mabigkas
maging inspirasyon laban sa pandarahas
upang sumigla kayo'y lalo pang lumakas
tumatag ang paninindigan hanggang wakas

tula lang ang kaya kong ibigay sa inyo
habang iisa tayo tungong pagbabago

- gregbituinjr.

Martes, Hulyo 23, 2019

Maralita at Kontraktwalisasyon

MARALITA AT KONTRAKTWALISASYON
Sinulat ni Greg Bituin Jr.

Pabor ba sa maralita ang kontraktwalisasyon dahil kahit papaano'y nakakasingit siya ng trabaho kahit 5-months, 5-months lang? Hindi naman magkalayo ang bituka ng manggagawa at maralita upang gustuhin ng maralita ang maging kontraktwal kaysa naman walang trabaho. Nais ba ng maralita ng mumo kaysa walang makain? Bituka ba at hindi karapatan kaya nais niyang maging kontraktwal? Sawa na siya sa 555 na sardinas, ngayon ay nais niyang magtrabaho ng 5-5-5 months bilang kontraktwal.

Maraming benepisyo at katiyakan sa trabaho (security of tenure) ang mga benepisyong hindi tinatamasa ng mga manggagawang kontraktwal. Na hindi rin tatamasahin ng maralitang naging manggagawang kontraktwal.

At ang maralitang kontraktwal ay magiging manggagawa na rin. At hindi niya maiiwasang mamulat bilang manggagawa bunsod ng labis na kaapihan at pagdurusa sa kalupitan ng mga kapitalista, at sa kalaunan ay maunawaan niya ang katumpakan ng makauring pagkakaisa at harapin ang mga hamon ng kasaysayan. Hanggang sa matanto ng maralitang kontraktwal na hindi lamang dahil sa kagustuhang magkatrabaho ay magbibingi-bingihan na siya sa karaingan  ng  kanyang  mga kapwa manggagawa.

Nanaisin tiyak ng maralitang naging kontraktwal na ipaglaban din, hindi lamang ang ilalaman ng kanyang tiyan, kundi ang karapatan nila bilang manggagawa.

Matatransporma sa kalaunan ang kamalayan ng maralitang kontraktwal upang yakapin niya ang kanyang uring pinagmulan - ang uring walang pag-aari kundi ang kanyang lakas-paggawa - ang uring manggagawa. 

Kaya hindi lamang pabahay at laman ng tiyan ang nasa kanyang isipan kundi ang karapatan niya sa loob ng pagawaan ay maipaglaban, at ang kanyang dignidad bilang tao (hindi makina) ay kanyang maipagtanggol at mapanghawakan.

* Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Espesyal SONA issue, Hulyo 2019, p. 6

Lunes, Hulyo 22, 2019

Tunay na aktibista'y matino, di nagloloko

nakakahiyang gumawa ng mga kalokohan
kapag aktibista ka't seryosong ginagampanan
ang niyakap na tungkuling baguhin ang lipunan
lalo't may akibat na adhika't paninindigan

may inaalagaang dignidad ang aktibista
kaya nga nagpapakatao sila sa tuwina
pakikipagkapwa'y mabuting asal, disiplina
kumikilos nang makalos ang bulok na sistema

tunay na aktibista'y matino, di nagloloko
nag-oorganisa ng obrero, di lasinggero
pinag-aaralan ang lipunan, di babaero
tinuturo ang pagkakapantay, di sugalero

karapatang pantao'y isinasaalang-alang
sa pananalita't pagkilos, marunong gumalang
kalaban ng mga mapang-abuso't pusong halang
papalitan ang bulok na sistemang mapanlamang

nawa ang simulain nila'y maipagtagumpay
pagsasamantala't pang-aapi'y mawalang tunay
kumikilos upang sistema'y maging pantay-pantay
sa kanila, ako'y taas-kamaong nagpupugay!

- gregbituinjr.

Biyernes, Hulyo 19, 2019

Tuldok

TULDOK

nais namin ay hustisyang abot ng maralita
may wastong sistema't proseso para sa dalita
hustisyang dapat makamtan ng mga walang-wala
hustisyang walang kinikilingan, abot ng dukha
di nasa ibabaw ang sistemang burgis, kuhila

katarungan ang hinahangad ng mga magulang
sapagkat minamahal na anak yaong pinaslang
kailan ba ang hustisya'y isasaalang-alang
katarungan ba'y nababansot na't kinakalawang
at tatawa-tawa lang ang mga berdugong halang

ayaw namin sa hustisyang inawit sa Tatsulok:
"ang hustisya'y para lang sa mayaman, nasa tuktok"
aba'y dapat lang baguhin na ang sistemang bulok
na naaagnas dahil sa mga pinunong bugok
ang ganitong sistema'y dapat lagyan na ng tuldok

- gregbituinjr.

* Nilikha at binasa sa rali para sa karapatang pantao, sa Black Friday protest, na ginanap sa Boy Scout Circle, Lungsod Quezon, Hulyo 19, 2019

Huwebes, Hulyo 18, 2019

Mutyang ginhawa

MUTYANG GINHAWA

habang aking pinakikinggan si D.J. Shai Tisay
narerelaks ako'y kaysarap magpahingang tunay
sa musikang pinatutugtog ay nakikisabay
nagkukunwaring masaya sa kabila ng lumbay

ramdam ko, animo'y anong gaan niyang kausap
at di ka mabuburyong gaano ka man kahirap
ang problema mo'y aalwan sa dusang anong saklap
may saya't kaginhawahang sadya mong malalasap

halina't tinig niya sa radyo'y pakinggan natin
at maiibsan kahit bahagya ang suliranin
aba, boses pa lang niya'y anong sarap nang damhin
paano pa kaya kung siya na'y kakaharapin

ang tinig niya'y nakakawala ng pagkabagot
sasaya ang mundo, mapapawi anumang lungkot
taospusong pasasalamat ang aking paabot
kay D.J. Shai Tisay na mutyang ginhawa ang dulot

- gregbituinjr.

Miyerkules, Hulyo 17, 2019

Pampublikong Pabahay: Kinonsepto para sa mga manggagawa

PAMPUBLIKONG PABAHAY
Kinonsepto para sa mga manggagawa
Sinaliksik ni Greg Bituin Jr.

Sa pananaliksik, maraming pampublikong pabahay ang kinonsepto para sa mga manggagawa. Tulad na lang sa Inglatera, nang dumami ang mamamayan sa lungsod nang maganap ang Rebolusyong Industriyal noong ika-19 na siglo. Ilang halimbawa nito ay nang magtayo ng barangay o nayon ang ilang may-ari ng pabrika para sa kanilang manggagawa, tulad sa Saltaire noong 1853 at Port Sunlight noong 1888.

Noong 1885 nang magkaroon ng interes sa pagtatayo ng pampublikong pabahay ang Royal Commission sa Inglatera. Idinulot nito ang pagkapasa ng batas na Housing of the Working Class Act of 1885. Binigyang kapangyarihan ng batas na iyon ang mga Local Government Boards upang isara ang mga gusaling may mga sira na at hinikayat silang mas paunlarin pa ang pabahay sa kani-kanilang lugar.

Sa bansang Espanya, mayroon naman silang proyektong pampubliko at kolektibong pabahay kung saan tiniyak nila ang kahalagahan nito sa loob mismo ng kanilang pamantasan sa arkitektura. Dahil dito'y lumikha sila ng ispesyalisadong kurso tulad ng MCH Master in Collective Housing.

Sa bansang Mexico, nagtayo ng proyektong pabahay para sa mga manggagawa sa pabrika ng papel, at ito'y nasa Barrio ng Loreto sa San Angel, Alvaro Obregon, D. F.

Sa Finland, ang unang proyektong pampublikong pabahay ay sa Helsinki. Noong 1909, dinisenyo ni arkitekto A. Nyberg ang apat na bahay na gawa sa kahoy para sa mga manggagawa sa lungsod. Dahil karamihan ng mga residente  roon  ay  mga pamilya  ng  manggagawang may maraming anak. Ang pabahay at pamumuhay ng mga pamilyang manggagawa sa Helsinki mula 1909 hanggang 1985 ay itinanghal sa museo malapit sa Linnanmäki amusement park. 

Nang manalo sa halalan ang Social Democratic Party ng Austria para sa Viennese Gemeinderat (city parliament), nagkaroon ng tinatawag nilang Red Vienna. Bahagi ng kanilang programa ang probisyon ng disenteng pabahay para sa Viennese working class kung saan narito ang bulto ng mga sumuporta sa kanila. Ang Karl Marx-Hof ay isa sa mga kilalang pampublikong pabahay sa Vienna, na matatagpuan sa Heiligenstadt, isang distrito ng ika-19 na distrito ng Vienna, Döbling.

Sa Denmark, ang pampublikong pabahay ay tinatawag na Almennyttigt Boligbyggeri na inaari at pinamamahalaan ng tinatayang 700 organisasyong demokratiko at nagsasarili. Karamihan sa mga samahang ito ay mauugat sa kasaysayan ng mga labor union sa Denmark, at sa ngayon ay bumubuo sa nasa 20% ng total housing stock na may 7,500 departamento sa buong bansa.

Sa layuning gawing isang "multilaterally developed socialist society" ang Romania, simula 1974, isang sistematikong demolisyon at  rekonstruksyon ng mga nayon, bayan at lungsod ang isinagawa. Noong 2012, may 2.7 milyong apartment na naitayo, na nasa 37% ng kabuuang pabahay sa Romania at sa halos 70% sa mga lungsod at bayan.

Sa New Zealand naman ay naisabatas ang Workers' Dwellings Act of 1905 na nagresulta upang magtayo ng 646 pabahay. Noon namang 1937, ang Unang Labor Government sa New Zealand ay naglunsad ng isang mayor na sistemang pampublikong pabahay para sa mamamayan nilang hindi kayang mangupahan.

Ang Danish Public Housing ay walang restriksyon sa kinikita ng mga nakatira. Subalit sa pagdaan ng panahon, nagkaroon ng regulasyon ang pamahalaan na pumapabor sa mga nakatirang may trabaho at hindi pinapaboran yaong mga walang trabaho o kahit yaong may part-time na trabaho. Kaya nagkaroon sila ng problemang ghettofication, o yaong mga iskwater kung ikukumpara sa atin. Ang pagsasapribado ng pampublikong pabahay ay isinulong bilang bahagi ng programang ideolohikal ng makakanang panig ng pamahalaan at inilunsad matapos isara ang Ministry of Housing Affairs noong 2001.

Marami pang halimbawa ng pampublikong pabahay na maaaring halawan natin ng mga aral. Ang pampublikong pabahay ay isang anyo ng pabahay na inaari at pinamamahalaan ng isang gobyerno, sentral man ito o lokal.

Ang kahirapan ay di kawalan ng pagkatao

ang kahirapan ay di kawalan ng pagkatao
lider-maralita'y marangal at Katipunero
mabubusog ka nga sa karanasan nila't kwento
nagsisikap, nagtitiyaga sa pagtatrabaho

ang tunay, ang kahirapan ay kawalan ng pera
walang pambili ng pagkain para sa pamilya
walang pribadong pag-aari o kaya'y pabrika
di salat sa pagmamahal, kulang lamang ng kwarta

dahil ba walang pag-aari tayo'y inaapi
"Iisa ang pagkatao ng lahat," ito'y sabi
nitong Gat Emilio Jacinto, na ating bayani
dukha man o mayaman, magkapatid tayo dini

may mga dukha dahil sa pribadong pag-aari
na ugat ng kahirapang di dapat manatili
na dapat tanggalin sa mga tusong naghahari
pribadong pag-aaari'y dapat tuluyang mapawi

di kawalan ng pagkatao kung tayo'y mahirap
kahit na iyang karukhaan ay lubhang laganap
ang pagpapakatao sa ating kapwa'y paglingap
kaya pagpapakatao'y ating ipalaganap

- gregbituinjr.

Lunes, Hulyo 15, 2019

Mabubuti ang mga aktibista

MABUBUTI ANG MGA AKTIBISTA
"Ubi boni tacent, malum prosperat. (Evil prospers where good people are silent.)"

natatanaw ng lawin ang karumhan ng daigdig
tuyot na ang bundok lalo't walang ulang dumilig
naglipanang maruming gawa'y di man lang mausig
tambak na ang katiwalian pagkat di malupig

maraming kahit nakikita na'y nakatunganga
ayaw kumilos, hinahayaan itong lumala
habang kapitalista't elitista'y tuwang-tuwa
nagngangalit naman ang bagang nitong aping dukha

sinong kakampi ng mga aping sadlak sa hirap
sinong dudurog sa kontraktwalisasyong kaysaklap
sinong lalaban sa nasa gobyerno'y mapagpanggap
sinong tutulong nang buhay ay di aandap-andap

buti't di tumatahimik ang mga aktibista
laban sa masama'y patuloy na nakikibaka
kumilos upang baguhin ang bulok na sistema
prinsipyado't laging una'y kabutihan ng masa

- gregbituinjr.

Linggo, Hulyo 14, 2019

Paghandaan ang pagtaas ng sukat ng dagat sa 2030

PAGHANDAAN ANG PAGTAAS NG SUKAT NG DAGAT SA 2030

kaming mga aktibistang Spartan
ay naghahanap din ng katarungan
di lang nagpapalaki ng katawan
o laging naghahanda sa digmaan
kami'y nagsusuri din sa lipunan
at iniisip ang wastong katwiran

kami'y di lamang mga mandirigma
handa rin sa paparating na sigwa
sa nagbabagong klima'y naghahanda
sa kalamidad at mapipinsala
sukat ng dagat tataas, babaha
ang klimang nagbabago'y nagbabanta

pag-isipan ang pagtaas ng dagat
upang sa madla ito'y isiwalat
paano kung ilang piye'y iangat
at mga isla'y lumubog ngang sukat
paghandaan ito't magtulungan ang lahat
bago pa tayo lamunin ng dagat

- gregbituinjr.

Biyernes, Hulyo 12, 2019

Ako

ako'y isang amang mapagmahal sa anak
na lahat gagawin nang di siya umiyak

ako'y inang nagpapasuso pa kay beybi
nang siya'y maging malusog na binibini

ako'y agilang lilipad-lipad sa langit
bakasakaling may makitang madadagit

ako'y langay-langayan sa dako pa roon
palipat-lipat upang umiwas sa ambon

ako'y isa lang pipit na pipiyok-piyok
nang ina ko'y lumipad sa tuktok ng bundok

ako'y alisto lang sa pagdatal ng tigre
umiiwas maapakan ng elepante

ako'y langgam na kung saan-saan patungo
ang hanap ay mailalagay sa tibuyo

ako'y bastardong mang-aawit ng kundiman
na sinasalabat ang sabaw ng halaan

ako'y asintado't tumatama ang sipat
kaya mga kalaban ay dapat mag-ingat

ako sa lansangan ay masipag magwalis
upang daraanan mo'y magmukhang malinis

ako'y dukhang ipinaglalaban ang bahay
pagkat paniwala ko'y tahanan ay buhay

ako'y kaisa ng hukbong mapagpalaya
nakikibakang kasama ng manggagawa

ako'y makatang sa kisame nakatingin
nagtatakang nakalutang ako sa hangin

maraming trabaho ang aking inaako
ako ng ako kahit na walang makuro

ako'y markadong aktibistang maglulupa
na sa labanang kay-init sumasagasa

- gregbituinjr.

Miyerkules, Hulyo 10, 2019

Ang pera

noong wala pang pera, sabay kumain sa gabi
nang magkapera, aba'y nagkanya-kanya na kami
sa nangyari ba'y pera ba ang ating nasisisi?
sa ugnayan ng pamilya, pera ba'y anong silbi?

sa kasalukuyan, nag-iba na ang henerasyon
iniba na ba tayo ng teknolohiya't selpon?
subalit gaano nga ba katamis ang kahapon?
upang ating pagkatao'y baguhin ng panahon?

nang wala pang pera, napakabait, anong amo
at nang magkapera'y nag-iba na ang pagkatao
sadya bang ganito, dahil sa pera'y nagbabago?
nagiging mapangmata, nagiging mapang-insulto?

o, pera, ikaw na nagpapaikot ng daigdig
ninanakaw mo sa amin ang alas ng pag-ibig
pagsinta'y naiiba pag sa iyo nakatitig
batas mo ba'y ano't puso't isip ay nabibikig?

- gregbituinjr.

Martes, Hulyo 09, 2019

May liwanag na nakakubli sa lambong ng ulap

may liwanag na nakakubli sa lambong ng ulap
kung pagsisikapan ay matutupad ang pangarap
buhay ng maralita'y di laging aandap-andap
sa kalaunan ay makakaalpas din sa hirap

bulok na sistema'y bulok sa kaibuturan nito
naaagnas na't kailangan na ng pagbabago
dukha'y di laging lumpo, kaya rin nating manalo
upang magbago ang sistema'y magkaisa tayo

dinadala lagi tayo ng puhunan sa dilim
para sa tubo, ginagawa'y karima-rimarim
piyesta ang mayayaman, ang mga dukha'y lagim
dapat nating wakasan ang ganitong paninimdim

tandaang sa likod man ng dilim ay may liwanag
na matatanaw, kung sama-sama tayo'y matatag
sistemang bulok ay bugok na itlog na pambulag
na sa sama-samang pagkilos ay kayang mabasag

- gregbituinjr.

Lunes, Hulyo 08, 2019

Ang pagbibisikleta


ANG PAGBIBISIKLETA
"Life is like riding a bicycle. To keep your balance, you must keep moving." ~ Albert Einstein

di pwedeng basta magpahinga't matitimbuwang ka
nang di matumba'y itukod agad ang isang paa
maganda nga sa katawan ang pagbibisikleta
titibay ang kalamnan, gulugod, paa't hininga

tulad din ng pagbibisikleta ang iwing buhay
na kilo-kilometro ma'y nadarama ang ngalay
pidal ka ng pidal habang ikaw ay nagninilay
huwag titigil kung ayaw mong basta humandusay

nais kong magbisikleta kung kasama ko'y ikaw
tiyak na sa patutunguhan ay di maliligaw
ambag sa kalikasan, walang polusyong lilitaw
sumabay ka lamang sa indayog ko't bawat galaw

maging disiplinado sa pagtahak sa lansangan
pati na rin sa pangangalaga ng kalikasan
tayo'y magbisikleta't ganda nito sa katawan
habang taas-noong naglilingkod sa sambayanan

- gregbituinjr.

Linggo, Hulyo 07, 2019

Enerhiyang Solar at ang Kapitalismo

The use of solar energy has not been opened up because the oil industry does not own the sun. – Ralph Nader

sa enerhiyang solar, daming ayaw mamuhunan
di naman kasi nila kayang ariin ang araw
ayaw ng industriya ng langis na may kalaban
tulad ng solar na baka sa kanila'y lumusaw

ganyan ang kapitalismo, nais nilang kontrolin
ang mga pagkakakitaang bagay sa daigdig
walang pakialam sa iba, ito ma'y gutumin
basta't mga korporasyon ang tutubo't kakabig

kalikasan ay sinisira ng kapitalismo
pulos pagmimina't coal plants ang ipinapatayo
mga serbisyong pambayan ay ginawang negosyo
tila pagpapakatao na'y tuluyang naglaho

enerhiyang solar sa bayan ay makabubuti
ngunit makasisira sa industriya ng langis
at magmumura naman ang babayarang kuryente
sa enerhiyang solar, tayo na'y magbigkis-bigkis

- gregbituinjr.

Biyernes, Hulyo 05, 2019

Pagpupugay sa ika-45 anibersaryo ng TFDP

PAGPUPUGAY SA IKA-45 ANIBERSARYO NG TFDP

Task Force Detainees of the Philippines, mabuhay kayo
sa ikaapatnapu't lima n'yong anibersaryo
kayong nagtataguyod ng karapatang pantao
nang mabigyang hustisya ang api sa bansang ito

matapat kayo sa layunin n'yo't inaadhika
bilanggong pulitikal ay nais n'yong mapalaya
nais kamtin ang hustisya sa tinokhang na dukha
nagtuturo ng karapatang pantao sa madla

apatnapu't limang taon na kayo, anong tatag
ang inyong misyon at prinsipyo'y di basta mabuwag
agad n'yong nilalabanan ang anumang paglabag
at kung may naninira man ay di kayo matibag

sa paglabag sa karapatan ay nakatugaygay
sa pang-aapi sa maliliit nakasubaybay
O, TFDP, kami'y taas-noong nagpupugay
sa inyong walang tigil na paglilingkod na tunay

- gregbituinjr.
* tulang alay sa TFDP sa ika-45 anibersaryo nito sa Hulyo 5, 2019

Miyerkules, Hulyo 03, 2019

Pambala man ako sa kanyon

PAMBALA MAN AKO SA KANYON

pambala man ako sa kanyon
sa hirap ay makaaahon
huwag lamang akong makahon
na taong hindi mahinahon

patuloy akong kikilos
lalaban sa pambubusabos
haharapin anumang unos
dudurugin sinumang bastos

sa kanyon man ako'y pambala
paglilingkuran ko ang masa
ang manggagawa't magsasaka
pahahalagahan tuwina

may papel akong gagampanan
upang mabago ang lipunan
kahit sa kanyon pambala man
ay may silbi pa rin sa bayan

- gregbituinjr.

Martes, Hulyo 02, 2019

Mga ilang tanong lamang

MGA ILANG TANONG LAMANG

sasali ka sa unyon, babantaan ka na?
karapatan ba ang nais mo o giyera?
bilang obrero, di ba't may karapatan ka?
bakit nananakot agad itong kumpanya?

kapitalista ba'y diyos sa pagawaan?
di ba sila gumagalang sa karapatan?
manggagawa ba'y mga robot na utusan?
obrero'y wala bang karapatang lumaban?

sistema sa pabrika'y bulok pag ganito
kapitalista't talaga ngang mga tuso
tinatrato nilang makina ang obrero
tila baga kalabaw na nilalatigo

bakit bituka ng kapitalista'y halang?
bakit naglalaway silang makapanlamang?
bakit kapitalista'y tusong salanggapang?
na karapatan ng obrero'y hinaharang?

sistemang bulok ba'y atin pang naaatim?
para tumubo ng limpak ang mga sakim?
dapat kapitalismo'y ibulid sa dilim
upang mawakasan ang dulot nitong lagim

- gregbituinjr.

Lunes, Hulyo 01, 2019

Ayoko ng rutin

AYOKO NG RUTIN

ayoko ng rutin tuwing umaga
na dapat ay nagkakape ka muna
di ba pwedeng ako'y magbasa-basa
o kaya naman ay agad maglaba

sikmura ba muna'y paiinitin
o nabimbing gawa'y agad harapin
di ba pwedeng langit na'y tingalain
upang sa ulap, kataga'y hanapin

ang mahalaga'y magkaunawaan
upang di naman nagkakatampuhan
anumang nais ay pahalagahan
upang pagsasama'y pangmatagalan

mabuti pang ako'y iyong kurutin
basta ayoko ng anumang rutin

- gregbituinjr.

Ang maikling kwento sa Taliba ng Maralita

ANG MAIKLING KWENTO SA TALIBA NG MARALITA Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. May ilan pang isyu ng  Taliba ng Maralita , ang...