Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Agosto, 2022

Ngiti

Imahe
NGITI tila ba iwing puso'y nasa alapaap pagkat taal ang alindog ng nakita ko diwatang aking yapos sa laksang pangarap isang ngiti lang niya'y namutla na ako di ko na nasuri ang kanyang mga ngipin kundi ang hugis ng mapula niyang labi tinangay ako sa di mawaring isipin pagkat kahali-halina ng kanyang ngiti tingni't anong ganda ng kanyang kabuuan pagkatao niya'y bituing nagniningning ako nga'y natulala sa kanyang kariktan animo'y isang artista sa puting tabing saan ako patungo, O, aking diwata kundi sa iyo lamang, ang makita kita anumang karamdaman ko'y agad huhupa sa isang ngiti mo lang, ako'y gagaling na - gregoriovbituinjr. 08.29.2022

Sa basurahan

Imahe
SA BASURAHAN may basurahan palang tapunan ngunit nagtatapon ka sa daan bakit? wala ka bang pakialam? dahil ba di mo iyan tahanan? sa tahanan ba'y maayos naman? di mo ginagawang basurahan? kalat dito, doon, at kung saan para bang wala kang pakiramdam pag walang basurahan, ibulsa huwag magtapon ng basta-basta sa basurahan lang magtapon ka na dapat tayo'y may disiplina tulungan natin ang kalikasan pagandahin ang kapaligiran basura'y doon sa basurahan di sa pasilyo, daan, saan lang - gregoriovbituinjr. 08.25.2022

Tasa

Imahe
TASA painitin na ang sikmura maglagay ng tubig sa tasa isunod ay kape o tsaa nang diwa'y magising tuwina kaninang hapong makulimlim ay sinusulat ang panimdim hanggang napit ang takipsilim at hatinggabing anong dilim magkape o magtsaa naman upang sumigla ang katawan gisingin ang diwang palaban pagkat antok na ang kalaban akda kasi'y dapat matapos hinggil sa buhay ng hikahos at sistemang mapambusabos baka panahon na ay kapos magtsaa kung wala nang kape pag inaantok ay diskarte kita'y magtsaa lamang dine baka sa akda'y makabuti - gregoriovbituinjr. 08.24.2022

Bukambibig

Imahe
BUKAMBIBIG bukambibig lagi nila'y paano ba yumaman maging katulad sila ng bilyonaryong iilan ganito'y naging takbo ng isip ng karamihan upang pamilya nila'y iahon sa kahirapan ang inaasam nila'y pansarili't pampamilya  sa pangarap na tila ba di kasama ang kapwa ano nga ba namang pakialam nila sa iba gayong ang iba'y walang pakialam sa kanila bukambibig ko nama'y ginhawa ng sambayanan kolektibong pakikibaka, walang maiiwan kung mababago ang sistemang para sa iilan ay ating matatayo ang makataong lipunan di pansarili kundi panlahatan ang pangarap ng tulad kong tibak upang makaahon sa hirap ang sambayanan, masa'y makatao't mapaglingap at ang bawat isa'y nakikipagkapwa ng ganap - gregoriovbituinjr. 08.23.2022pp0

Paglaban

Imahe
PAGLABAN Tulang TAGAIKU (TAnaGA at haiKU) i sila'y nakikilaban para sa kalayaan ng tanang mamamayan mula sa kaapihan tanong ni pare bakit sila inapi ng tuso't imbi ii yaong lakas-paggawa'y di binayarang tama; ang bundat na kuhila'y sa tubo nagpasasa doon hinango ng hayok na hunyango ang laksang tubo iii kayraming mahihirap na mayroong pangarap anong gagawing ganap nang dusa'y di malasap mundo'y baguhin tanikala'y lagutin nang laya'y kamtin - gregoriovbituinjr. 08.23.2022 * TANAGA - tulang Pinoy, may pitong pantig bawat taludtod * HAIKU - tulang Hapon, may pantigang 5-7-5

Pag-ibig ay pag-aaklas

Imahe
PAG-IBIG AY PAG-AAKLAS pag-ibig ay pag-aaklas sa mga lumang palabas ng burgesya't talipandas na sa masa'y nang-aahas pag-ibig ay pag-aaklas sa korupsyong di malutas sa kabang bayan nagwaldas sa inosente'y umutas pag-ibig ay pag-aaklas sa mga pilak ni Hudas sa gawa ng mararahas sa bulong ng balasubas pag-ibig ay pag-aaklas sa mga trapo't madugas salita'y giliw ng ungas na pangako'y laging gasgas pag-ibig sana'y parehas tungo sa magandang bukas asam ay lipunang patas na magpakatao'y bakas pag-ibig sana nga'y basbas sa dalawang pusong wagas sa pagsusuot ng medyas sa pagtitiklop ng manggas - gregoriovbituinjr. 08.23.2022

Kwento: Limitahan ang ekta-ektaryang pag-aari

Imahe
LIMITAHAN ANG EKTA-EKTARYANG PAG-AARI Maikling kwento ni Greg Bituin Jr. May isang mayamang di man niya sabihin ay nagiging gipit ang mga mahihirap. Nakabili at napatituluhan niya ang nasa limang libong ektaryang lupa dahil na rin sa kayamanan niya at sa koneksyon niya sa pamahalaan. Magaling siyang mangangalakal. Tuso at magaling magmaniobra basta pagdating sa salapi. Tila baga dinidiyos niya ang pera. Kaya pati ang relasyon niya sa kanyang kapwa ay nadungisan dahil sa ugali niyang pangmamata sa hindi niya kauri. Ligal naman daw niyang pinatituluhan ang kanyang lupain sa isang malayong lalawigan, at natamaan doon ang mga lupaing katutubo at mga sakahan. Kaya ang mga magsasakang dating may sinasakang lupa nang libre, ngayon ay nangangamuhan na sa kanya. Ang mga katutubo naman ay itinataboy sa kanilang lupang ninuno. "Anong nangyari?" Sabi ng isang guro na anak ng isang magsasaka roon. "May titulo kasi siya ng lupa na patunay na nabili niya ang lupaing iyon na nakapangala

Magretiro sa edad 80

Imahe
MAGRETIRO SA EDAD 80 ang retirement age ngayon ay sisenta'y singko na naaayon sa batas at kompulsaryo ngunit may nagpapanukala sa Kongreso gawing otsenta ang retirement ng obrero tiyak matutuwa sa panukala niya ang mga matatandang nais pang kumita madaramang nakakatulong sa pamilya senior citizen na sila'y malalakas pa ganado ako sa ganitong panukala upang magkatrabaho kahit matatanda kaya kikita pa rin kahit maralita "tanggalin ang age limit!" ang sigaw ng dukha kumaing wasto nang katawan ay lumusog bitamina'y kainin matapos mabusog upang buto't kalamna'y tumibay, di lamog maglakad lagi't magpapawis, na di bugbog senior citizen man ay manggagawa pa rin nais magretirong maaga'y pwede man din gawin mang otsenta ang edad ng retayrment mungkahing ang trabaho nila'y paalwanin - gregoriovbituinjr. 08.15.2022 * Ulat mula sa Abante Tonite, 08.05.2022, p.3

Nakalalasong butete

Imahe
NAKALALASONG BUTETE nakabibigla ang isang ulat na mula sa malayong probisya nalason sa butete, minalas anim na anak at mag-asawa iniluto ang isdang butete o buriring, siyang inalmusal makalipas ang ilang sandali isinugod sila sa ospital nahilo kasi't nawalang malay pagkat sila na pala'y nalason di mo masabing ganyan ang buhay kung bumagsak ka't di makabangon may nakalalasong bahagi raw ang isdang butete o buriring na dapat tanggalin habang hilaw lutuing mabuti saka kainin maiging ganito'y nabalita upang ito'y mabatid ng bayan upang sa pagkain nito'y handa nang pamilya't kapwa'y maingatan - gregoriovbituinjr. 08.15.2022 * Ulat mula sa Abante Tonite, 08.05.22, p. 2

Mga Kwento nina Placido Parcero Jr. at Benjamin Pascual

Imahe
MGA KWENTO NINA PLACIDO PARCERO JR. AT BENJAMIN PASCUAL Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Magkasabay kong binili ang dalawang aklat ng kwento nang minsang mapagawi ako sa Solidaridad Bookshop sa Ermita sa Maynila. Pebrero 11, 2022, nang makita ko ang kalipunan ng mga tula nina Placido Parcero Jr. at Benjamin Pascual.  Dumaan kasi ako sa bahay nina Ka Tek, ang bise-presidente ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan halal akong sekretaryo heneral, sa bandang San Andres. Kaya napagpasyahan kong dumako muna sa Solidaridad Bookshop bago umuwi upang malaman kung ano ba ang mayroong bagong aklat pampanitikan doon. Hanggang makita ko ang "Alyas Juan Dela Cruz at Iba Pang Kwento" ni Placido R. Parcero Jr., na nagkakahalaga ng P230.00, na nasa 184 pahina ang mismong mga kwento, maliban pa sa 36 pahinang nasa Roman numeral. Katabi lang ng aklat na iyon ang "Landas sa Bahaghari at Iba Pang Kwento" ni Benjamin P. Pascual, na nagkakahalaga nama

Salin ng "Old Man and the Sea" ni Ernest Hemingway

Imahe
SALIN NG "OLD MAN AND THE SEA" NI ERNEST HEMINGWAY Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Naisalin na pala ni Ginoong Jesus Manuel Santiago ang akdang "The Old Man and the Sea" ni Nobel prize winner Ernest Hemingway, na isang manunulat na Amerikano. Si Ka Jess ay hindi lang pala mang-aawit kundi translator o tagasalin din pala. Para ring pinagtiyap ang tagasalin at ang bida sa akda. Santiago ang apelyido ni Ka Jess, at Santiago rin ang pangalan ng pangunahing tauhan sa akda. Nabili ko ang isinalin niyang aklat sa The Bookshop ng UP Hotel sa Diliman sa halagang P150.00 nito lang Hulyo 12, 2022. Ang aklat ay may sukat na 5 1/2" at 7 5/8" at may 100 pahina, ang 94 dito ay ang mismong teksto ng salin. Pinagpaplanuhan ko sana itong isalin subalit naisalin na pala. At mabuti't aking nakita ang aklat na ito. Kung hindi ko pa nakita ito ay hindi ko pa malalaman na may nagsalin na pala nito. Tanong ko tuloy sa aking sarili, alin pa kayang akda ang hindi pa

Ang libro

Imahe
ANG LIBRO thirty five pesos lang ang libro sa BookSale ko nabili ito bakasakali lang matuto sa taong binabanggit dito pamagat ng libro'y " Boy Genius " hinggil sa nagpanalo kay Bush anong prinsipyong tumatagos? taktikang ginamit nang lubos? sino si Karl Rove, busisiin baka may matutunan man din ito ba'y magagamit natin upang tayo'y magpanalo rin kabibili lang nitong aklat di pa ito nabasang sukat 'yaan ito muna'y mabuklat pag nabasa na'y iuulat - gregoriovbituinjr. 08.12.2022 * nabili ko ang nasabing libro sa BookSale, Farmers, Cubao

Anim na oras na trabaho kada araw

Imahe
Sigaw ng maralita: ANIM NA ORAS NA TRABAHO KADA ARAW anim na oras na trabaho ang hiling ng dukha upang madagdagan ang labor force, ang manggagawa bukod sa bahay, sinisigaw na rin nilang kusa: “TRABAHO PARA SA WALANG TRABAHONG MARALITA!” sigaw na nila:  TRABAHO'Y GAWING ANIM NA ORAS! kung may tatlong obrero sa paggawang otso-oras sa loob ng isang araw, ah, sa anim na oras ay magiging apat na ang obrero, di ba, patas? mungkahi iyan ng dukha upang magkatrabaho tatlong manggagawa pa'y naging apat na obrero kawalan ng trabaho'y nasolusyunang totoo di na mukhang kawawa pag dukha na'y may trabaho tanggalin din ang age limit, dapat ding ikampanya upang may edad man, magkatrabaho, kung kaya pa sa ganito, maralita'y may dignidad nang kanya at mabubuhay pa nila ang mahal na pamilya - gregoriovbituinjr. 08.12.2022 * litrato mula sa blog ng KPML

Kwento: Gawing anim na oras kada araw ang trabaho

Imahe
GAWING ANIM NA ORAS KADA ARAW ANG TRABAHO Maikling kwento ni Greg Bituin Jr. Nagkita-kita sa nakatakdang pagpupulong ng kanilang samahan ang ilang lider-maralita. Tinalakay nila ang mga isyu ng kanilang sektor na dapat iparinig sa pamahalaan. Nariyan ang usapin ng pabahay na lagi nilang isinisigaw sa kalsada. Para raw iyon sa mga maralitang walang sariling tahanan. Nakikitira lang kundi man nananahan sa mga danger zones o mga mapanganib na pook tulad ng tabing riles, tabi ng ilog, malapit sa bangin, tambakan ng basura, sa bangketa, o sa gilid ng kalsada.  Subalit natanong din nila sa isa’t isa bakit naman doon nakatira ang mga maralita - sa mga mapanganib na pook. Saan naman daw titira ang mga maralita? Sa mga paupahang bahay bang disente nga subalit kulang pa sa pagkain ng pamilya ang kinikita ng padre de pamilya? Wala rin silang regular na trabaho kundi dumidiskarte na lamang. Kung magkatrabaho naman, nabibiktima pa sila ng mga ilegal na rekruter, at ng salot at mapagsamantalang iske

Saan daw ako nagsusulat?

Imahe
SAAN DAW AKO NAGSUSULAT? tanong sa akin ng isang kapwa ko manunulat "kaibigan, sa anong pahayagan ka nag-uulat, tumutula, nagsasaysay, o kaya'y nagsusulat?" tila sa kanyang tanong, ako'y bahagyang nagulat pagkat tulad nila'y may dyaryong pinagsusulatan nagmamalaking nagsusulat sa ganito't ganyan kanilang akda'y pinababasa sa sambayanan sinabui ko rin ang dyaryo kong pinaglilingkuran ako'y nagsusulat sa Taliba ng Maralita na opisyal na pahayagan ng samahang dukha ang K.P.M.L. ay may dyaryong kanilang ginawa dalawampung pahinang dyaryong kayrami ng akda mga ulat ng samahan sa dinaluhang pulong at nag-uulat ng tapat, di fake news o halibyong ang pangulo ng samahan pa'y may sariling kolum may balita't tula, isyu'y paano isusulong salamat sa Taliba ng Maralita, may dyaryo akong pinagsusulatan, sa kanila'y tugon ko na sa mga akda ko'y naglalathalang totoo na pag nawala pa ito'y ikaluluhang todo - gregoriovbituinjr. 08.11.2022 * K.P.M.

Hugot

Imahe
HUGOT pag nais kunin ay huhugutin ang litaw sa butas na malalim hugot din pag mula sa damdamin na sa diwa'y lalambi-lambitin iniibig kita, aking mahal ibig kita kaya minamahal kahit na hirit mo'y pulos mahal mahal bilhin, presyo'y anong mahal kayraming hugot sa mga pader na isinulat naman sa papel di ko na kailangan ng google nang makita ka, the search is over dilim ka ba? noong dumating ka wala na akong nakitang iba kung ini-SMALL ka naman nila aba'y inii-BIG naman kita kung si pinsan, may asawang Pretty at may Byutipul naman si Pare isang katoto'y mayroong Honey aba, ako nama'y may Liberty kayraming hugot ng dusa't tuwa dulot ay kilig o kaya'y luha may pintig yaong sinasalita minsan, sapul ang bawat patama - gregoriovbituinjr. 08.11.2022 * litratong kuha ng makatang gala sa nadaanan niyang sago't gulaman

Walden

Imahe
WALDEN aba'y laman siya ngayon ng mga pahayagan siyang binabaka yaong nakaambang karimlan siyang lumalaban sa mga kasinungalingan siyang matapang na ihayag ang katotohanan tangan kaya ng anak ng diktador ang pambura? ng kasaysayang nais nilang mabago talaga? katotohanan kaya'y tangan ba naman ng masa? ayaw mabaluktot ang naganap na diktadura? dudurugin ang estratehiya ng mandarambong at mga halimaw na sa bayan ay gumugunggong huwag hayaang kumalat ang fake news o halibyong huwag hayaang bayan ay punuin ng linggatong sa panahon noon ng ama, ikaw na'y napiit kumilos para sa karapatan ng maliliit isinulong ang adhikain at lipunang giit sa panahon ngayon ng anak, muli kang napiit ituloy mo ang laban, inspirasyon ka sa amin habang ipinaglalaban mo'y tinutuloy namin taas-kamaong pugay sa tangan mong adhikain pagkat magkasangga nating lalabanan ang dilim - gregoriovbituinjr. 08.10.2022

Paglalaba sa kanal

PAGLALABA SA KANAL binidyuhan ko lang nang makita ang isang matandang naglalaba sa tubig ng kanal, sa bangketa dahil tubig ba'y libre talaga? kita kong malakas ang pag-agos ng tubig, baka kaya nilubos ng matanda, paglaba'y rinaos lalo't sa buhay siya'y hikahos bakit kanal ang nilabhang lubha? nitong matandang tingnan mo't dukha? kawawang buhay ng maralita baka wala pang bahay si Tanda ayoko pang tingnan siyang baliw kundi sa pagbidyo pa'y naaliw  matandang kapara'y basang sisiw na marahil iniwan ng giliw - gregoriovbituinjr. 08.09.2022 * ang bidyo na 15 segundo ang haba ay nasa kawing na:  https://fb.watch/eOd7NSrM28/

Mga dapat pang saliksiking akda ni Jacinto

Imahe
MGA DAPAT PANG SALIKSIKING AKDA NI JACINTO Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Sa marker ng Bantayog ni Gat Emilio Jacinto sa Magdalena, Laguna ay ganito ang nasusulat: EMILIO JACINTO 1875 - 1899    REBOLUSYONARYO AT BAYANI. ISINILANG SA TONDO, MAYNILA, 15 DISYEMBRE 1875. NAG-ARAL SA KOLEHIYO NG SAN JUAN DE LETRAN AT UNIBERSIDAD NG STO. TOMAS. UMANIB SA KATIPUNAN NA MAY PANGALANG PANDIGMA NA PINGKIAN AT NAGING KALIHIM NG SAMAHAN, 1894. SUMULAT NG "KARTILYA," "KATIPUNAN NANG MGA A.N.B. - SA MAY NASANG MAKISANIB SA KATIPUNANG ITO." ISA SA MGA NAGTATAG NG "KALAYAAN," ANG PAHAYAGAN NG KATIPUNAN, 1896. KASAMANG SUMALAKAY SA SAN JUAN DEL MONTE UPANG KUBKUBIN ANG EL POLVORIN  BILANG PAGSISIMULA NG MALAWAKANG PAGHIHIMAGSIK LABAN SA MGA ESPANYOL, 30 AGOSTO 1896. HINIRANG NI BONIFACIO BILANG PUNONG HUKBO SA HILAGA. PINAMUNUAN ANG LABANAN SA MAIMPIS, MAGDALENA, LAGUNA KUNG SAAN MALUBHA SIYANG NASUGATAN, 27 PEBRERO 1898. MAY AKDA NG "GISING NA, MGA TAGALO