Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Abril, 2019

Bakit may luksang parangal?

Imahe
BAKIT MAY LUKSANG PARANGAL? Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr. Nakayayanig ang malamang namatay ang limang kasama sa pakikibaka sa loob lamang ng halos dalawang linggo. Isang lider ng KPML si Doreen Mendoza na namatay sa sakit noong Marso 26, 2019. Si Benjie Resma, pangulo ng Partido Lakas ng Masa - Tatalon chapter ay binawian ng buhay noong Abril 5, 2019. Si Ka Richard Lupiba ng ZOTO / KPML ay yumao naman noong Abril 6, 2019. Si Ka Cesar Bristol, Bise Presidente ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Timog Katagalugan (BMP-ST) ay sumakabilang-buhay noon ding Abril 6, 2019. At si Larry Labian na nasa gawaing teatro ay namatay naman ng Abril 9, 2019. Sa lahat ng ito, nagbigay ang mga kasama ng luksang parangal bilang pagpupugay sa mga kasamang namatay. Naging tradisyon na ng kilusang paggawa, kilusang sosyalista, at/o kilusang rebolusyonaryo na mag-alay ng luksang parangal sa kasamang namatay. Kadalasang ginagawa ito sa huling araw ng lamay, dahil kinabukasan na ay ililibing. Ma

Bihira ang nabibigyan ng pagkakataong maging aktibista

Imahe
BIHIRA ANG NABIBIGYAN NG PAGKAKATAONG MAGING AKTIBISTA bihira lang ang nabibigyan ng pagkakataong maging aktibista't ialay ang kanyang panahon at buhay sa magagandang adhikain at layon upang tuluyan nang baguhin ang sistema ngayon pag nabigyan ka ng pagkakataong pambihira huwag mong sayangin, maglingkod kang tunay sa madla at makipagkaisa ka sa uring manggagawa pagkat ang maging aktibista'y gawaing dakila marami ang takot, tila nababahag ang buntot maraming nangangambang manuligsa ng kurakot tunay ngang mga aktibista'y di dapat matakot kundi maging makatwiran, matatag, di bantulot tara, maging aktibista, matutong manindigan makibaka para sa pagbabago ng lipunan maging prinsipyado, maging matatag, makatwiran ipaglaban bawat karapatan ng mamamayan mapalad ka kung nabigyan ka ng pagkakataong maging aktibista't ialay ang buong panahon at buhay sa magaganda't dakilang mithi't layon upang tuluyang ibagsak ang mga panginoon! - gregbituinjr.

Mahirap kung wala kang salapi'y walang karamay

MAHIRAP KUNG WALA KANG SALAPI'Y WALANG KARAMAY mahirap kung wala kang salapi'y walang karamay maysakit ka'y balewala ka, iyong naninilay tila ba ang salapi'y magandang gamot sa lumbay malulunasan ang puso mong napuno ng pilay ganyan kadalasan ang buhay mong nararanasan pag walang salapi'y walang kasangga't kaibigan di ka papansinin, para kang tuod sa kawalan walang-wala ka na'y wala na silang pakialam saan ka na patungo kung wala ka nang salapi tila ba buong bayan ang sa iyo'y namumuhi ang sugat mong naging pilat ay muling humahapdi buti pa noong may pera ka pa't di nasasawi dahil ba walang pera'y bawal nang magpakatao? iyan ba'y pamana ng sistemang kapitalismo? - gregbituinjr.

Pahimakas kay Ka Cesar Bristol

PAHIMAKAS KAY KA CESAR BRISTOL ka Cesar Bristol, tunay siyang lider-manggagawa magaling na intelektwal, manunulat, dakila sa kumpanya sa Pasig ay nagtrabaho't lumikha ng produkto, ngunit nag-organisa ng paggawa kumilos sa paaralan at mga pagawaan at organisador ng manggagawang lumalaban nangarap, kumilos upang baguhin ang lipunan dekano ng edukasyon ng BMPng palaban sa nahuling Antipolo Five, siya'y nakasama pagkat isang manggagawa, palabang aktibista biktima ng tortyur sa panahon ng diktadura magaling na taktisyan ng obrero sa pabrika kakampi ng obrero, makibaka'y iyong tungkol mabigat na pagpupugay sa iyo'y nauukol ikaw na nakibaka't sa kapitalismo'y tutol taas-noo kaming nagpupugay, Ka Cesar Bristol - gregbituinjr.,04/09/2019

Nakalimutan nilang tao rin ang manggagawa

NAKALIMUTAN NILANG TAO RIN ANG MANGGAGAWA may mag-asawang nangarap na kumita ng todo naipong pera nila'y pinuhunan sa negosyo may makina'y dalawa lang silang nagpapatakbo at naisipan nilang dapat magdagdag ng tao kaya agad silang nangalap ng mga obrero at maraming manggagawa ang kanilang kinuha upang magtrabaho't mapalago ang kanilang kita tingin nila, manggagawa'y ekstensyon ng makina na anumang oras ay gagawin ang nais nila di pwedeng umangal pagkat sinasahuran sila hanggang pabrika'y lumago sa tagal ng panahon dahil sa manggagawang masisipag, nakaahon pinauso pa ang salot na kontraktwalisasyon trabaho'y limang buwan lang, ganito taun-taon bagamat may obrerong na-regular din paglaon ngunit tingin ng obrero, sahod nila'y kayliit walang proteksyon sa pagawaan, napakainit di bayad ang obertaym, ang sweldo pa'y naiipit nagtayo sila ng unyon laban sa panggigipit ang mag-asawang may-ari ng pabrika'y nagalit nais ng may-aring mga

Ako'y nauupos

Imahe
AKO'Y NAUUPOS ako'y nauupos sa dami ng upos ng yosi naglalakad ako'y nagkalat sa daan, kayrami tapon doon, tapon dito, sila na'y nahirati ang ating pamahalaan ba'y anong masasabi? ako'y nauupos sa laksang nagkalat na upos wala bang lagakan ng abo, sa ash tray ba'y kapos? latang walang laman, bakit di gamitin nang lubos? nang mga upos na ito'y ating maisaayos nakakaupos ang naglipanang upos sa dagat pagkat kayraming isda ang sa upos nabubundat ikatlo raw na basura ang upos na nagkalat paanong sa pagtapon nito tao'y maaawat? sa nagkalat na upos, anong dapat nating gawin? ito bang kalikasan ay paano sasagipin? huwag hayaang upos ay lulutang-lutang pa rin sa dagat nang kalikasa't isda'y masagip natin - gregbituinjr.

Halina't mag-yosibrik

Imahe
HALINA'T MAG-YOSIBRIK di ka pa ba naiinis sa naglipanang upos sa basurahan, daan, dagat, di maubos-ubos tila ba sa ating likuran, ito'y umuulos upos sa kapaligiran, animo'y umaagos sa nangyayari'y dapat may gawin, tayo'y umimik tipunin ang mga upos, gawing parang ECOBRICK sa boteng plastik ay ipasok at ating isiksik ang boteng siksik sa upos ay tawaging YOSIBRIK kailangang may gawin sa upos na naglipana sa dagat kasi'y upos na ang pangatlong basura di ba't dahil sa upos, may namatay na balyena imakalang pagkain ang itinapong basura madawag na ang lungsod, sa upos ay nabubundat naninigarilyo kasi'y walang kaingat-ingat pansamantalang tugon sa upos na walang puknat ay gawing yosibrik ang mga upos na nagkalat - gregbituinjr.

Kinalabosong upos

Imahe
KINALABOSONG UPOS K ita nyo bang sa dagat, mga upos na'y nagkalat? I katlo raw ito sa laksang basura sa dagat N aisip nyo bang sa upos, mga isda'y bubundat? A t pagkamatay nila sa upos sa budhi'y sumbat L agi nating isipin ang buti nitong daigdig A ng dagat na'y nasaktan, pati pusong pumipintig B asurang nagkalat sa kalamnan niya'y yumanig O , dapat itong wakasan, tayo'y magkapitbisig S imulan nating sagipin ang ating karagatan O  kaya'y mag-umpisa sa ating mga tahanan N aglipanang upos ay gawan natin ng paraan G umising na't magsikilos para sa kalikasan U pos ay kinulong ko sa bote bilang simula P ag dagat ay pulos upos, mga isda'y kawawa O o, ito'y pagkain, aakalain ng isda S umpa iyang upos sa dagat, problemang kaylubha -gregbituinjr.

Bigas, Hindi Bala

Imahe
BIGAS, HINDI BALA (Alay sa ikatlong anibersaryo ng masaker sa Kidapawan, at binasa ng may-akda sa rali sa harap ng Department of Agriculture, Abril 1, 2019.) Hustisya sa mga magsasakang buhay ay inutas gayong nagrali lamang dahil sa kawalan ng bigas Bakit sila pinaslang ng mga alagad ng batas gayong nais lang nilang dusa't gutom nila'y malutas? Katarungan sa mga minasaker sa Kidapawan sa pamilyang nais lang makaalpas sa kagutuman Nagpapahayag lang sila'y bakit ba sila pinaslang? Dapat malutas ang kasong ito't huwag matabunan Bigas, hindi bala, ang sigaw ng mga magsasaka Hiningi'y bigas, bakit binigay sa kanila'y bala Kaya isinisigaw namin ay: Hustisya! Hustisya! Kaya hinihiling din ng masa'y Hustisya! Hustisya! Bigas, hindi bala! Katarungan! Nawa ito'y dinggin ng mga nasa poder at problemang ito'y lutasin. - gregbituinjr. * Ang rali ay pinangunahan ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), at ni