Lunes, Hulyo 06, 2026

Paunang Salita sa planong aklat na "Talambuhay ng Ilang Manunulat na Nagpatiwakal"

PAUNANG SALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi ako sikolohista kundi isang biyudong nakaranas ng depresyon. Kalagitnaan ng Abril 2026, halos dalawang buwan bago ang babang luksa kay misis, tumigil ang aking mundo: Hindi ako nakapagsulat, nangulila ang aking mga blog na naglalaman ng aking mga tula, kwento't iba pang sulatin. Sumagi rin sa isip kong tapusin ang aking buhay.

Subalit may mga plano kami ni misis na dahilan upang hindi ako magpatiwakal. May plano akong kalipunan ng mga tulang pamamagatan kong "100 Tula Para Kay Liberty" na batid ng aking asawang si Liberty na sinimulan ko na noong nabubuhay pa siya. At nais kong makakatha ng isang nobela kahit minsan sa buhay ko.

Gayunman, naisipan kong maghanap ng sikolohista dahil sa nararanasan kong depresyon, subalit nang magtanong ako, P1,500 ang bawat sesyon sa isang sikolohista. Hindi kaya ng tulad kong pultaym na tibak na nagsisilbi sa mga manggagawa't maralita. Kaya naisipan kong ako na lang ang gagamot ng aking depresyon. Kaya sinimulan kong manood ng mga libreng palabas saamman mayroon, tulad ng Metropolitan Theatre (MET), UP Film Institute, Sine Pop, at Mowelfund Film Institute. Nagtungo rin ako at nagsaliksik sa National Library. Nilibot ko rin ang National Museum at napuntahan ang tatlong building niyon: ang National Museum of Fine Arts, ang National Museum of Anthropology, at ang National Museum of Natural History na magkakatabi lang sa Luneta sa Maynila.

Sa panahong may depresyon ako, madalas akong nakatitig sa kisame, at natulog ng ilang araw na animo'y pagod na pagod. Lumabas lang ako ng kalsada noong Mayo Uno. Kumbaga'y parang awtomatiko na ito sa aking sistema, na hindi ako dapat lumiban o umabsent sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Muli akong lumahok at nakiisa sa mga manggagawa sa rali hanggang sa kanto ng Recto Avenue at Morayta dahil hinarangan na ng mga container van ang dalawang bahagi ng Recto bago mag-Lepanto. Matapos iyon ay balik na naman ang depresyon.

Mayo 17, 2026 na nang bigla akong bumalikwas upang magsulat, higit kalahating buwan matapos ang Mayo Uno, at isang buwan mula nang makaramdam ako ng depresyon. Sinimulan ko ang Paunang Salita sa aklat na "Katipunan ng mga Akda ni Ka Pedring Fadrigon". Si Ka Pedring ang aming pambansang pangulo sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan ako ang halal na sekretaryo heneral.

Ikalawa'y tinapos ko ang apatnapung pahinang libretong "Mga Tula at Kwento sa Klima" na inilunsad ko sa Mowelfund Film Institute noong Hunyo 5, 2026, kasabay ng World Environment Day (Pandaigdigang Araw ng Kapaligiran). Dahil hindi pa rin talaga bumabalik ang pagiging aktibo ko sa pagsusulat, 'yung mga dati ko nang naisulat ang tinipon ko sa libretong ito. Masidhi pa rin ang nararanasan kong depresyon. At palagay ko'y tula ang lunas sa kalagayan kong ito. Kaya nagbakasakali akong magpasa ng mga tula sa Linangan ng Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) bilang bahagi ng naiisip kong therapy. Hunyo 20, 2026 ay muli akong nakalahok sa anim na buwang pag-aaral ng tula sa LIRA. Maraming salamat talaga.

Hulyo 7, 2026 nang maisipan kong magsaliksik ng mga manunulat na nagpatiwakal, bagamat noon pa'y batid ko na kung sino silang hinahangaan kong manunulat. Pangunahin sa kanila sina Nobel Prize winner Ernest Hemingway, Sylvia Platt at Virginia Woolf. Sa kanila ko sinimulan ang aking saliksik. Matapos sila, saka ko na sinaliksik ang iba pang mga makata at manunulat na nagpatiwakal.

May aklat akong si Virginia Woolf ang nasa pabalat, na ang pamagat ay "Writers: Their Lives and Works". Kaya nag-selfie ako sa aklat na nabanggit na ginawa kong litrato sa pabalat ng aklat na ito.

Sa aklat na ito'y nabasa ko rin ang talambuhay ni Edgar Allan Poe, bagamat hindi siya nagpatiwakal kundi namatay malapit sa istasyon ng tren, ay nabasa kong nagkaroon din siya ng depresyon, tulad ko, nang mamatay ang kanyang asawa. Ayon sa pahina 85 ng nasabing aklat: "Virginia Eliza Clemm: Poe's bride - his first cousin - was half his age when they married in 1835. Her death seven years later sent Poe into the depths of depression." (Virginia Eliza Clemm: Ang kasintahan ni Poe - na kanyang pinsan - ay kalahati ng kanyang edad nang sila'y pinag-isang dibdib noong 1835. Ang kanyang pagkamatay pitong taon ang lumipas ay nagdulot kay Poe ng matinding depresyon.) Tulad ni Poe, nakapitong taon din kami ni misis bago siya namatay. Ikinasal kami noong Pebrero 14, 2018 at namatay siya noong Hunyo 11, 2025 sa isang ospital. Kung paano nalampasan ni Poe ang kanyang depresyon ay wala sa ulat, na sana'y kayanin ko rin ang depresyon kong nararanasan.

Sa aklat na ito, binalangkas ko ang aking saliksik sa tatlong bahagi.

Una, talambuhay ng manunulat mula pagsilang hanggang kamatayan.

Ikalawa, ano-anong akda ang nagpasikat sa kanya?

Ikatlo, bakit siya nagpatiwakal, o bakit kaya siya nagpatiwakal? Ang unang tanong ay batay sa saliksik, habang ang ikalawang tanong ay hinggil sa aking pananaw. Depresyon din kaya ang dahilan?

Marahil, hindi ako magpapatiwakal tulad nila, lalo na't sila'y mga sikat na manunulat, habang ako naman ay wala pa sa kalingkingan nila. Isa lang akong pipitsugin at abang manunulat na naglilingkod sa maralita't uring manggagawa. Nalathala noon ang aking mga akda sa pahayagang Obrero ng grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM), magasing Maypagasa ng grupong Sanlakas, at publikasyong Taliba ng Maralita ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). 

Kaya wala akong panama sa kanila. Kung sakaling magpatiwakal ako dahil hindi ko nakayanan ang aking nararanasang depresyon, eh, ano? Hindi naman ako sikat at walang pakialam ang mga Pilipinong manunulat kung magpatiwakal man ako. Hindi ako sikat, at hindi ako magaling.

Sino ba naman ang kikilala sa isang pultaym na aktibistang manunulat, na tingin ng marami ay pulahan, komunista, at kung anu-ano pang pangre-redtag na nais nilang gawin upang mawala ang tulad naming mga tibak na manunulat sa balat ng lupa?

Gayunman, bagamat ako'y pultaym na tibak, nakakaranas din pala ng depresyon ang tulad ko, na marahil ay ikamatay ko kung hindi ko na kaya. Subalit sabi ko nga, sa katinuan ko, ayokong magpatiwakal habang hindi ko pa natatapos at nailathala ang plano namin ni misis noong nabubuhay pa siya, na nabanggit ko sa itaas.

Paumanhin kung personal ang aking naisulat. Nawa'y mabigyan ko ng hustisya ang mga naisulat ko at nasaliksik hinggil sa mga kilalang awtor na nagpatiwakal. Maraming salamat po sa inyong pang-unawa.

Hulyo 7, 2026

Biyernes, Hunyo 26, 2026

Nilay at 2 tulang binigkas sa Dengcar Theater sa Mowelfund

NILAY AT 2 TULANG BINIGKAS SA DENGCAR THEATER NG MOWELFUND
‎Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.
‎Nanood ako ng dalawang set ng anim na pelikula sa Dengcar Theater sa Mowelfund Film Institute sa Lungsod Quezon bilang pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng independent films sa Pilipinas. Galing pa ako sa National Library of the Philippines (NLP) ng umaga at nakinig ng pagtalakay ni Dr. Ambeth  Ocampo hinggil kay Dr. Jose Rizal mula 9 am - 11 am.
‎Ikalawa ng hapon naman ay nasa Dengcar na ako upang manood. Ipinalabas ang CInemartyrs (2025) ni Direk Sari Dalena (104 mins). Matapos iyon ay break muna at nagmeryenda kami. Ikalima ng hapon ay pinalabas naman ang limang pelikula. Ito ay ang Oliver (1983) ni Direk Nick Deocampo (45 mins), Palugid (2001) ni Direk Paolo Villaluna (15 mins), Whoman (2001) ni Gladys Hernando (8 mins), T (2001) ni Tammy Tam (15 mins), at Si Astri Maka at si Tambulah (2017) ni Xeph Suarez (20 mins).
‎Matapos ang palabas, sa ganap na ikapito ng gabi ay nagkaroon ng talk back session kung saan nasa harapan namin at nakaupo ang mga direktor. Nakinig kami habang pinag-uusapan nila ang proseso ng pagkagawa nila ng pelikula. Nagkaroon ng open forum. Nagtaas ako ng kamay, tinawag ako at binigkas ang dalawang tulâ bilang pagninilay. Ang dalawang tulâ ay may tigsampung pantig bawat taludtod.
‎CINEMARTYRS
‎tagos po sa pusò ang mensahe 
‎ng CInemartyrs, walang masabi
‎pelikula'y tunay na may silbi
‎sa henerasyon ngayon at dati 
‎mensahe ng pinanood namin
‎kasaysayan ay huwag limutin
‎ito'y pag-aralan nati't damhin
‎kayrami pang dapat halungkatin
‎tulad ng pagkabuo ng bansâ 
‎may bansâ muna bago paglayà
‎tulad ng Bud Dajo, isadiwà
‎ang saysay ng lahi, dugo't luhà
‎pelikulang sa lupà ay lapat
‎sa kasaysayan ay nakaugat
‎sa napanood at nadalumat
‎pagpupugay at pasasalamat

Naisulat ko ang tulang ito matapos ang Cinemartyrs, habang ang ikalawang tula ay isinulat ko matapos naman ang ikalawang set ng pelikula.
‎KAPASIYAHAN SA KATAWAN
‎boy, girl, bakla, tomboy, ika nila
‎ang paksa sa limang pelikula
‎pangmulat, panlahatan, pangmasa
‎na maunawa ang bawat isa
‎limang pelikulang sadyang tagos
‎sa kamalayan, sapat, di kapos
‎ramdam na napanood ay taos
‎sa kwentong ginawâ ninyong lubos
‎ang bawat tao'y may karapatan
‎magkaiba man silang katawan
‎dala man iyon ng kahirapan
‎o sarili nilang kapasyahan
‎salamat sa pelikula ninyo
‎pagkat diwa'y binuksang totoo
‎Ang pagtula ko ang nagsilbing pagsasara ng programa, pagkat wala nang ibang nagtanong at isinara na ng emcee ang palatuntunan. Nakauwi ako ng bahay ng ikasiyam ng gabi.
‎06.26.2026

Miyerkules, Hunyo 24, 2026

Salamat po, Haribon


SALAMAT PO, HARIBON!
(nilikha matapos ang oryentasyon ng Haribon sa pamamagitan ng zoom, pinadala rin sa comment sa zoom)

maraming salamat sa Haribon
sa aming napag-aralan ngayon
kung paano ba maprotektahan
ang ibon, bayan, at kalikasan

tahanan ng mga katutubo
pangalagaan nang di maglaho
sa gubat ang mga bunga'y hitik
dagat ay di tapunan ng plastik

mahalaga ang ekolohiya
na dapat matutunan ng masa
mahalaga bawat komunidad
balansehin tungo sa pag-unlad

puno ay huwag itratong troso
na pagtutubuan ng negosyo
mga nanganganib na ispesyi
ay pangalagaan - ang mensahe

- gregoriovbituinjr.
06.24.2026

Martes, Hunyo 16, 2026

Isang tula kay Vincent Van Gogh

‎ISANG TULÂ KAY VINCENT VAN GOGH 
‎Inspiring words from a great painter for this poet (from the book "The Letters of Vincent Van Gogh):
‎"The artist always comes up with resistance from nature in the beginning, but if he really takes her seriously he will not be put off by the opposition, on the contrary, it is all the more incentive to win her over - at heart, nature and the honest draughtsman are as one." (page 94)
‎"I should like to do portraits which will appear as revelations to people in a hundred years' time." (page 492)
‎KAY VINCENT VAN GOGH
‎mga liham mong nasulat
‎ngayon na'y isinaaklat
‎na nang aking mabulatlat
‎at nabasa ay namulat
‎tila payò at mensahe
‎sa makatâ't sa marami
‎kayraming mga diskarte
‎sa pinta, búhay at siste
‎ang mga pinta mo noon
‎ay hinahangaan ngayon
‎liham mo'y payò at tugon
‎sadyang isang inspirasyon 
‎salamat sa mga payò
‎na tagos sa diwa''t pusò
‎- gregoriovbituinjr.
‎06.16.2026

Sabado, Hunyo 13, 2026

Ibinahaging tula sa palabas na Delikado sa Sine Pop

IBINAHAGING TULA SA PALABAS NA "DELIKADO" SA SINE POP

Isa sa inabangan ko ang pagpapalabas ng dokumentaryong Delikado sa Sine Pop. Dahil nais kong magpahinga sa araw na iyon, nagtungo ako sa Sine Pop sa Cubao upang panoorin muli ang pelikulang Delikado. Ikalawa ng hapon ay naroon na ako.

Dati ko na itong napanood sa Harong sa Mother Ignacia ilang taon na ang nakararaan, subalit pinilit ko pa ring magtungo roon.

Istorya iyon ng tatlong environmentalists na nakipaglaban upang panatilihin ang maayos na kalikasan sa Palawan. Minsan na rin kaming nakapunta ng namayapa kong misis sa opisina ngPalawan NGO Network Inc. (PNNI)  sa Palawan noong 2018, matapos ang Environmental Summit na ginanap doon kasama ang grupong Green Convergence. Nakita namin mismo ang patong-patong na chain saw na parang museum.

Nang matapos ang halos dalawang oras na palabas, nagkaroon ng talk back session. Isa ako sa nagtaas ng kamay at matapos ang ilang pananalita ay binigkas ko ang sumusunod na tula:
‎DELIKADO
‎delikado, nakakakilabot
‎ang buhay nila'y masalimuot
‎para sa kalikasan, magusot
‎nawalang buhay, sinong sasagot
‎nililikha n'yo'y kinabukasan
‎ng bayan at ng kapaligiran
‎pagkakaisa'y ating tanganan
‎magpatuloy tayo sa paglaban
‎inyong ginawa'y nagpapatibay
‎sa bawat pakikibakang tunay
‎inspirasyon kayong naninilay
‎taaskamao pong pagpupugay

Matapos ang programa bandang ikalima ng hapon. At nagtungo na ako sa Power Mac Center Spotlight Blackbox Theater sa Circuit Makati upang panoorin ang Dalawang Bayani: Jose at Andres na ipinalabas ng 7:30 ng gabi at natapos ng ikawalo ng gabi. Isa iyong puppet show na isinulat ni National Artist for Theater Amelia Lapeña-Bonifacio.

Nakauwi ako ng bahay ng ikasampu na ng gabi.
‎- gregoriovbituinjr
‎06.13.2026

Huwebes, Hunyo 11, 2026

Sa unang death anniversary ni misis

‎SA UNANG DEATH ANNIVERSARY NI MISIS
‎depresyon ang dumapo
‎di batid ang gagawin
‎tila nais sumuko
‎ng diwa ko't damdamin
‎biglâ ang pagkawalâ
‎ng diwatà kong sinta
‎laging natutulalâ
‎sigla ko'y nawalâ na
‎hanggang ngayon ay yanig
‎ang buong pagkatao
‎dama ko'y pagkalupig
‎at nawasak na mundo
‎bagamat pinipilit
‎pa ring maging matatag
‎palad man ay kaylupit
‎at laging nangangarag
‎mga tula't kwento man
‎ay pawang nagsitigil
‎sa dulo ng lansangan
‎ako rin ay hihimpil
‎sa baha't alimuom
‎sa mundo ng siphayò
‎kailan maghihilom
‎yaring duguang pusò
‎- gregoriovbituinjr.
‎06.11.2026

Huwebes, Hunyo 04, 2026

Paunang Salita sa aklat na TINIG NG DUKHA, Katipunan ng mga Akda ni Ka Pedring Fadrigon

PAUNANG SALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr., sekretaryo heneral ng KPML

Maraming naiwang akda si Pedrito “Ka Pedring” Fadrigon, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Kaya nang mamatay siya noong Oktubre 6, 2019, isa sa naging pasiya ng patnugutan ng pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng KPML, ay ang ilathala ang kanyang mga akda, lalo ang kolum niyang Tinig ng Dukha sa Taliba ng Maralita mula Setyembre 2018. Noong Setyembre 16, 2018 ang ikalimang Pambansang Kongreso ng KPML na muling nagluklok kay Ka Pedring sa pagkapangulo.

Bukod pa sa kolum sa Taliba, mayroon pa siyang sulatin na nahalukay ko sa internet, na isinama ko rito.

Hindi ko lang naipon ay ang kanyang mga sulatin sa dyaryo ng SAMANAFA (Samahan ng Maninindang Nagkakaisa sa Fabella) na dalawang pahinang buwanang pahayagang back-to-back sa short bond paper na ipinapa-riso ng isang ream. Salitan kami ng namayapang Larry Perez Jr. sa paggawa ng dyaryong ito.

Ang pagtitipon at paglalathala ng kanyang aklat ay ginawa para sa unang anibersaryo ng kanyang kamatayan sa Oktubre 2020. Nagawa iyon. Inipon lahat ng kanyang sulatin, ni-retype ang teksto, naghanap ng litrato, ni-layout ang aklat, naghanap ng pondo, ako na ang nag-bookbinding, pina-cut sa labas. Bale apatnapung aklat iyon. Ibebenta ko sana bawat aklat sa kanyang mga kasamahan sa Mandaluyong, pati na sa mga kasama sa KPML, sa Zone One Tondo Organization (ZOTO), sa Piglas Kabataan (PK), at maging sa mga taga-NAPC (National Anti-Poverty Commission).

Apatnapung librong manu-mano kong ginawa. Apatnapung aklat lamang dahil iyon ang kasya sa pondong hawak ko. Subalit nangyari ang hindi inaasahan. Nawala ang apatnapung librong iyon. Nalimutan ko sa sasakyan. Marahil dahil sa pagod at antok ay hindi ko na naalala o dahil sa dami ng problema sa bahay at sa buhay ay kung anu-ano ang nasa isip. Naalala ko lang pagbaba ko ng dyip. Kung hindi sa bus papuntang Monumento ay sa dyip papuntang Letre ko naiwan iyon. Natulala ako. Naalala kong umiiyak ako noon. Hindi dahil sayang ang mga librong mabebenta, kundi nakapanghihinayang na nawala iyon ng gayon na lamang.

Tanda ko’y nakalupagi ako sa harap ng National Book Store ng Malabon City Square nang may kumalabit sa akin. Bakit daw ako umiiyak at sinabi kong naiwan ko sa sinakyan ko ang pinaghirapan kong aklat ni Ka Pedring. Hindi ko na matandaan kung sino siya. Baka gwardya sa National o isang lider-maralitang kakilala ko. Hindi ko na batid kung ilang minuto o may isang oras ba ako sa gayong katayuan. Hanggang naisipan kong sumakay na ng tricycle papuntang Tomana dahil may pulong kami ng mga lider ng KPML.

Naalala ko’y tahimik lamang ako noon. Di halos makausap. Paano ko ba sasabihing nawala ang isang sorpresa sana sa kanila?

Nabatid ni misis ang nangyari at sinabi niyang huwag akong mag-alala at babalik din iyon, na siya kong pakonsuwelo. Di ko iyon muling nilathala. Tila pilit ko na lang kinalimutan ang mga nangyari.

Ilang taon ang lumipas hanggang magbantay ako kay misis sa ospital, hanggang sa siya’y mawala sa aking piling. Sadyang kayhirap mawalan ng minamahal. Nasa bingit ako ng matinding depresyon. 

Sa aking pag-iisa, natagpuan ko ang aking sarili na nagbabasa ng mga dati kong nabiling aklat, katha ng katha ng tula, sinubukang maggitara at gumawa ng ilan kong komposisyong kanta na tinawag kong tulawit (tula at awit), pagkatha ng mga tanaga-baybayin o mga tulang isinulat ko sa panulat ng ating mga ninuno - ang baybayin, nagsulat ng tula, maikling kwento, sanaysay, dagli, at bukrebyu, na pinasa ko sa magasing Liwayway subalit di ko na nasubaybayan kung may nalathala, pagdalo at pagsasalita sa rali, at  minsan ay pagbigkas ng tula sa rali at iba pang pagtitipon. Hanggang naging tambayan ang Metropolitan Theater upang manood ng libreng palabas, pati na sa panonood sa PETA, Mowelfund, Videotheque, Cine Adarna, at UP Film Center ng mga libreng palabas. Sa UP, kung may bayad man, P200 sa regular, at P150 sa senior, estudyante at PWD, binabayad ko’y P150 lang, hindi regular, sa pagsasabing pultaym na aktibista ako, at pinapayagan naman akong manood. Maraming salamat. 

Ilang beses din ako sa National Museum at halos nalibot ko na ang tatlong building niyon: ang National Museum of Fine Arts, ang National Museum of Anthropology, at ang National Museum of Natural History na magkakatabi lang sa Luneta sa Maynila. Kumuha ng litrato, kumatha ng tula’t sanaysay hinggil sa ilan kong nakita roon.

Nitong Pebrero o Marso 2026, sa isang palabas sa UP Film Center, pagkatapos ng palabas ay may tanungan portion doon. Nasa entablado  ang mga  direktor at  artistang gumanap. Nagtanong ako at nagpakilala. Ako si Greg, isang pultaym na aktibista at sekretaryo heneral ng KPML. Nasagot naman ang aking tanong. Matapos iyon ay may lumapit at kumausap sa akin. Di ko na matandaan ang kanyang pangalan kung Marita, Marissa o Melissa ba na taga-Cavite. Sabi’y nabasa niya ang libro ni Ka Pedring ng KPML at ito ang nagsilbing inspirasyon nila upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa paninirahan. Tinanong ko kung saan niya nabili ang libro. Di raw niya iyon binili. May nagbigay lang daw niyon sa kanya. Pakiramdam ko’y tulala ng panahong iyon kaya wala na akong naitanong pa hanggang siya’y magpaalam at ako’y nakinig pa rin sa mga tanungan. Tila ba ipinaalala niyon na dapat muli akong maglathala ng mga aklat, lalo na ang nawala kong 40 kopya ng aklat ni Ka Pedring.

Ilang linggo pa ang lumipas at nagunita ko muli ang usapang iyon. At isang araw, kalagitnaan ng Mayo, ay bumangon akong puno ng sigla at may panibagong lakas. Muli akong nagsaliksik, tinipon at tinipa ang mga akda ni Ka Pedring, bagamat di ko na tanda ang ilan pang detalye ng unang aklat maliban sa petsang Oktubre 2020 iyon nalathala dahil iyon ang unang anibersaryo ng kanyang kamatayan.

Gayunpaman, batid kong iba ang itsura ng unang aklat, na sa palagay ko’y mas maraming pahina kaysa sa inilathala ngayon. Mas marami siyang sulatin doon, na wala sa aklat na ito dahil di ko na makita ang iba pa niyang sulatin. Ang ginamit ko pa sa pagdisenyo ng unang aklat ay ang pagemaker. Wala na akong pagemaker ngayon, at kahit sa mga computer shop ay wala na ring pagemaker bagamat may ibang app na pandisenyo subalit aaralin ko pa dahil hindi ko kabisado. Ang ginamit ko sa pagdisenyo ng buong aklat na ito, pati pabalat nito, ay Microsoft Word document. Kaya ako’y humihingi ng paumanhin kung anuman ang naging kulang o mga kakulangan sa edisyong ito.

Ang Tinig ng Dukha ni Ka Pedring Fadrigon ang pangwalong aklat sa serye ng mga kilalang rebolusyonaryo sa kasaysayan na aking isinaaklat. Una'y ang Macario Sakay, Bayani, na ang unang edisyon ay nilunsad sa UP Manila sa sentenaryo ng pagbitay kina Sakay, Setyembre 13, 2007. Ikalawa'y ang Ka Popoy: Working Class Hero, na nilunsad sa UP Bahay ng Alumni, Pebrero 6, 2009, kung saan napaslang si Filemon "Ka Popoy" Lagman. Ikatlo'y ang talambuhay at salin ko ng mga akda ni Comandante Ernesto “Che” Guevara, isang rebolusyonaryong taga-Argentina na tumulong sa tagumpay ng rebolusyong Cubano, kasama ang dakilang Fidel Castro, noong 1959. Ikaapat ang Liwanag at Dilim  ni Gat Emilio Jacinto, na isinulat ng magiting na bayaning Katipunerong kilala sa taguring Pingkian at Dimas Ilaw. Ikalima’y ang Bonifacio 150 na inilunsad noong Nobyembre 30, 2013, kasabay ng ika-150 kaarawan ng bayani at Supremong si Gat Andres Bonifacio. Ikaanim ang Lean Alejandro, na nilathala kasabay ng ika-30 anibersaryo ng pagpaslang kay Lean noong 2017. Ikapito ang 12-pahinang pamphlet ukol kay Gregoria “Oriang” de Jesus, Marso 2018.

Nakabinbin pa ang planong pagsasalibro ng Talambuhay at mga sulatin ni Crisanto Evangelista; ang Talambuhay ni Teodoro Asedillo na ang anak niyang si Nanay Rosa ay minsan ko nang nakadaupang palad sa Laguna; ang Talambuhay ni Heneral Luciano San Miguel; at ang Talambuhay ni Heneral Licerio Geronimo, na ang apo ay minsan ko nang nakadaupang palad sa San Mateo, Rizal.

Ilan pang nais kong isalibro’t proyektuhin, bukod sa pagsasalibro ng mga kolum sa Taliba ng Maralita ni Ruen “Ka Kokoy” Gan, pangulo ngayon ng KPML, ay ang mga interbyu sa mga lider-maralita, pati kasaysayan ng mga matitinding laban at pakikibaka ng mga maralita laban sa demolisyon at isyu ng paninirahan, tulad ng Mariana, North Triangle, Sitio Mendez, Welfareville sa Mandaluyong, Pasig, Antipolo, Lupang Arenda, Tulos sa Caloocan, ang Mahabang Parang at ang Botong Francisco (kapangalan ng isa nating National Artist) sa Angono, Brgy. Jose Corazon de Jesus (kapangalan ng idolo kong makata), Gulayan sa Malabon, mga nasunugan sa Navotas na nalipat sa Bulacan, mga galing sa Tondo Foreshore na nalipat sa Dagat-Dagatan, mga lider-maralita sa Bacolod, Cebu, Mindanao, atbp. Subalit marahil ay matagal pa ito.

Sa ngayon, narito ang ikalawang edisyon ng aklat ni Ka Pedring. Mga nalathalang bagong libro, na sana’y di na maiwanan sa sasakyan at mawala. Inihanda ito upang mabasa ng kasalukuyang mga lider-maralita at ng mga susunod pang henerasyon ng mga aktibista ang mga sulating ito ni Ka Pedring, pati kasaysayan ng mga laban ng maralita. Ang aklat na ito’y iingatan ko na ngayon. Ibebenta ko muna ay sampu, at iiwan ang iba sa bahay. Pag naubos iyon, ibebenta ko muli ay sampu. Hanggang makagawa ako ng paulit-ulit nito.

Ang munting aklat na ito ay taaskamao at taospusong iniaalay sa lahat ng lider-maralitang patuloy na nakikibaka mula noon hanggang ngayon upang baguhin ang bulok na sistemang nagdala sa kanila sa dusa.

Nawa’y makatulong at magsilbing inspirasyon ang librong ito sa mga nakikibakang maralita para sa kanilang karapatan sa paninirahan at hustisyang panlipunan. Lalo na sa panahon ngayong naisabatas na ang RA 12216 (NHA Act of 2025), at ang 4PH (Pambansang Pabahay para sa Pamilyang Pilipino o EO34) na di naman para sa mga maralita.

Sinulat ng petsang Mayo 17, 2026,  inedit Hunyo 4, 2026

Linggo, Mayo 31, 2026

Ang apat kong tanága sa Poetry Night

‎ANG APAT KONG TANÁGA SA POETRY NIGHT
‎ni Gregorio V. Bituin Jr.
‎Matapos manood ng dulang Manila Carnival Queens sa Metropolitan Theater ay pinuntahan ko ang Tiny Bar para sa Poetry Night. Ikasiyam ng gabi ang umpisa niyon. Nasa tatlumpung katao ang naroon, may anim na lamesa. Tulad ng iba, bumili rin ako ng beer.
‎Ayon sa host ng palatuntunan, lilikhâ kami ng tanága batay sa ibinigay nilang card. Ang tanága ay parang haiku ng Japan, subalit ang tanága ay taal na uri ng tulang Pinoy. Kung ang haiku ay may tatlong taludtod lamang na may pantigang 5-7-5, ang tanága naman ay may tugmaan at sukat na pitong pantig bawat taludtod at may apat na taludtod sa isang saknong.
‎Tigalawang card kami, may nakasulat doon kung saan namin ibabatay ang aming kathâ. Dahil baligtaran ang card na sinlaki ng baraha, bale may apat na paksâ roong gagawan ng tanága at bibigkasin sa harapan gamit ang mikropono. Bawat lamesa ay may tutula at tatawagin sa harapan.
‎Ito ang aking mga nasa baraha, at ito ang kathâ kong tanága.
‎"Kung kaya mong ibigay sa iba, huwag mo itong ipagkait sa sarili mo."
‎PAG-ASA
‎ako'y nabiyudo na
‎nang mawalâ ang sinta
‎depresyon ang nadama
‎subalit may pag-asa
‎"You create your own destiny. Pero may 'ngayon' pa para masimulan mo ang gusto mong mangyari."
‎KAPALARAN
‎ano nga ba ang palad
‎ng balo kung sumagad
‎ang dusang di dalumat
‎at buhay na'y sumadsad
‎Nang ako'y tinawag sa harapan, binasa ko muna ang nabunot kong card at binigkas ang aking tanága. Dalawang tanága agad ang binigkas ko.
‎Sa pangalawang ikot, matapos bumigkas ng tanága ang mga naroon, tinawag muli ako, at binasa ko ang natitira pang nakasulat sa card. Ito ang mga nakasulat at kathâ kong tanága na binigkas sa harapan.
‎"Ano ang madalas mong ipagkait sa sarili mo na alam mong deserve mo."
‎KALUSUGAN
‎pinagkait ang lusog
‎katawan ay binugbog
‎sa trabahong bubuyog
‎di sinapat ang tulog
‎"Tell me what scares you about your future."
‎Anong nakatatakot sa akin? Lumbay. Kaya kailangan ko ng tulay.
‎TULAY
‎di man ako palagay
‎sa sugat na lumatay
‎ang tula'y aking tulay
‎sa lansangan ng lumbay
‎Isang Pale Pilsen lang ang ininom ko, P120 sa bar na iyon. Sapat lang upang makatulâ. May mga bumigkas din ng tulâ na hindi tanága. May bumigkas din ng Ingles nilang tulâ.
‎Matapos ang tulaan ay may apat pang nag-perform ng pagpapatawa, tulad ng mga ginagawâ sa comedy bar.
‎Naisip kong subukan din ang gayong performance subalit kailangan ko munang mag-ipon ng mga patawa.
‎Alas-onse na nang magpaalam ako at nakaalis ako roon. Nakauwi ako ng bahay ng ikalabindalawa ng gabi.
‎05.31.2026

Sabado, Mayo 30, 2026

Limang libreng palabas sa Mowelfund at pagtula

LIMANG LIBRENG PALABAS SA MOWELFUND AT PAGTULA
‎ni Gregorio V. Bituin Jr.
‎Hinati sa dalawang bahagi ang pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng Mowelfund nitong Mayo 29, 2026 sa Dengcar Theater. Ikalawa ng hapon ay naroon na ako.
‎Ang una'y ang pelikulang Turumba ni National Artist Kidlat Tahimik na nasa 87 minuto. Pinanood namin iyon bandang ikatlo na ng hapon. Then break at meryenda, at ang ikalawang bahagi ay apat na maiikling pelikulang magkakasunod na ipibalabas at walang break. May talk back session sa pagtatapos ng bawat bahagi.
‎Sa unang talk back session ay tumula ako. Isang tulang may tugma at sukat na labintatlong pantig bawat taludtod.
‎KAY NATIONAL ARTIST KIDLAT TAHIMIK
‎tulad ka ng kidlat na tatahi-tahimik
‎ngunit bituin kang sa sining natititik
‎ang sineng Turumba sa puso'y naihasik
‎kaya ang mga obra mo'y nakasasabik
‎sa panonood ng pelikulang Turumba
‎kultura sa Pakil ang inyong pinakita
‎sana'y ganito ang maraming pelikula
‎na sa kulturang Pinoy nagpapahalaga
‎nabatid ko lang ngayon ano ang kantore
‎natutunan kong dapat tayo ay may paki
‎sa sariling kulturang ilapat sa sine
‎na nakapagmumulat at nakawiwili 
‎O, Kidlat Tahimik, marami pong salamat
‎ang pelikula mo'y kayraming siniwalat
‎nagpupugay ako't kami'y sadyang namulat
‎muli, pagpupugay at pagpapasalamat
‎Sa ikalawang bahagi, ikalima ng hapon, ay ipinalabas ang apat na pelikulang pinamagatang Sabangan; Yutâ; Red Saga: at Kapag Nagwala ang Kalabaw. At sa TalkBack session matapos ang palabas ay muli akong bumigkas ng tula. May siyam na pantig bawat taludtod:
‎NILAY SA APAT NA SINE
‎nanilay sa sineng Sabangan
‎tunay bang isang kaunlaran
‎kapag naitayo nga ang dam
‎ngunit wasak ang kalikasan?
‎doon sa pelikulang Yutâ
‎ukit ay sari-saring mukhâ
‎at katawan, sining na kathâ
‎lumikhâ ba'y isang diwatà?
‎sa Red Saga, bandilang pula
‎winagayway at nakibaka
‎laban sa pasista't sistema
‎lupa ay buhay, magsasaka
‎mga obrero gabi't araw 
‎ay talagang kayod-kalabaw
‎kontraktwalisasyon ang pataw
‎ngunit nagpaunlad sa Cubao
‎taaskamaong pagpupugay
‎sa mapagmulat at kayhusay
‎na mga sineng inihanay
‎kahit sa pusò ko'y may lumbay

Matapos ang talk back session ay naki-selfie na sa mga dumalo roon, at kay National Artist Kidlat Tahimik. Nakauwi ako ng bahay bandang ikasiyam ng gabi.
‎05.30.2026

Biyernes, Mayo 29, 2026

Pambungad sa 40-pahinang libretong "Mga Tula at Kwento sa Klima"

PAMBUNGAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang munting aklat na ito ng Mga Tula at Kwento sa Klima ay naglalaman ng dalawampu’t isang tula at walong maiikling kwento. Ang mga tulang narito ay natipon ko sa aking baul nang matagal na panahon na ngayon lang malalathala habang ang ilan sa mga tula at ang walong maikling kwento ay unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan nahalal akong sekretaryo heneral nito noong Setyembre 2018.

Pinroyekto ito bilang paalala para sa apat na mahahalagang araw sa kalendaryo hinggil sa usaping klima - Abril 22 (Earth Day), Hunyo 5 (World Environment Day), Hunyo 8 (World Oceans Day), at Setyembre 26 (Save Sierra Madre Day). Ang unang Earth Day ay ginanap noong Abril 22, 1970, nang mag-organisa si Senador Gaylord Nelson ng isang pambansang demonstrasyon upang itaas ang kamalayan tungkol sa pagkasira ng kapaligiran. Ang World Environment Day (WED) ay itinatag noong 1972 ng United Nations sa Stockholm Conference on the Human Environment (Hunyo 5-16, 1972), na nagbunga ng talakayan hinggil sa ugnayan ng tao at ng kapaligiran. Pagkalipas ng isang taon, noong 1973, ginanap ang unang WED na may temang "Only one earth". Ang World Oceans Day ay isang pandaigdigang pagdiriwang tuwing Hunyo 8 upang itampok ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga karagatan sa ating buhay at upang magbigay-inspirasyon din hinggil sa usaping konserbasyon. Ito’y opisyal na pinagtibay ng United Nations noong 2008, na nagsilbing pandaigdigang panawagan upang protektahan ang ekosistema ng karagatan, labanan ang polusyon ng plastik, at bawasan ang pagbabago ng klima. Ang Save Sierra Madre Day ay pinagtibay sa pamamagitan ng Proclamation 413 ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong Hunyo 19, 2012, at itinalaga ang Setyembre 26 na Save Sierra Madre Day bilang paggunita sa pinsalang dulot ng Bagyong Ondoy noong 2009, na nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng mga bundok bilang natural na panangga laban sa mga bagyo.

Isa ring kampanya ang munting aklat na ito upang pangalagaan natin ang ating kalikasan, at mapag-usapan ang isyu ng klima. Kahit sa pamamagitan man ng mga tula at kwento ay maipabatid ito sa masa.

Sadyang ang bawat tulang narito, pati ang mga maiikling kwento ay pinag-isipan at pinaghirapang kathain. Ibinatay ang mga akda sa mga danas, luha, lunggati at pakikibaka ng makata at mula sa mga talakayan hinggil sa klima, lalo na sa mga talumpati sa rali at mga pag-aaral.

Inaalay ko ang bawat tula’t kwentong ito sa mga nasalanta ng matitinding bagyo, tulad ng Ondoy, Yolanda, Ulysses, Tino, Uwan, atbp.

Inaalay ko rin ito sa alaala ng aking namayapang asawang si Liberty, isang registered social worker (RSW) at isa ring environmentalist at minsan nang naging board member sa Green Convergence, isang malawak na samahan ng iba’t ibang grupong makakalikasan. 

Inaalay din ito sa mga nakasama ko sa Climate Walk at iba pang lakaran para sa kalikasan. Inaalay din ito sa lahat ng mga nakikibaka at nananawagan ng Climate Justice sa lansangan man o sa sarili nilang adbokasya o pagkilos.

Inaalay din ito sa mga katutubong nangangalaga at nagtatanggol sa ating kalikasan, karagatan, at kabundukan, tulad ng Sierra Madre.

Lubos kong pinasasalamatan ang mga organisasyong naging bahagi ng aking paglalakbay, tulad ng The Featinean campus press, Kalipunan ng Malayang Kabataan (Kamalayan), Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Sanlakas, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Zone One Tondo Organization (ZOTO), Partido Lakas ng Masa (PLM), Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan (Kamalaysayan), Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), Ex-Political Detainees Initiative (XDI), IDefend, DAKILA - Philippine Collective for Modern Heroism, Association of Filipino Poets (ASFIPO), Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), samahang Maso at Panitik, Kapatirang Umuugnay sa Sining at Panitikan (KAUSAP), EcoWaste Coalition, Ban Toxic, No Burn Pilipinas, Green Convergence, Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan (SALIKA), at marami pang iba. Maraming salamat sa mga ginamit na litrato sa libretong ito.

Pagpupugay sa inyo, mga kasama!

Nais ko ring pasalamatan ang mga nakilala’t nakadaupang palad sa mga pinuntahan at tinambayan kong mga lugar mula nang ako’y mabiyudo, tulad ng Printbiz, National Museum, at National Library, at sa panonood sa The Metropolitan Theater, sa Active Vista, sa UP Film Center at Cine Adarna, sa Videotheque, sa Sine Pop, at sa Mowelfund Film Institute.

Nawa’y makatulong ang mga tulang naririto, pati mga kinathang maiikling kwento, upang gawin natin ang nararapat para sa kaayusan at kapayapaan ng nag-iisa nating daigdig. Mabuhay kayo!

Mayo 29, 2026 sa Lungsod Quezon
TALAAN NG NILALAMAN
3 - Pambungad

Mga Tula
5 - Sala sa Init, Sala sa Lamig
6 - Si Yolanda ang mukha ng nagbabagong klima
7 - Habang may buhay, may baha?
10 - Usapan sa 2150
11 - Sigwa
14 - Muelmar Magallanes, Bayaning Manggagawa
15 - Ondoy at Karding
18 - Ang kagubatan at ang klima
19 - Sa Daigdigang Araw ng Kapaligiran
22 - Alasuwas
23 - Ang batang nagwagayway ng flag sa Climate Strike
24 - Hindi biro ang nagbabagong klima
25 - Lumalalang klima
28 - 1.5°C
29 - Kalikasan; Paalala't palala na ang kalikasan
32 - Pagninilay sa Climate Walk 2023
33 - Ang adhika ng Climate Walk
36 - Coal at korapsyon, wakasan!; Klima at korapsyon
37 - Krisis sa klima at panawagang wealth tax

Mga Kwento
8-9 - Magsabatas din ng National Liquid Waste ang pamahalaan
12-13 - Sa ikasampung anibersaryo ng bagyong Ondoy
16-17 - Katutubo, Klima, at Kaliwa Dam
20-21 - Sana'y sa Lungsod ng Tacloban ganapin ang COP 25
26-27 - Pagdatal ng bagyong Ulysses 30-31 - Ang pagtaas ng lebel ng dagat at ang 1.5°C
34-35 - Alagata’t dalumat sa Ikalawang Climate Walk 
38-39 - Maraming Salamat, Sierra Madre!

ANG MAKATA AT KWENTISTA

Si Gregorio V. Bituin Jr., ay anak ng amang Batangenyo at inang Karay-a mula Antique. Siya’y tubong Sampaloc, Maynila, at isang makata, manunulat, mananalaysay, pultaym na aktibistang Spartan, at tagasalin.

Hilig niyang mangampanya at maglakad para sa klima at kalikasan. Lumahok siya sa Climate Walk from Luneta to Tacloban mula Oktubre 2 - Nobyembre 8, 2014 para sa unang anibersaryo ng bagyong Yolanda. 

Lumahok din siya sa French leg ng Climate Pilgrimage from Rome to Paris mula Nobyembre 7 - Disyembre 14, 2015 kung saan nilagdaan ang Paris Agreenent sa COP 21. Lumahok din siya sa Climate Justice Walk from Manila to Tacloban mula Oktubre 8 -  Nobyembre 8, 2023 para sa ika-10 anibersaryo ng Yolanda.  

Lumahok din siya sa Lakad Laban sa Laiban Dam mula General Nakar, Quezon hanggang Maynila, Nobyembre 4-12, 2009; sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016; at sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam mula General Nakar, Quezon hanggang Maynila, Pebrero 15-23, 2023. 

Siya ay nag-aral at nagtapos sa poetry clinic na Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) mula Setyembre 1, 2001 hanggang Marso 8, 2002. Siya rin ay lumahok sa writers’ workshop na Palihang Rogelio Sicat (PRS) Batch 15 sa UP Diliman, Hunyo 22-25, 2022.

Paunang Salita sa planong aklat na "Talambuhay ng Ilang Manunulat na Nagpatiwakal"

PAUNANG SALITA ni Gregorio V. Bituin Jr. Hindi ako sikolohista kundi isang biyudong nakaranas ng depresyon. Kalagitnaan ng Abril 2026, halos...