Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Agosto, 2023

Larawan ng nakaraan

Imahe
LARAWAN NG NAKARAAN "We may have had black and white photos, but you can find here colorful memories." itim at puti man ang larawan ay kayraming gunitang nariyan wala mang kulay kung iyong masdan ay makulay pa rin kung titigan ang kanilang mata'y nangungusap sa pagitan nila'y nag-uusap tila dinig bawat pangungusap kahit sila lang ang nagkausap iyan ang iyong mararamdaman sapagkat tigib sa karanasan bawat litrato'y may kasaysayan na nagkukwento ng nakaraan namatay na'y muling nabubuhay ang tumanda'y bumabatang tunay pawang mga alaalang taglay na di basta na lang mamamatay puti at itim man ang litrato ay may kwentong nagbibigkis dito na di malilimutang totoo pagkat makulay kung suriin mo - gregoriovbituinjr. 08.31.2023

Payo't palaisipan

Imahe
PAYO'T PALAISIPAN araw-araw na may pahayagan binabasa ang isyu't kwentuhan pati payo't pag-ibig sa tanan krosword at sudoku'y sasagutan napakapayak na pamumuhay bagamat nakikibakang tunay ang kaisipan ay sinasanay nang kamtin ang asam na tagumpay nagbabakasakaling matuto o madagdagan ang pagkatuto inunawa, di man saulado ang samutsaring balita't isyu minsan ay gagawan ko ng tula batay sa opinyon ko't akala ganyan ako bilang maglulupa didighay na lang pag walang-wala - gregoriovbituinjr. 08.31.2023

Ang mga kuting

Imahe
ANG MGA KUTING nakakatuwa ang mga kuting tila sa kanila nahumaling binuhat ko pagkat kagigising nasa hita ko na't naglalambing ganyan sila inaalagaan sapul pa noong sila'y isilang anong saya kung sila'y pagmasdan pakakainin maya-maya lang maigi nang may ganyang alaga sa bahay ay talagang nawala ang nagtatakbuhang mga daga natatakot na baka malapa bubuwit nga ang nahuli nila kuko nila'y nandakma talaga ang kinaing daga nang nakita tanging ulo na lang ang natira patakbo-takbo, hilig maglaro naglulundagan nang may pagsuyo nagkakalmutan, lambing ng puso sumusuot sa mumunting dako - gregoriovbituinjr. 08.31.2023

Kwento - Rali ng maralitang taga-Malipay

Imahe
RALI NG MARALITANG TAGA-MALIPAY Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr. Isa ako sa mga sumama sa rali ng mga taga-Malipay sa isang araw nilang pag-iikot at pagpoprograma sa harap ng Senado, Kongreso at sa paanan ng Mendiola. Bunsod iyon ng nangyayari sa kanila na pagtanggal ng kuryente at ang buo nilang komunidad ay binakuran na ng pamilya ng isa sa makapangyarihan at mayamang angkan sa bansa. “Dumudulog kami ngayon sa Senado upang mapaimbestigahan ang nagaganap sa aming lugar kung saan binakuran na ang aming pamayanan at tinanggalan pa kami ng kuryente kung saan wala na kaming ilaw sa gabi. Walang bentilador ang aming mga anak na kapag natutulog na’y nilalamok. Hindi na rin kami makapag-charge ng aming selpon dahilan upang hindi kami makontak ng aming mga kamag-anak.” Ito ang sabi ng isang lider-maralita habang tangan ang megaphone. Binulungan din ako ni Ka Tek, ang bise-presidente ng aming samahan, “Pakinggan mo ang kanilang inilalahad. Talagang mula sa puso. Mula sa galit nila sa

Hindi pala bakal ang aking katawan

Imahe
HINDI PALA BAKAL ANG AKING KATAWAN kayrami ko nang sakit na nararamdaman ang akala ko'y bakal ang aking katawan na tila handa laging bumangga sa pader habang kasama ang magigiting na lider na madalas, sa rali'y nasa harap ako tinatablan pala ng sakit ang tulad ko tibak na Spartan kasi ang paniwala subalit ngayon, malimit nang matulala tila ba napagtanto ko lang ito ngayon habang ginagampanang mabuti ang misyon dapat mayroong mentenans na iinumin huwag na raw kumain ng maraming kanin upang hindi palaging mataas ang sugar upang hindi maasar nang wala sa lugar sumubo lagi ng bitamina't mineral nang lumakas at hindi laging hinihingal dapat walong baso ng tubig ang inumin dapat walong oras na tulog ang gagawin magpainit sa araw at mag-ehersisyo mag-jumping jack, mag-push up o mag-otso-otso uminom din ng pito-pito pag umaga iyan ang payo sa akin noon ni ama ah, dama ko, dapat na akong magpalakas mabuting malusog, di man bakal sa tigas - gregoriovbituinjr. 08.27.2023

Ilog

Imahe
ILOG kailan tayo mauuntog? upang alagaan ang ilog at mga lugar pang kanugnog pag araw na nati'y lumubog? kailan pa magkukumahog? upang alagaan ang ilog pag tuhod na'y aalog-alog? at mga kalamnan na'y lamog? kahit ilog man ay di bantog pangarap man ay di matayog ito man lang ay maihandog sa kinabukasan at irog - gregoriovbituinjr. 08.26.2023 * alay na tula bilang tugon sa  Right of Nature (RoN)  page sa fb, sa inilabas nilang  "Ang Ilog ay Buhay"  na matatagpuan sa kawing na: https://web.facebook.com/photo/?fbid=678296577678446&set=a.636241711883933 *  litrato mula sa google

Mag-aral din ng martial art

Imahe
MAG-ARAL DIN NG MARTIAL ART dapat na may alam din tayo sa martial art sakaling sa atin ay may biglang bumanat holdaper man o sinumang nais mangkawat sa panahong tayo'y talagang inaalat matuto ng wingchun, yaw-yan, nang di masilat prinsipyo ng jeetkundo't judo'y madalumat maging listo sa depensa't huwag malingat baka mahal mo ang ipagtanggol mong sukat anong dapat kung may kutsilyo ang kalaban? eskrima't arnis ba'y basta gagamitin lang? sa magulong mundo'y anong kahihinatnan? kung magtanggol sa kapwa't sarili'y di alam - gregoriovbituinjr. 08.25.2023

Sa wala't winalan ng tinig

Imahe
SA WALA'T WINALAN NG TINIG ako'y nakipagkapitbisig sa wala't winalan ng tinig namumutawi sa'king bibig sa kanila ako'y titindig gawin anong kayang magawa upang bigyang tinig ang dukha na tinuring na hampaslupa sapagkat sila'y walang-wala buong puso ko nang niyakap ang prinsipyo't aming pangarap isang sistemang mapaglingap laban sa tuso't mapagpanggap itatayo'y lipunang patas na ang palakad ay parehas bunga'y di man basta mapitas ay mayroong magandang bukas lalaban akong buong husay upang matupad yaring pakay ah, ito man ang ikamatay tanggap na ang palad kong tunay - gregoriovbituinjr. 08.25.2023

Maling impormasyon sa aklat na "Filipino Food"

Imahe
MALING IMPORMASYON SA AKLAT NA "FILIPINO FOOD" Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Nabili ko ang aklat na  What Kids Should Know About Filipino Food, Second Edition , sa Fully Booked Gateway, Cubao, QC nito lang Abril 17, 2023. Sinulat ito ni Felice Prudente Sta. Maria, at may mga dibuho ni Mika Bacani. Batay sa pamagat, ang aklat na ito'y para sa mga tsikiting, sa mga bata, nag-aaral man o hindi. Inilathala ito ng Adarna House noong 2016. Ano nga bang makukuhang aral dito ng ating mga tsikiting kundi tungkol sa pagkaing Pinoy? Mabatid ang iba't ibang pinagmulan at anu-ano ang mga pagkaing Pinoy mula sa iba't ibang dako ng bansa. Subalit may nakita akong mali sa isang entri. Opo, maling impormasyon. Marahil may iba pang mali subalit hindi natin alam pa. Nakasulat sa pahina 45, sa ilalim ng talaan ng Calabarzon na mula sa Quezon province ang bagoong Balayan. Alam ko agad na mali dahil taga-Balayan, Batangas ang aking ama, at paborito kong sawsawan a

Kalabasa't noodles

Imahe
KALABASA'T NOODLES pampatalas daw kasi ng mata iyang kalabasa, sabi nila naisip ipaghalong talaga yaong noodles at ang kalabasa sa kalabasa'y gumayat ako ng mumunti lamang, kapiraso nilagay ko muna sa kaldero at pinakuluan ngang totoo saka nilagay ang isang plastik ng noodles, tila ba ako'y sabik tinikman ko't kaysarap ng lintik! parang sa sarap mata'y titirik masyado namang paglalarawan ay, tugon kasi sa kagutuman talaga akong pinagpawisan at nalamnan ang kalam ng tiyan - gregoriovbituinjr. 08.24.2023

Ang aking tibuyô

Imahe
ANG AKING TIBUYÔ bata pa'y naging ugali ko nang magtipid at sa tibuyô maglagak ng barya'y batid na nakagisnan na naming magkakapatid pagkat tinuro ni Ama ng walang patid bao ng niyog ang tibuyô namin noon iba'y biyas ng kawayan ang ginanoon hanggang magbinata'y tuloy ang pag-iipon nang magkaasawa'y gawain pa rin iyon nang magpandemya, mga walang lamang basyô ng alkohol ay aking ginawang tibuyô kaysa itapon ang plastik na di mahulô ay ginamit muli't barya'y doon binuslô sa dulo ng taon, tiyak ito'y bubuksan dahil napunô na ng baryang daan-daan ibabangko kaya ang mga baryang iyan? o ibibili ng regalo o aklat man? salamat, Ama, sa tibuyô mong pangaral kami'y may ipon, maghirap man ng matagal may madudukot para aming pang-almusal buti't sa isip namin, ito'y ikinintal - gregoriovbituinjr. 08.24.2023 * tibuyô - taal na salitang Tagalog (Batangas) katumbas ng salitang Kastilang alkansiya

Kung babangon lang tayo

Imahe
KUNG BABANGON LANG TAYO kung babangon lamang tayo kung kapitbisig lang tayo kung nagkakaisa tayo babagsak ang mga tuso ah, huwag natin hayaang tayo'y pagsamantalahan ng burgesya't mayayaman at naghaharing iilan dahil di nagkakaisa ay naaping isa-isa kung di pa rin magkaisa lalagi pa ring mag-isa ah, kung tayo'y babangon lang ay lalagpak ang gahaman bundatin silang tuluyan hanggang pumutok ang tiyan tara, tayo'y magsibangon at magsikilos sa layon bunutin na natin ngayon ang pangil ng mga leyon - gregoriovbituinjr. 08.24.2023 * litrato mula sa google

Ang Panuntukan o Pinoy Boxing

Imahe
ANG PANUNTUKAN O PINOY BOXING Saliksik, sanaysay, at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Isang katutubong anyo ng boksing umano ng Pinoy ay tinatawag na " panuntukan ". Tiyak na mula ito sa salitang "suntok" na nilagyan ng unlaping "pan" at hulaping "an". Mula sa "pansuntukan' ay uminog ito sa "panuntukan". Hmmm, magandang salita, na maaari nating masabing wastong salin ng boxing sa wikang Filipino. Malaki umano ang impluwensya ng panuntukan sa Western boxing. Ayon sa isang guro ng eskrima at dating amateur na kampyong boksingero na si Luckly Lucaylucay: " The English style of boxing would almost always lose to the Filipino style,"  at idinagdag pa niya, "It was just vastly sophisticated." Ang apelyido niyang Lucaylucay ay Pinoy, na sa pananaliksik natin sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 719, ay ganito ang nakasulat: lukay-lukayan [Sinaunang Tagalog]: tanikalang ginto. Sa kanyang tinuran, aba'y ganoon pal

Pangarap

Imahe
PANGARAP iniisip ko pa ring makalikha ng nobela sa uring manggagawa o kaya'y isang libro'y iaakda hinggil sa buhay at danas ng dukha paano ko kaya ito gagawin kung laging punumpuno ng panimdim pulos dusa't lumbay, at nasa bangin ng kawalan, hinihipan ng hangin magsanay muna sa maikling kwento hanggang magamay ang pag-akda nito pahabain at palamnan pa ito hanggang nobela'y maakdang totoo ah, ganoon lang ba iyon kadali? ngunit paano naman mapapawi yaong kabulukang nananatili at nagpayaman sa mga tiwali kaya ko pa bang maging nobelista sa panahong tigib ng pagdurusa o kaya'y magmakata lang talaga hanggang mamugto yaring mga mata - gregoriovbituinjr. 08.21.2023

RAMBOLetra

Imahe
RAMBOLetra limang letra lang na nirambol ko ang salitang nabuo na'y tatlo mula sa app na laro kong bago na ikinasisiyang totoo A, B, E, K, at R, limang titik ay may mabubuo ang matinik tatlong salita'y  BAKER ,  BRAKE  at  BREAK sinagot di man lango't nag-BAREK habang narito sa pahingahan at walang ibang pagpahingahan ng nasa loob ng kalooban ay sumagot ng palaisipan sa iwing diwa'y nakapagmulat mula lima'y sinubok ang apat na titik, aba'y napamulagat BEAK ,  BAKE ,  BEAR ,  RAKE  ang nabuong sukat kakaiba ang bago kong laro na letra'y pinagbali-baliko mula rito'y aking napagtanto ang kaibhan ng banli at banto - gregoriovbituinjr. 08.21.2023 *  Word Connect  ang pangalan ng app ng larong ito sa selpon

Salin ng demystify

Imahe
SALIN NG DEMYSTIFY Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Wala akong makitang eksaktong salin ng demystify sa wikang Filipino. Wala nito sa UP Diksiyunaryong Filipino, o maging sa English-Tagalog Dictionary ni Leo James English. Hinanap ko rin sa internet ang eksaktong salin ng demystify, wala rin. Kaya hinanap ko ang etymology o pinagmulan ng salitang demystify. Ayon sa wiktionary.org, ang pinagmulan o etymology ng demystify ay  "From French démystifier, or de- +‎ mystify"  na ang kahulugan ay  "To remove the mystery from something; to explain or clarify." Gayundin naman, napadako ako sa antonym ng demystify. Nakita ko ang mystify. Ayon sa English-Tagalog Dictionary ni Leo James English, p. 645, ang mystify ay  verb: to bewilder purposely; puzzle; perplex: Magpataka, papagtakhin. The magician's tricks mystified the audience: Nakapagtataka sa mga tao ang mga dayâ (panlilinlang) ng salamangkero. to bewilder purposely, ibig sabihin, may layunin na pagtakahin

Kwento - Anak, pag-aralan mo rin ang lipunan

Imahe
ANAK, PAG-ARALAN MO RIN ANG LIPUNAN Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr. Kinagabihang umuwi ang anak mula sa paaralan, naikwento nito sa kanyang ama na tinanggal na pala sa kolehiyo ang pagtuturo ng wikang Filipino at Kasaysayan. “Itay, bakit nangyari iyon? Wala na bang saysay ang mga paksang iyan sa atin? Ang mga iyan pa naman ang paborito kong subject.” Humihigop noon ng kape habang nagbabasa ng pahayagan ang kanyang ama nang kanyang kausapin. Napatingin sa kanya ang ama, napakunot ang noo, at marahang ibinaba sa hapag-kainan ang tasa ng ininom na barakong kape. Saka sa kanya bumaling ng tingin. “Ang inyong edukasyon kasi, anak, sa ngayon ay nakabalangkas na sa kapitalistang globalisasyon, kung saan dapat ang mga gradweyt ay manilbihan sa mga mayayamang bansa. Kaya sa inyong K-12 noon, pulos mga pagsasanay na bokasyunal at teknikal ang tinututukan. Dahil iyon ang kailangan sa ibang bansa. Kaya hindi nakapagtatakang tanggalin ang mga subject na Filipino at Kasaysayan dahil wala n

I-repeal ang Oil Deregulation Law! Oil Regulation Act, Isabatas!

Imahe
I-REPEAL ANG OIL DEREGULATION LAW! OIL REGULATION ACT, ISABATAS! pagkukunwari lang ba ang lahat? kunwa'y isip-isip ng paraan laban sa patuloy na oil price hike batas ang Oil Deregulation Law kaya di mapigil ng gobyerno ang pagsirit pataas ng presyo liban kung batas na ito'y i-repeal ang pagtaas ng presyo'y mapipigil pati kapitalistang mapaniil Oil Regulation Act na'y isabatas! iyan ang talagang paraang patas at sa masa'y masasabing parehas negosyante man ay may maipintas ang tanong: magagawa kaya nila? kung tatamaan ang kapitalista baka mawalan sila ng suporta sa ambisyon nilang pampulitika - gregoriovbituinjr. 08.13.2023 * tugon ng makatang gala sa editoryal ng pahayagang Bulgar, Agosto 6, 2023

Parian

Imahe
PARIAN tanong: PALENGKE sa una, pahalang buti't ang tugon dito'y natandaan kaya ang sagot ko agad: PARIAN tulad sa Calamba na isang lunan marahil di PARI ang pinagmulan na binebenta'y pawang pansimbahan kundi mula sa salitang PARIYAN tulad ng PARITO't PAROON iyan lumang salita iyon sa PALENGKE na ibinabalik pagkat may silbi kung saan madla'y doon namimili ng kailangan sa araw at gabi madalas ngang PUMARIYAN ang masa gagala, bibili ng nais nila PUMAPAROON din ako tuwina upang tumingin ng mga paninda - gregoriovbituinjr. 08.12.2023 * parian - [Sinaunang Tagalog] - plasa  o pook na ginagamit na pamilihan,  UP Diksiyonaryong Filipino, p. 939

Imbes plastik na balutan, ibalik ang garapa!

Imahe
IMBES PLASTIK NA BALUTAN, IBALIK ANG GARAPA! madalas akong bumili ng bitaminang iyon na nakalagay sa bote, ngunit wala na ngayon at sasabihin ng tindera,  "Walang istak niyon eto na lang na nakabalot, at iyan ang meron!" tadtad na ng basurang plastik ang kapaligiran ginagawa ng kumpanya'y tila kabaligtaran sa botika'y wala nang mga garapang lalagyan pulos nakaplastik na ang bibilhin mong tuluyan bukod sa magastos na't mas mahal ang binibili bawat tableta'y sa plastik siniksik, anong paki nga ba nila kung sa basurang plastik mahirati ganitong puna sana'y huwag namang isantabi anong gagawin kung kumpanya mismo ang may gawa pinararami ang basura nilang nililikha mabuti pang nasa bote ang bitaminang sadya upang mabawasan ang basurang plastik na likha mungkahi ko'y ibalik ang garapa sa botika upang paglagyan ng tableta, lalo't bitamina ikampanya natin nang mabawasan ang basura imbes na plastik na balutan, ibalik ang garapa! - gregoriovbituinjr. 08.10.20

Kuwatro kantos

Imahe
KUWATRO KANTOS Kuwatro Kantos agad ang napansin kaya mabilis kong sinagot ng GIN sa palaisipang bisyong laruin at pinakapahinga sa gawain tulad sa mga pakikipagtuos paano iraos at maging manos bawat problema'y lulutasing lubos na di masagot ng kuwatro kantos apat daw kasi ang sulok ng bote kaya kuwatro kantos yaong sabi sa lasenggo nga ba ito'y may silbi? sangkilong bigas nga'y di makabili? ako nama'y di mahilig bumarik at sa pagtoma'y di na nasasabik buti pang sumagot ng walang tumpik ng krosword na sa kaalama'y hitik - gregoriovbituinjr. 08.10.2023 * Kuwatro kantos - 23 PAHALANG

Ang Balatas o Milky Way

Imahe
ANG BALATAS O MILKY WAY Balatas  pala ang  Milky Way  sa sariling wika ayon sa diksyunaryo'y  Hiligaynon  na salita sa  Ilokano 'y  Ariwanas  kung tawaging sadya sa  Waray  ay  Silid , animo'y kwarto ang kataga Milky Way  ay mula sa Griyegong salita naman galaktikòs kýklos - milky circle  ang kahulugan malagatas na pagkabilog pag pinag-isipan tila salita'y hinggil sa  Malagatas na Daan ang  Balatas  ay yaong nagkukumpulang bituin sa kalawakan kabilang ang ating solar system maganda ring minsan ang astronomiya'y aralin at pag gabi na, ang langit ay pakasuriin din ikalabimpitong siglo iyon nang ang  Milky Way ay matagpuan noon ni  Galileo Galilei sa pamamagitan ng teleskopyo, yaong sabi natuklasang isa lang iyon sa mga galaxy salamat at may pag-aaral sa ganitong paksa hinggil sa astronomiyang animo'y mahiwaga paano nga ba ang uniberso ay nagsimula at ang lagay natin sa kalawaka'y maunawa - gregoriovbituinjr. 08.03.2023 *  Balatas  - Hiligaynon sa Milky Way, mu

Ang Wika ng Buwan sa Buwan ng Wika

Imahe
ANG WIKA NG BUWAN SA BUWAN NG WIKA nakatingala ako sa buwan nang magsalita ito sa akin tungkol sa kanyang nasasadiwa anya: " Agosto'y Buwan ng Kasaysayan at Wika sa buwan bang ito'y anong inyong balak magawa?" ang tugon ko:  "Oo, Buwan ngayon ng kasaysayan dahil buwan ito nang mag-alsa ang Katipunan kasabay din nito'y Buwan ng Wika nitong bayan pagpupugay kay Quezon sa kanyang kapanganakan" anang Buwan:  "sa paggunita'y pagbati sa madla pagtuunan ninyo ang kasaysayan ng nitong bansa subalit ang wika, paunlarin ninyo ang wika nang sunod na salinlahi, historya'y maunawa" anya pa:  "wika ba'y bakya dahil gamit ng bayan? habang nag-iingles ang trapo, burgesya't iilan? hindi, hindi, ang wika ninyo'y dakila't uliran! gamit ng ninuno nang tayo'y magkaunawaan" "sariling wika'y gamit ng manggagawa't dalita lalo na upang bakahin ang banyaga't kuhila upang ang bayan sa mapagsamantala'y lumaya kaya

Nagtagpo sa panulat

Imahe
NAGTAGPO SA PANULAT sa panulat tayo nagkita, aking musa sa aking mga kataga'y nilikha kita upang maging inspirasyon ka sa tuwina at sa panulat ko rin ba'y mawawala ka nagtagpo tayo sa panulat, aking mutya habang kahalubilo ko ang mga dukha pinapangarap ay bayang mapagkalinga na lipunang makatao'y nais malikha sinta, ikaw ang musa ng aking panitik sa kathang kwento mutya kang nakasasabik ang alindog mo sa tula ko'y natititik di mo ba narinig ang aking mga hibik ako'y bilanggo mang patiwarik binitin ngunit alay ko sa iyo'y mga bituin sa langit tinirintas, lalambi-lambitin ako ma'y nais nilang ihulog sa bangin - gregoriovbituinjr. 08.03.2023

Pagpitik sa kamera

Imahe
PAGPITIK SA KAMERA minsan, kailangang matuto paano pumitik sa kamera upang lumabas na kasabik-sabik ang larawang kinunan, ang haligkik o pag-imik kung pangit ang litrato, uulit ka sa pagpitik anuman ang kamera, digital, SLR, Canon,  single lens, Kodak, Pentax, Fujifilm, Sony, o Nikon o kumuha ka ng litrato gamit lang ang selpon mahalaga'y ang kalabasan ng litratong iyon kaya mabuti ring may gabay sa paglilitrato at kung paano kamera'y gamitin mo ng wasto nauunawaan mo ba kung Rules of Third ba'y ano? pagtitimpla ng kulay at liwanag ba'y paano? ano ang exposure at flash, bakit may shutter speed? view finder, control, megapixel, bakit dapat batid? focal length, aperture, manual focus ba'y anong hatid? prime lens, zoom lens, ikaw ba'y may nakikitang balakid? may kwento ba sa iyong litratong kinunang tunay? anong naiiba o tampok sa litratong taglay? sa history ba, litrato'y may salaysay at saysay? o nais lang kunan dahil may saya itong bigay? kung maging potogra

Tabol at tanglo

Imahe
TABOL AT TANGLO nakita ko sa dalawang palaisipan ang mga salitang ngayon ko lang nalaman ang  TABOL  pala'y  MASAMANG HANGIN SA TIYAN at ang  TANGLO  ay  PULUBI  ang kahulugan kaya ngayon ay gagamitin kong totoo sa kwento, tula't sanaysay ang mga ito at sa U.P. Diksiyonaryong Filipino ay tiningnan ko kung kahulugan ay wasto baka kabag din ang tabol kung tutuusin dahil ang tiyan ay napuno din ng hangin tanglo naman ay pulubi kung iisipin na dapat kaawaan o tulungan natin salamat sa mga palaisipang iyon mga lumang salita'y biglang nakaahon mula sa kanilang nahihimbing na kahon halina't sa tula'y gamitin natin ngayon - gregoriovbituinjr. 08.01.2023 Pinaghalawan: * dalawang palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 31, 2023, p.15 * Unang krosword, 23 Pababa: Masamang hangin sa tiyan - Tabol * Ikalawang krosword, 22 Pababa: Tanglo - Pulubi  *  tabol  -  Medisina: hangin sa tiyan na lumilikha ng kakaibang tunog kapag tinapik; liyok;  mula sa UP Diksiyonary

Ang aklat ng mga kwento ni Manuel Arguilla

Imahe
ANG AKLAT NG MGA KWENTO NI MANUEL ARGUILLA Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Hindi na ako nagdalawang isip na bilhin ang aklat na " The Essential Manuel Arguilla Reader"  nang minsang mapagawi ako sa Malabon City Square sa Letre. Nito lang Hulyo 17, 2023, nang manggaling ako sa tanggapan ng Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO) sa Navotas, at nang pauwi na ay nilakad ko mula roon hanggang sa MC Square. Sa sangay ng National Book Store sa MC Square ko nakita ang nasabing aklat na nagkakahalaga ng P250.00, at agad ko iyong binili. Klasiko na kasi sa panitikang Pilipino ang awtor, at bihira na ang koleksyon ng kanyang mga akda. Mabuti't natyempuhan ko iyon. Kilala siya dahil ilang beses na siyang nababanggit sa mga sanaysay hinggil sa panitikang Pilipino sa wikang Ingles bago pa ang panahon ng pananakop ng Hapon sa ating bayan. Inilathala iyon ng Anvil Publishing noong 2019.  Si Manuel Arguilla ang isa sa mga manunulat na Ilokano sa wi