PAYÒ SA SARILI
dapat pa ring pagsanayang magkwento
habang sa sipnayan ay pulos kwenta
di lang tulâ ang dapat isulat ko
kundi kwento hanggang maging nobela
salamat, Talibà ng Maralitâ
dahil ako'y inalagaang sukat
dahil tula't kwento'y nilalathalà
dahil pahayagan kang mapagmulat
pagkathâ ng kwento'y pagbubutihin
baka sa akin ito ang magdala
sa pagtingalâ sa mga bituin
at kinabukasang asam talaga
isang nobela'y aking sinusulat
kayâ ngayon ay nagsusumigasig
dapat pagsikapan ang lahat-lahat
bakasakaling dito makatindig
- gregoriovbituinjr.
01.30.2026

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento