Linggo, Disyembre 21, 2025

Paghandaan ang hinaharap

PAGHANDAAN ANG HINAHARAP

paghandaan kung saan patutungò?
pahakbang-hakbang, huwag mabibigô
kahit dumating man ang tagasundô
ako'y tatanda ngunit di susukò

paghandaan natin ang hinaharap
paano matutupad ang pangarap?
paano masuri bawat hinagap?
paano wakasan ang dusa't hirap?

hanggang ngayon, aking natatandaan
mayroon tayong lumang kasabihan:
"ang di lumingon sa pinanggalingan
di makarating sa paroroonan"

mahal kong magulang ay nilingon ko
danas ko noong ako'y nagtrabaho
pati mga kapwa dukha't obrero
dahil sa kanila kung ano ako

tulad ng aking guro sa Mendiola
babae, manggagawa, magsasaka
patuloy pang madla'y nakikibaka
sa dapat haraping isyu't problema

makatang wala man sa toreng garing
pagkat masang hikahos ang kapiling
sana, gabi'y laging payapa't himbing
at umaga'y masayang salubungin

- gregoriovbituinjr.
12.21.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Hustisya sa mga dalagita't batang pinaslang

HUSTISYA SA MGA DALAGITA'T BATANG PINASLANG sa loob lang ng isang linggo'y nabalità dalawang kinse anyos yaong ginahasà at pinaslang...