PAGTULA'Y PAHINGA SA LAKSANG SULIRANIN
pagtula'y pahinga sa laksang suliranin
nire-relaks ang utak ang tanang layunin
tutula muna sa dami ng lulutasin
yaong iba naman, yosi na'y hihithitin
bago matulog o paggising, nagninilay
problemang sala-salabid ang nakahanay
mga nalilirip animo'y naghihintay
mapapatula nang loob ay mapalagay
naglalaba man o nagluluto, may tula
nasa tahanan man, sa lansangan o baha
nakangiti sa labas, sa loob ay luha
maaliwalas ang mukha ngunit balisa
nasa lungsod man, tila ako'y nasa liblib
kayrami mang ahas na sadyang mapanganib
tanging nagagawa'y ang tibayan ang dibdib
sa kaharap mang trapo't halimaw ay tigib
- gregoriovbituinjr.
02.23.2025
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento