Martes, Nobyembre 19, 2024

Panayam sa akin ng mga estudyante para sa kanilang thesis

PANAYAM SA AKIN NG MGA ESTUDYANTE PARA SA KANILANG THESIS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Narito ang isang panayam sa akin ng ilang mag-aaral ng Batangas State University na nais kong ilahad sa sanaysay na ito upang hindi malimutan at maging bahagi ito ng aking kathambuhay. Kumontak sila sa akin nitong Nobyembre 13, 2024, bandang hapon. Dahil sa kanilang mga katanungan ay parang isinulat ko na rin ang aking talambuhay bilang manunulat. Bagamat sa messenger ng facebook lamang kami nag-usap, napakahalaga na nito sa akin bilang manunulat. Narito ang kanilang panayam.

"Magandang araw po, Sir Gregorio! Ako po si Bb. Vhonna Pascual,  mag-aaral po mula sa Batangas State University-The National Engineering University. Kasalukuyan po akong nasa 3rd year sa ilalim ng programang Bachelor of Secondary Education Major in Filipino at kami po ng aking grupo ay may binubuong pananaliksik/ thesis. Sa amin pong isinagawang pananaliksik ay ang inyo pong mga maikling kuwento ang aming pinapaksa. Layunin po namin na makapagpasuri ng inyong tatlong maikling kwento partikular sa "Sona na Naman, Sana Naman, "Bigong Bigo ang Masa" at "Budol-budol sa Maralita". Ngayon po ay nais namin itong ipaalam sa inyo upang makahingi rin ng permiso gayundin ay mapagbigyan at mapaunlakan nawa ninyo kami ng panayam. Ito po ay upang magkaroon ng diskusyon at pagkakataon na makapagtanong-tanong sa inyo hinggil sa inyo pong mga akda. 

Umaasa po kami ng aking grupo sa inyong positibong pagtugon. Maraming salamat po!

Sinagot ko naman agad sila. "Okay po. Gamitin ninyo ang mga nasulat kong kwento. Text na lang yung panayam at sasagutin ko." Kasalukuyan akong nagbabantay kay misis sa ospital nang maganap ang panayam.

"Maraming salamat po sa pagtugon, Sir Gregorio! Tiyak na malaki po ang maitutulong ng inyong mga kasagutan sa aming mga katanungan. Mangyaring makikihintay na lamang po ng aming mga tanong na ipapasa sa inyo kinabukasan na siya naman pong aming iku-consult muna sa aming guro sa pananaliksik. Muli, magandang gabi po at maraming salamat po."

Nobyembre 14, 2024, ikasampu ng umaga, ay kumontak muli sila sa akin.

"Magandang araw po sir Gregorio! Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa inyong pagpapaunlak sa amin upang kayo ay aming makapanayam. Naririto po ang aming mga inihandang katanungan para sa inyo:

Ilang taong gulang na po kayo? At ilang taon na po kayo sa larangan ng pagsulat?

Ano ang mga salik/bagay na nagtulak sa iyo upang sumulat?

Ano o sino po ang naging inspirasyon mo sa pagsulat/ mga batayan?

Ano po ang inyong mga layunin sa pagsulat ng mga akda?

Hindi po ba kayo nakakaramdam ng takot sa dahilan na ang iyong mga katha ay sumasalungat sa gobyerno? May pagkakataon na po ba na nakaranas na kayo ng pananakot o banta na nagmula sa ibang mga tao o sa gobyerno?

Ano ang mensaheng nais iparating ng inyong mga akda sa mga mambabasa?

Nakatanggap na po ba kayo ng iba’t ibang parangal sa inyong pagsulat? At ano-ano ang mga ito?

Ano po ang magandang dulot ng pagiging isang aktibista?"

Tumugon agad ako. "Magandang katanungang nais kong sagutin sa pamamagitan ng sanaysay. Pakihintay lamang dahil may mga nilalakad pa ngayong araw."

Anila, "Maraming salamat po, Sir. Mag-iingat po kayo!"

Narito naman ang aking mga sagot:

"Ako si Gregorio V. Bituin Jr., makata, pultaym na aktibista, at manunulat para sa masa at uring manggagawa. Laking Sampaloc, Maynila at doon din ipinagbuntis ng aking ina, subalit isinilang sa isang ospital sa Lungsod Quezon noong Oktubre 2, 1968. Kaya edad 56 na ako ngayon. Ang aking ama ay mula Balayan, Batangas at ang aking ina ay mula Barbaza, Antique.

Hayskul pa lang ay nagsusulat na ako. Subalit noong nasa kolehiyo, sa campus paper na The Featinean unang nalathala ang aking akda. Mula 1993-95 ay staffwriter ako ng The Featinean, opisyal na publikasyon ng FEATI University, na paaralan din ng aking ama't ina. Naging features and literary editor ng The Featinean noong 1995 - 1997.

Nakawilihan ko nang kumatha ng tula, maikling kwento at sanaysay, subalit di pa nobelista. Pangarap kong makapaglathala ng nobela balang araw.

Naging kasapi ako ng Association of Filipino Poets (ASFIPO) at naging aktibo rito noong 1996-98. Nag-aral ng pagtula sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002. Naging fellow sa Palihang Rogelio Sicat noong Hunyo 2022.

Nagsulat din sa magasing Tambuli, ng grupong Bukluran ng Manggawang Pilipino (BMP), (1996-99) at sa dalawang isyu ng magasing Maypagasa ng grupong Sanlakas, 1998-99. Nagsulat sa Taliba ng Maralita bilang staff ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) mula 2001-2008, at muling inasikaso ang publikasyong ito mula Setyembre 2018 nang mahalal na sekretaryo heneral ng KPML hanggang kasalukuyan.

Nagsulat din sa pahayagang Obrero ng BMP mula 2003-2010, at sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM), walong isyu, 2011-2012.

Ang mga salik na nagtulak sa akin upang magsulat ay ang mga isyung nasa paligid, lalo't isyu ng mamamayan. Upang matupad ang pangarap kong maging nobelista, dapat munang pag-igihan ko ang pagsusulat ng maikling kwento.

Naging inspirasyon ko sa pagsusulat ang pakikibaka ng karaniwang mamamayan para sa hustisyang panlipunan - isyu ng mga saray ng sagigilid o marginalized sector ng lipunan. Mga naging guro ko ay lider-manggagawa, lider-maralita, lider-kababaihan, magsasaka, vendor, kabataan at bata. Isyu ng mababang sahod, kagutuman, pagpag na pagkain, demolisyon, relokasyon, kalusugan ng mamamayan, na ginagawan ko ng maikling kwento, sanaysay at tula.

Layunin ko sa pagsusulat ay magmulat sa kapwa dukha at kauring manggagawa. Nagsusulat ako para sa bayan, karapatang pantao at hustisyang panlipunan. Ito na ang buhay ko, ang magsulat para sa mga api at pinagsasamantalahan sa lipunan. Hindi ako takot ma-redtag dahil sinusulat ko'y mga totoong nangyayari sa masa.

Kung mapapatay ako dahil sa pagsusulat, tanggap ko. Mas mabuting mamatay sa laban kaysa magbilang ng araw sa banig ng karamdaman.

Nakatanggap ng Gawad mula sa HR Online ang ilan kong tula at blog. Tanging sa Human Rights Online pa lang nakatanggap, mga apat na beses na.

Ang mensaheng nais kong iparating sa mambabasa ay huwag silang manahimik kung may nakita silang mali. Kung kinakailangan, lumabas sila at ipaglaban ang katarungang ipinagkakait sa kanila.

Para sa akin, mabuti ang aktibista dahil ipinaglalaban mo ang karapatan at kaginhawahan ng lahat, hindi ng iilan.  Ipinaglalaban mo ang dignidad mabuhay ng karaniwang tao. Ipinaglalaban mong magkaroon ng lipunang makatao, lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Nangangarap ang aktibista ng lipunang matino, pantay, at makatarungan."

Hanggang diyan ko tinapos ang maikli kong talambuhay bilang makata, manunulat at pultaym na aktibista. At tumugon naman sila ng:

"Lubos po kami ng aming grupo na  nagpapasalamat sir Gregorio, Malaking tulong po ito para sa aming thesis at gayundin po ay sa proposal defense na gaganapin bukas ❤️🥰Nawa po na kapag naaprubahan ang aming thesis proposal ay patuloy niyo po kaming paunlakan upang maipalimbag namin sa aming unibersidad ang inyong mga katha❤️

Sinagot ko naman agad: "Maraming salamat din. Nawa'y magtagumpay kayo sa inyong proposal defense."

Nobyembre 16 ng ikalima ng hapon ay kumontak muli ang tagapanayam.

"Magandang araw po, Sir Gregorio! Kahapon po ay naganap ang aming thesis proposal na may pamagat na "PAGKILALA SA TINIG NG MAKABAGO: PAGSUSURI SA MGA PILING AKDA NI GREGORIO V. BITUIN JR." Nais po naming ipabatid sa inyo na matagumpay po naming nadepensahan ang aming proposal na ito. Kami po ng aking mga kasamahan ay naniniwalang isa pong malaking parte ng aming tagumpay kahapon na malaman ng aming mga panel na kayo po ay tumugon sa ilan naming mga katanungan kung kaya't nawa po ay patuloy po kayong  maging bukas sa aming mga mananaliksik sa mga susunod pang mga araw upang mapaghusay pa ang aming isinasagawang pananaliksik. Muli po, mula sa aming tatlo ay lubos po kaming nagpapasalamat sa inyo, Sir!"

Kalakip niyon ang disenyo ng pabalat ng kanilang thesis na ipinadala sa akin, na ang pamagat ay: "Pagkilala sa Tinig ng Makabago: Pagsusuri sa mga Piling Akda ni Gregorio V. Bituin Jr." nina Mary Pauleen B. Cruz, Kim Andrea O. Manimtim & Vhonna Aileen T. Pascual. At sa itaas na kanang bahagi ay nakasulat naman ang pangalan ng kanilang paaralan: "Batangas State University - The NEU" at kaliwang bahagi ay "Nobyembre 2024".

Agad din akong tumugon sa kanila. "Congrats! Maraming salamat at mabuhay kayo!"

Ginawan ko ng tula ang kanilang panayam bilang pasasalamat.

SA MGA TAGAPANAYAM

maraming salamat / sa interes ninyo
sa aking panulat / at maikling kwento
na para sa thesis / nang pumasa kayo
sa inyong aralin / at sa guro ninyo

ang sinagot ko na'y / aking talambuhay
bilang manunulat / at makatang tunay
aking mga tindig / at pala-palagay
bilang aktibista't / kwentista ng buhay

noong una, ako'y / totoong nagulat
kwentong SONA pala / ang napiling sukat
maikling kwento kong / layon ay magmulat
ang masasabi ko'y / maraming salamat

buti't napili n'yo'y / kwento kong pangmasa
na buhay na'y alay / sa bayan kong sinta
ang talambuhay ko'y / agad inakda na
nawa, sa thesis n'yo / kayo'y makapasa

11.19.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pag tinali, tinalo, tinola ang labas

PAG TINALI, TINALO, TINOLA ANG LABAS pag tinali, tinalo, tinola ang labas pulutan sa alak o kaya'y panghimagas isinabong ang tandang sa ...