Huwebes, Agosto 29, 2024

Pag-utos sa pagpaslang

PAG-UTOS SA PAGPASLANG

hinggil sa War on Drugs, nakakagimbal na pag-amin
utos noon ng hepe ng pulisya na patayin
ang umano'y mga suspek sa droga, at lipulin
ang ilegal na droga't tuluyan itong durugin

mga pagpaslang ay utos daw ni Senador Bato
noong ito pa'y hepe ng pulis sa bansang ito
iyon ang pahayag sa Kongreso ni Espenido
na natalagang hepe ng pulis sa Leyte mismo

habang kalaban sa drug war campaign ay tinutugis
sa tanong kay Espenido'y sinagot nang mabilis
pag sinabi raw na mawala, sa lenggwaheng pulis
kasali raw ang pagpaslang upang droga'y mapalis

maganda namang mawala ang droga at malipol
ang mga sindikato ng drogang nakakaulol
ngunit kayrami raw inosenteng dito'y nasapol
pinaslang, walang proseso, krimen itong masahol

ang mga kamag-anak ng inosenteng biktima
ng pamamaslang ay nananawagan ng hustisya
kung may kasalanan ay ikinulong na lang sana
ang mga mahal nila sa buhay, sana'y buhay pa

- gregoriovbituinjr.
08.29.2024

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Agosto 29, 2024, headline at pahina 2

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Masdan mo ang kapaligiran

MASDAN MO ANG KAPALIGIRAN pamagat ng awit ng  ASIN : "Masdan mo ang kapaligiran" lupa, dagat at papawirin ay pansinin, di lang pag...