NANG MINSANG MAPADAAN SA MARKER NI KIAN DELOS SANTOS, BIKTIMA NG EJK
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Napadaan ako sa isang simbahan sa Kalookan dahil sa nakatakdang aktibidad ng aming samahan, at habang naghihintay sa mga kasamang hindi pa nakararating ay nakita ko ang marker na inilagay doon hinggil sa pagpaslang sa 17-anyos na estudyanteng si Kian Delos Santos.
Mula pa nang magsimula ang administrasyong Digong ay naging madugo na ang lansangan ng kalunsuran. Dahil na rin sa pananalita ng pangulo sa unang araw pa lang ng panunungkulan. Dapat mawala na ang mga adik na tingin niya’y walang karapatang mabuhay sa mundo.
At isa nga sa naging biktima ay ang estudyanteng si Kian Delos Santos, na sinasabi’y napagkamalan o kaya’y nanlaban kaya pinaslang. Isa umanong inosenteng biktima ng war on drugs ni Digong.
Ayon sa ulat sa mga balita, napaslang noong Agosto 2017 ang 17 taong gulang na si Kian delos Santos sa kamay ng tatlong pulis-Kalookan na sinasabing dapat ay protektor ng mamamayan. Gabi iyon nang makuha si Kian ng mga pulis sa labas ng kanilang bahay. Ayon sa ulat, nagmamakaawa pa si Kian na mapakawalan dahil iniisip niya ang kanyang exam kinabukasan: “Huwag po, may exam pa po ako bukas”.
Subalit sawimpalad na napatay ang estudyanteng si Kian. Mabuti na lamang at may CCTV sa lugar na siyang naging ebidensya laban sa mga pulis. Nahatulan ng murder ang tatlong pulis na sanhi ng kamatayan ni Kian. Gayunman, napakarami pa ring walang hustisya at patuloy pa rin ang mga patayan kaugnay sa kampanyang war on drugs.
Sa panahong iyon ng tokhang, o toktok bangbang, maraming basta na lamang pinaslang nang walang due process o wastong proseso ng batas. Nakilala ko ang ilan sa mga nanay ng mga namatayan dahil sa naging aktibo ako sa kilusan para sa karapatang pantao.
Tagos sa puso’t isipan ko ang mga nakasulat sa marker ni Kian: “SA ALAALA NI KIAN DELOS SANTOS
“Sa alaala ni Kian Delos Santos, 17 taong gulang, na naging biktima ng extrajudicial killing noong Agosto 16, 2017 sa Brgy. 160, Caloocan City. Si Kian ay pinaslang sa araw ng kapistahan ni San Roque, Patron ng Diocese of Kalookan. Isa lamang siya sa 81 katao na pinatay sa loob ng apat na araw (Agosto 15-18, 2017) sa Kalakhang Maynila. Ayon sa talaan, libu-libo na ang mga mamamayang naging biktima ng patuloy na itinataguyod na giyera sa ilegal na droga ng kasalukuyang pamahalaan. Ang marahas at abusadong pamamaraan na ito ay taliwas sa pananampalatayang Kristyano ukol sa dangal ng buhay ng tao bilang nilikhang kalarawan ng Diyos.”
“Nawa ang panandang ito ay magsilbing alaala sa mga buhay na pinaslang, mga asawang nabalo at mga anak na naulila. Nawa'y antigin ng Diyos ang budhi ng mga nasa kapangyarihan upang matigil na ang pagpatay, masimulan na ang paghilom ng mga kababayang biktima ng adiksyon sa droga, at makamtan ang tunay na katarungan para sa lahat.”
Matapos kong basahin iyon ay nakita ko na ang aking mga kasama upang simulan na namin ang aming aktibidad. Subalit sa aking pag-iisa ay aking napagninilayan ang nakasulat sa marker na nagpatibay pa sa aking pagtaya o commitment bilang aktbista para sa karapatang pantao. At bilang makata ay nakapagsulat ako ng maraming tula hinggil sa EJK o sa extrajudicial killings na balang araw ay nais kong malathala bilang ambag sa panawagang hustisya ng mga namatayang pamilya, at sa panawagang due process kung may pagkakasala. Sana’y wala nang mga salvagings at EJK sa hinaharap. At wala na ring nagdudroga dahil naisip nilang hindi iyon ang kasagutan sa anumang problema.
Mabuti’t napadaan ako sa marker na iyon na nagbigay sa akin ng bagong alab at inspirasyon bilang makata at aktibista upang ipagpatuloy na ipaglaban ang pangarap na kamtin ang isang lipunang makatao kung saan walang pagsasamantala ng tao sa tao.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 16-31, 2024, pahina 18-19.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento