Huwebes, Abril 02, 2020

Nagbabadya ang unos sa dulo ng bahaghari


Nagbabadya ang unos sa dulo ng bahaghari

nagbabadya ang unos sa dulo ng bahaghari
animo'y nagpapatuloy pa ang pagkukunwari
"papatayin ko kayo!" sabi ng baliw na hari
karapatang pantao'y balewala't ginagapi

anila, sa dulo ng bahaghari'y may ginto raw
ngunit pinag-interesan ng mga trapo't bugaw
bilyong ginto para sa nasalanta'y inaagaw
tila ito sa likod ng taumbaya'y balaraw

lumitaw ang bahaghari nang matapos ang unos
may bagong unos sa nagprotestang gutom at kapos
nais silang patayin ng hari, ito ang utos
sa kanyang mga asong handang mangagat, umulos

bilyon-bilyong barang ginto'y para sa sambayanan
na sa dulo ng bahaghari'y kukunin na lamang
subalit pilit pinupuslit ng trapong gahaman
gayong nangangamatay na ang mga mamamayan

sa mga tampalasang iyon ay sinong uusig
dapat masa'y kumilos, isyung ito'y isatinig
kaya manggagawa't dukha'y dapat magkapitbisig
upang mga lilo't sukab ay tuluyang malupig

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dalawang 13-anyos na Nene

DALAWANG 13-ANYOS NA NENE dalawang Nene na parehong trese anyos ay biktima sa magkahiwalay na ulat isa'y nadale ng 5-star sa daliri isa...