NILAY AT 2 TULANG BINIGKAS SA DENGCAR THEATER NG MOWELFUND
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nanood ako ng dalawang set ng anim na pelikula sa Dengcar Theater sa Mowelfund Film Institute sa Lungsod Quezon bilang pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng independent films sa Pilipinas. Galing pa ako sa National Library of the Philippines (NLP) ng umaga at nakinig ng pagtalakay ni Dr. Ambeth Ocampo hinggil kay Dr. Jose Rizal mula 9 am - 11 am.
Ikalawa ng hapon naman ay nasa Dengcar na ako upang manood. Ipinalabas ang CInemartyrs (2025) ni Direk Sari Dalena (104 mins). Matapos iyon ay break muna at nagmeryenda kami. Ikalima ng hapon ay pinalabas naman ang limang pelikula. Ito ay ang Oliver (1983) ni Direk Nick Deocampo (45 mins), Palugid (2001) ni Direk Paolo Villaluna (15 mins), Whoman (2001) ni Gladys Hernando (8 mins), T (2001) ni Tammy Tam (15 mins), at Si Astri Maka at si Tambulah (2017) ni Xeph Suarez (20 mins).
Matapos ang palabas, sa ganap na ikapito ng gabi ay nagkaroon ng talk back session kung saan nasa harapan namin at nakaupo ang mga direktor. Nakinig kami habang pinag-uusapan nila ang proseso ng pagkagawa nila ng pelikula. Nagkaroon ng open forum. Nagtaas ako ng kamay, tinawag ako at binigkas ang dalawang tulâ bilang pagninilay. Ang dalawang tulâ ay may tigsampung pantig bawat taludtod.
CINEMARTYRS
tagos po sa pusò ang mensahe
ng CInemartyrs, walang masabi
pelikula'y tunay na may silbi
sa henerasyon ngayon at dati
mensahe ng pinanood namin
kasaysayan ay huwag limutin
ito'y pag-aralan nati't damhin
kayrami pang dapat halungkatin
tulad ng pagkabuo ng bansâ
may bansâ muna bago paglayà
tulad ng Bud Dajo, isadiwà
ang saysay ng lahi, dugo't luhà
pelikulang sa lupà ay lapat
sa kasaysayan ay nakaugat
sa napanood at nadalumat
pagpupugay at pasasalamat
Naisulat ko ang tulang ito matapos ang Cinemartyrs, habang ang ikalawang tula ay isinulat ko matapos naman ang ikalawang set ng pelikula.
KAPASIYAHAN SA KATAWAN
boy, girl, bakla, tomboy, ika nila
ang paksa sa limang pelikula
pangmulat, panlahatan, pangmasa
na maunawa ang bawat isa
limang pelikulang sadyang tagos
sa kamalayan, sapat, di kapos
ramdam na napanood ay taos
sa kwentong ginawâ ninyong lubos
ang bawat tao'y may karapatan
magkaiba man silang katawan
dala man iyon ng kahirapan
o sarili nilang kapasyahan
salamat sa pelikula ninyo
pagkat diwa'y binuksang totoo
Ang pagtula ko ang nagsilbing pagsasara ng programa, pagkat wala nang ibang nagtanong at isinara na ng emcee ang palatuntunan. Nakauwi ako ng bahay ng ikasiyam ng gabi.
06.26.2026




Walang komento:
Mag-post ng isang Komento