Sabado, Hunyo 13, 2026

Ibinahaging tula sa palabas na Delikado sa Sine Pop

IBINAHAGING TULA SA PALABAS NA "DELIKADO" SA SINE POP

Isa sa inabangan ko ang pagpapalabas ng dokumentaryong Delikado sa Sine Pop. Dahil nais kong magpahinga sa araw na iyon, nagtungo ako sa Sine Pop sa Cubao upang panoorin muli ang pelikulang Delikado. Ikalawa ng hapon ay naroon na ako.

Dati ko na itong napanood sa Harong sa Mother Ignacia ilang taon na ang nakararaan, subalit pinilit ko pa ring magtungo roon.

Istorya iyon ng tatlong environmentalists na nakipaglaban upang panatilihin ang maayos na kalikasan sa Palawan. Minsan na rin kaming nakapunta ng namayapa kong misis sa opisina ngPalawan NGO Network Inc. (PNNI)  sa Palawan noong 2018, matapos ang Environmental Summit na ginanap doon kasama ang grupong Green Convergence. Nakita namin mismo ang patong-patong na chain saw na parang museum.

Nang matapos ang halos dalawang oras na palabas, nagkaroon ng talk back session. Isa ako sa nagtaas ng kamay at matapos ang ilang pananalita ay binigkas ko ang sumusunod na tula:
‎DELIKADO
‎delikado, nakakakilabot
‎ang buhay nila'y masalimuot
‎para sa kalikasan, magusot
‎nawalang buhay, sinong sasagot
‎nililikha n'yo'y kinabukasan
‎ng bayan at ng kapaligiran
‎pagkakaisa'y ating tanganan
‎magpatuloy tayo sa paglaban
‎inyong ginawa'y nagpapatibay
‎sa bawat pakikibakang tunay
‎inspirasyon kayong naninilay
‎taaskamao pong pagpupugay

Matapos ang programa bandang ikalima ng hapon. At nagtungo na ako sa Power Mac Center Spotlight Blackbox Theater sa Circuit Makati upang panoorin ang Dalawang Bayani: Jose at Andres na ipinalabas ng 7:30 ng gabi at natapos ng ikawalo ng gabi. Isa iyong puppet show na isinulat ni National Artist for Theater Amelia LapeƱa-Bonifacio.

Nakauwi ako ng bahay ng ikasampu na ng gabi.
‎- gregoriovbituinjr
‎06.13.2026

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nilay at 2 tulang binigkas sa Dengcar Theater sa Mowelfund

NILAY AT 2 TULANG BINIGKAS SA DENGCAR THEATER NG MOWELFUND ‎Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. ‎ ‎Nanood ako ng dalawang set ng ani...