Linggo, Pebrero 01, 2026

Gawain din ang pagtungangà

GAWAIN DIN ANG PAGTUNGANGÀ

madalas tumungangà sa kawalan
nakatingin sa walang tinitingnan
o nakatitig sa di matitigan
habang naglalakbay ng malayuan

ganyan ang gawain ng manunulat
sa kisame't langit nakamulagat
kung saan-saan tinta'y kinakalat
upang magawa ang asam na aklat

naglalakad ng kilo-kilometro
nang wastong salita'y nasok sa ulo
makita ang wala sa diksyunaryo
makasalamuhà ang mga tao

nang tamang pangungusap ay makathâ
malikha'y magandang larawang diwà
nang maisulat ang akmang talatà
nang matapos ang isang kabanatà

- gregoriovbituinjr.
02.01.2026

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagkathà ng soneto

PAGKATHÂ NG SONETO isang hámon sa mga tulad ko ang muling pagkathâ ng soneto salamat sa imbitasyon dito upang magbahagi ng likhâ ko ako'...