Huwebes, Enero 08, 2026

Pagtitig sa kawalan

PAGTITIG SA KAWALAN

minsan, nakatitig sa kawalan
sa kisame'y nakatunganga lang
o nakatanaw sa kalangitan
kung anu-anong nasa isipan

paligid ay ikutin ng mata
at kayrami nating makikita
isyu, balita, bata, basura
mga paksâ, mga nadarama

madalas ay walang nalilirip
nais lang pahingahin ang isip
nang katauhang ito'y masagip
sa lumbay at dusang halukipkip

narito lang akong nakatanaw
sa malayò, walang tinatanaw
tilà ba ang diwa'y di mapukaw
para bang tuod, di gumagalaw

- gregoriovbituinjr.
01.08.2026

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pasasalamat

PASASALAMAT salamat sa nagla-like sa tulâ dahil sa inyo, gising ang diwà at harayà ng abang makatâ kahit tigib ng lumbay at luhà kayo, ang m...