NEW YEAR 2026: IKULONG NA 'YANG MGA KURAKOT!
alas dose na pala, bigla akong bumalikwas
pagkat nagpuputukan na't kay-ingay na sa labas
wala mang paputok o torotot na ilalabas
may boses akong ipinang-ingay din ng malakas
sinabayan ko ng sigaw ang ingay ng paputok
isinigaw ko'y: Ikulong na 'yang mga kurakot!
inihiyaw upang baguhin ang sistemang bulok
at panagutin ang mga kawatan at balakyot
pagpupugay sa lahat ng mga nakikibaka
upang lipunang makatao'y itayo talaga
upang mandarambong ay mapanagot na ng masa
upang baguhin ng bayan ang bulok na sistema
ang sinigaw ko na ang aking New Year's Resolution
tuloy ang laban, tuloy ang kilos at ang pagbangon
lahat ng mga kurakot ay dapat nang makulong
di lang dilis kundi mga pating na mandarambong
- gregoriovbituinjr.
01.01.2026
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/1Zy6Mr7RfD/

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento