PAGSUSULAT
nagsusulat ako anumang oras
di kung kailan lang may oras ako
di kung kailan lang handâ na ako
at di kung kailan ko lamang gusto
nagsusulat sapagkat manunulat
nagsusulat upang makapagmulat
sa masa ng anumang mabibigat
na isyung sa bayan nati'y pabigat
di ako tititig sa blangkong papel
o sa screen man ng laptop computer
kung wala pang anumang sasabihin
kung wala pang isyung nakakagigil
basta pluma't kwaderno'y nakahandâ
sa bulsa't bag, nang agad makakathâ
iyan ang katangian ng makatâ
may nalilikhâ kahit namumutlâ
- gregoriovbituinjr
12.20.2025

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento