Linggo, Disyembre 14, 2025

O, Pag-ibig!

O, PAG-IBIG!

kaysarap basahin ng mga tulâ
nina Balagtas at Huseng Batutè
tagos sa dibdib ang kanilang kathâ
tulad ng pag-ibig na di mawarì

pananalita'y kayganda ng daloy
handang mamatay dahil sa pag-ibig
kaysarap dinggin, kaylupit ng latoy
tiyak sinta'y kukulungin sa bisig

inidolong makatang magigiting
tula'y higit sa panà ni Kupido
na sinta'y nanaising makasiping
at makasama sa búhay sa mundo

pagpupugay sa Florante at Laura
ni Balagtas, ang Sisne ng Panginay
kay Huseng Batutè, nagpupugay pa
kanyang Sa Dakong Silangan, mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
12.14.2025

* litrato kuha sa terminal ng dyip biyaheng UP Campus - Philcoa

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tának

TÁNAK kaysarap gamitin / ng lumang Tagalog lalo na't patungkol / sa pagsinta't irog sa mapulang rosas, / may mga bubuyog na lilipad-...