NASA HIGAAN KO SI ALAGÀ
kadarating ko lang galing pamamalengke
nang si alagà ay nakitang nasa katre
ayos lang, 'kako, sa akin agad tumabi
baka raw may uwing isda mulâ palengke
binidyuhan ko't siya'y aking kinausap
tilà pawis ko sa kama'y nilanghap-langhap
agad siyang pinababâ, aking pinagpag
ang higaan baka may balahibong lagas
salamat, alagà, bantay ka nitong bahay
kayâ mga daga'y di makalarong tunay
naririyan ka habang ako'y nagninilay
upang kumatha ng kwento, tula't sanaysay
ngayong Pasko, mga pusà ang kasama ko
sa Noche Buena'y sila ang aking kasalo
tig-isang pritong isdâ ang tanging regalo
habang Paskong tuyó naman ang aking Pasko
- gregoriovbituinjr.
12.24.2025
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/r/17e1KpKw5Y/

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento