Lunes, Nobyembre 03, 2025

Machiavellian daw ba ang mga kurakot?

MACHIAVELLIAN DAW BA ANG MGA KURAKOT?

Machiavellian daw ba ang mga kurakot?
sa pulitika'y di dapat lalambot-lambot
leyon at soro ang liderato ng buktot
na dapat masa sa ulo'y kakamot-kamot

masang sunud-sunuran at di pumapalag
bigyan lang ng ayuda, sila na'y panatag
masa'y bubulong, di lantad kung magpahayag
mata'y pipikit kahit maraming paglabag

tulad ng mga tipikal na pulitiko
laging bilugin ang ulo ng mga tao
kahit gumawa ng krimen upang umano
sa mga ambisyong pampulitika nito

kaya nga nagnanakaw sa kaban ng bayan
iyang mga buwayang walang kabusugan
na sa galit ng masa'y walang pakialam
dahil sila'y may kamay na bakal daw naman

dapat ilantad ang gawi ng mga korap
dahil sa bansa, sila ang mga pahirap
mga trapo'y ibagsak ang dapat maganap
upang maitayo ang lipunang pangarap

- gregoriovbituinjr.
11.03.2025

* Ang taga-Florence na si Niccolo Machiavelli ang awtor ng The Discourses, at ng The Prince na political treatise hinggil sa pamumuno

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Machiavellian daw ba ang mga kurakot?

MACHIAVELLIAN DAW BA ANG MGA KURAKOT? Machiavellian daw ba ang mga kurakot? sa pulitika'y di dapat lalambot-lambot leyon at soro ang lid...