SA BAWAT PAGMU(MUNING) GINAGAWA
madalas nagmumuni kasama si Muning
pagmu(Muning) madalas gawin, tila himbing
nakapikit lang subalit ang diwa'y gising
nakatalungkô ngunit di nakagupiling
nagmumuni-muning tila nananaginip
samutsaring problema't isyu'y nalilirip
pangarap ay pag-asang walang kahulillip
nang bayang niloloko ng trapo'y masagip
mabuti't si Muning, ako'y di nakakalmot
habang kalmot ng kalmot ang mga kurakot
sa kaban ng bayan, di iyon malilimot
ng bayang binabahâ, dapat may managot
tulâ ang nililikha pagkat tula'y tulay
sa taumbayang talagang di mapalagay
kasama ko'y si Muning na alagang tunay
nasa bahay matapos sa labas tumambay
- gregoriovbituinjr.
10.28.2025
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/2053436362070633

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento