Biyernes, Mayo 30, 2025

Libangan sa ospital

LIBANGAN SA OSPITAL

buti't nakabili ng Fill In na palaisipan
nang minsan sa BookSale ako roon ay mapadaan
kaya habang bantay sa asawa sa pagamutan 
ay may sinasagutan ako't napaglilibangan

talas-isip at paggamit ng lohika ang layon
piliin ang salitang lalapat sa titikahon 
sa pahalang man o pababa ay sumakto iyon
huwag magkamali lalo't bolpen ang gamit doon

agad iyong bibitawan pag tumawag si misis
matitiis ang Fill In, si misis di matitiis
tatalima na agad sa anumang kanyang nais
pag may sumakit, sa pagresponde'y dapat mabilis

minsan, ganyan ang buhay ng makatâ sa ospital
na itong Fill In ang hapunan, meryenda't almusal
mahalaga, sa asawa'y bantay, di matigagal
at paggaling ni misis ang madalas inuusal

- gregoriovbituinjr.
05.30.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Puwing at langgam

PUWING AT LANGGAM kasabihan ng ating ninuno: maliit lang ang nakapupuwing sa atin ay mahalagang payo upang di tayo api-apihin kikilos din ta...