NGAYON PONG ARAW NG KABABAIHAN
ngayon pong Araw ng Kababaihan
ako'y taaskamaong nagpupugay
sa mga ilaw ng bawat tahanan
sa lahat ng lola at mga nanay
babae kayong nagluwal sa amin
nag-alaga, nagpasuso ng gatas
nagpalaki, nagmahal, nagpakain
gabay namin sa maayos na landas
kayo'y mga asawang iniibig
di sinasaktan pagkat minamahal
kayo ang kalahati ng daigdig
kayong sa mundo'y bumuhay, nagpagal
kayo'y lola, ina, tiya, kapatid,
pinsan, kaklase, katrabaho, mare,
kayong pag-ibig ang inihahatid
kayo'y Gabriela, Oriang, bayani
salamat po sa inyong sakripisyo
mula sinapupunan, nag-aruga
maraming salamat, nariyan kayo
na mga ginawa'y sadyang dakila
- gregoriovbituinjr.
03.08.2025
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/1Gpe23Vv9k/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento