BASA-NILAY
hatinggabi, pusikit ang karimlan
kayrami pa ring napagninilayan
nais nang magpahinga ng isipan
alalahani'y makakatulugan
ngunit madalas, nagbabasa muna
ng dyaryo, libro't isyung may halaga
nagbabakasakaling may pag-asa
ang masang talagang nakikibaka
bago matulog, magninilay-nilay
sa isang isyu ba'y anong palagay
pag naghikab ay tutulog nang tunay
nang bukas, masa'y muling makaugnay
isyung sa diwa'y nakakakiliti
ay sadyang inaaral, sinusuri
kung ramdam ng masang isyu'y masidhi
kumilos kita't alamin ang sanhi
- gregoriovbituinjr.
02.10.2025
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento