Sabado, Disyembre 07, 2024

May kolum pa sa dyaryo ang may arrest order

MAY KOLUM PA SA DYARYO ANG MAY ARREST ORDER

naulat na wala na sa bansa, Disyembre Kwatro
si Harry Roque, spokesperson ng dating pangulo
na may arrest order umano mula sa Kamara
kung wala na sa bansa, paanong darakpin siya

kolum ni Roque'y nalathala, Disyembre Siyete
kung nakalabas ng bansa, bakit ito nangyari
pa-email-email lang, kanyang kolum ay tuloy pa rin
gayong may kaso pala siyang qualified trafficking

bagamat animo'y pinaglalaruan ang batas
siyang may arrest order, kolum pa'y labas ng labas
kalayaan sa pamamahayag pa'y tinamasa
tulad ni Amado Hernandez, isang nobelista

at kumatha ng mga tulang Isang Dipang Langit
sa Bilibid sa Muntinlupa nang siya'y napiit
di pa nadakip si Roque, patuloy lang ang kolum
ah, pluma'y malaya sa harap man ng paghuhukom

pluma ng makatang tibak tulad ko'y di mapigil
kung mapiit muli't sa aktibismo'y sinisiil
tunay na sagrado ang kalayaang magpahayag
kahit sa batas ng estado'y mayroong paglabag

- gregoriovbituinjr.
12.07.2024

* ulat mula sa Pilipino Star Ngayon, Disyembre 4, 2024, p.3
* kolum mula sa Philippine Star, Disyembre 7, 2024, p.7

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Biskwit na tipi

BISKWIT NA TIPI nang minsang sa Balayan umuwi sa lalawigan ng aking ama sa bayan ay bumili ng tipi na biskwit na hilig ko noon pa wala kasin...