Martes, Nobyembre 05, 2024

Pang-14 na araw na namin sa ospital

PANG-14 NA ARAW NA NAMIN SA OSPITAL

hanggang ngayon, nagbabantay pa sa ospital
kay misis na nakaratay na ng matagal
panglabing-apat na araw na namin dito
ang asam ko'y gumaling na siyang totoo

ako ang bantay dahil ako ang asawa
at ang mahalaga ay lalakarin ko pa
ang dokumento upang humingi ng tulong
sa ilang ahensyang maaaring tumugon

salamat din kay Regine na kasama niya
sa trabaho na umaasiste talaga
halinhinan kami sa pagbantay kay Libay
na kapara ng ilaw sa gabi'y patnubay

kaytindi na ng sakit niyang tinitiis
na sa pang-apat na araw siya'y tinistis
ng mga doktor pagkat malapot ang dugo
na nagbabara sa bituka, ay, nakupo

sana'y umalwan na ang kanyang pakiramdam
at gumaling nawa sa kanyang karamdaman
lahat ng asam na tulong sana'y dumating
at si misis sa kanyang sakit na'y gumaling

- gregoriovbituinjr.
11.05.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagbabasa ng kwentong OFW

PAGBABASA NG KWENTONG OFW sabik din akong magbasa ng mga kwento hinggil sa tunay na buhay, dukha, obrero lalo na't aklat hinggil sa OFW ...