Biyernes, Agosto 09, 2024

Hangal o banal?

HANGAL O BANAL?

ako ba'y isang makatang hangal
o ituring mong makatang banal
na sabi nila'y nakatatagal
sa dagok ng mag-asawang sampal

hinahanap ko'y mga salita
na mangyaring palasak ang diwa
kung di man makabago o luma
upang magamit ko sa pagkatha

sa pagsasaknong ay nagkakayod
sinasalansan bawat taludtod
maging bolpen o lapis na upod
sa anumang digma'y sumusugod

kahit diksyunaryo'y binabasa
na para bagang isang nobela
ganyan yata ang makatang aba
naligaw at nanliligaw pala

hangal o banal ba'y iyong tanong?
ang makata'y di nagmamarunong
niyakap ko lang maging ay yaong
mananaludtod at mananaknong

- gregoriovbituinjr.
08.09.2024

* litratong kuha ni misis sa Art in Island sa 15th Ave., Cubao, QC

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nilay sa pagbaka

NILAY SA PAGBAKA nanilay ko bawat pakikibaka bakit dapat baguhin ang sistema? bakit igagalang ng bawat isa ang pagkatao't dignidad ng ka...