Martes, Hulyo 30, 2024

Tugon kay kamakatang Glen Sales

TUGON KAY KAMAKATANG GLEN SALES

tulad ko ang kapalaran ng makatang Glen Sales
himutok niya'y danas ko't di sa akin maalis
maraming rejection, walang award, walang fellowship
walang like, ngunit di tumitigil sa pag-iisip

upang may maitula at patuloy na kumatha
aniya'y di nawawalan ng gana sa paglikha
tulad niya, pinangatawanan ko ring mag-akda
lalo na't may samutsaring isyu, balita't paksa

tulad niya, wala mang pagkilala sa pagsulat
dahil di naman layunin ng pagkatha'y pagsikat
mahalaga'y masaya ka sa bawat madalumat
na iyong iuukit sa salitang mapagmulat

ang kaibhan lang namin, siya'y guro, ako'y tibak
siya'y guro nang bata'y matuto't di mapahamak
ako'y laman ng kalsada't gumagapang sa lusak
na kasangga ng maralita, api't hinahamak

kaya para sa akin, pagtula'y isang tungkulin
upang maisulong ang pangarap at simulain
marahil pag patay na ako'y may magbabasa rin
na sa panahon palang ito'y may makata pa rin

at sa iyo, kamakatang Glen Sales, pagpupugay
ayos lang magpatuloy kung ikasisiyang tunay
ang pagkatha, kung iyon ang ating pakay sa buhay
muli, ako'y nagpupugay, mabuhay ka! MABUHAY!

- gregoriovbituinjr.
07.30.2024

* litrato ay screenshot mula sa selpon ng makatang gala

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Masdan mo ang kapaligiran

MASDAN MO ANG KAPALIGIRAN pamagat ng awit ng  ASIN : "Masdan mo ang kapaligiran" lupa, dagat at papawirin ay pansinin, di lang pag...