Biyernes, Hulyo 19, 2024

Sunog

SUNOG

bata pa ako'y nagisnan ko nang masunog
ang likod bahay naming talagang natutong
nasa kinder pa ako nang panahong iyon
talagang uling pag mapupunta ka roon

bata pa lang, batid ko na ang kasabihang:
"mabuting manakawan kaysa masunugan"
bilin bago lumisan ng ating tahanan 
tiyaking gamit ay tanggalin sa saksakan

tinititigan ko ang apoy sa kandila
kapag blakawt habang nakapangalumbaba
nagsasayawang apoy ang mahahalata
habang pinagpapawisan akong malubha

noon nga, bilin sa mga batang tulad ko:
"huwag maglaro ng kandila at posporo"
ngayon, huwag maglaro ng apoy, tanda ko
kaya sa asawa't pamilya'y tapat ako

aba'y may nakita na rin akong effigy
na sadyang pinaghirapan ang anyo't arte
sinunog bilang tanda ng pangulong imbi
na sa burgesya't di sa masa nagsisilbi

ah, kayrami ko nang nakitang mga sunog
lalo na sa lugar kong Quiapo't Sampaloc
ako'y tutulong pag may sunog sa kanugnog
ingat lang baka may kalan doong sasabog

- gregoriovbituinjr.
07.19.2024

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 16, 2024, pahina 8 at 9

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Merry Christmas kahit Many Krisis ang Masa

MERRY CHRISTMAS KAHIT MANY KRISIS ANG MASA buong puso ang pagbati ko't umaasa na mababago pa ang bulok na sistema Merry Christmas kahit ...