Lunes, Hulyo 01, 2024

Pusong uhaw, pusang uhaw

PUSONG UHAW, PUSANG UHAW

minsan, uhaw ang ating puso sa pag-ibig
hanap ang giliw upang kulungin sa bisig
sumasaya agad pag narinig ang tinig
ng sintang sa iwing puso'y nagpapapintig

habang pusa kong alaga'y uhaw sa tubig
na tubig-ulan yaong tumighaw sa bibig
matapos pakainin nang hindi mabikig
nang di magkasakit at umayos ang tindig

salamat sa pag-irog na di palulupig
sa anumang suliraning di makadaig
sa pusong naglalagablab kahit malamig
ang panahong balat nati'y nangangaligkig

minsan, sa pag-ibig, sagisag ay sigasig
sigasig ay sagisag kaya lumalawig
ang pagsasama ng dalawang umiibig
di mauuhaw ang pusong laksa sa dilig

- gregoriovbituinjr.
07.01.2024

* mapapanood ang bidyo ng pusang uhaw sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/898819382053667 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sapat na sa akin - tula ni Fadwa Tuqan (makatang Palestino)

SAPAT NA SA AKIN Tula ni Fadwa Tuqan (Salin ng tulang Palestino) (Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.) Sapat na sa aking mamatay sa kan...