Lunes, Hunyo 17, 2024

Kahulugan ng salitang salvage (sal-veydz)

KAHULUGAN NG SALITANG SALVAGE (SAL-VEYDZ)

SALVAGE ay salitang pagligtas ng ari-arian
sa kargamento't barkong lubog ay pagpapalutang
ang salvage ay Ingles na pagsalba ang kahulugan
mula sa panganib ay pagligtas ng kagamitan

subalit ikatlong kahulugan nito'y kaiba
sapagkat salvage ay di mula sa salitang salba
kundi sa salitang salbahe, salbahe talaga
na pagpaslang ng ahente ng estado sa masa

kilala na ng mga tibak ang salitang ito
isang sistema ng karahasan noong marsyalo
dinudukot, nirarampa, sa ilog o sa kanto
na sa mga nakikibaka'y tugon ng gobyerno

extrajudicial killing o EJK ito ngayon
walang wastong proseso sa mga biktima niyon
basta nakursunadahan ang buhay na patapon
nahan ang katarungan? ang madalas nilang tanong

"Hustisyang panlipunan ba'y kailan makakamtan?"
sigaw nila: "Karapatang Pantao, Ipaglaban!"
"Human Rights Defenders Protection Bill, Ipasa Iyan!"
mga panawagang hinihingi'y pananagutan

- gregoriovbituinjr.
06.17.2024

* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1092

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paalala sa pasilyo

PAALALA SA PASILYO malinaw ang paalala sa dinaanang pasilyo bago nasok sa Session Hall "Do Not Disturb"  sabi dito na ang ibig sab...