Huwebes, Hunyo 06, 2024

Ginisang sardinas

GINISANG SARDINAS

niluto ko na naman / ay ginisang sardinas
na sinahog ko'y bawang, / kamatis at sibuyas
pagkain ng mahirap, / kinakain kong wagas
na habang nangangarap / ng lipunang parehas
ay nawiwili namang / makisalo madalas

sa katoto't kasamang / gaya ko'y maralita
kasama sa lansangan / ng uring manggagawa
kami'y nakikibaka / habang kinakalinga
ang kapwa mahihirap / na sangkahig, santuka

ginisang sardinas man / ang aming inuulam 
saya ng kalooba'y / sadyang mararamdaman
habang nagkakaisang / itatayo ang asam
ang magandang sistema't / makataong lipunan

-gregoriovbituinjr.
06.06.2024

*mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/swTjeGQ1Cn/ 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tamâ na ang drama

TAMÀ NA ANG DRAMA nagiging swarswela na lang ba? at tadtad ng iskrip ang drama? na mapanagot ang buwaya? sana'y may maparusahan na! di l...