Martes, Mayo 28, 2024

Paglaba't pagsampay ng basahan

PAGLABA'T PAGSAMPAY NG BASAHAN

di lamang damit ang aking nilabhan
kundi ang pitong tuwalyang basahan
na nabasa sa tulo sa tahanan
mula sa bubungan dahil sa ulan

animo sa bahay ay naglawa na
kahit may tagasalong palanggana
basang-basa ang basahang tuwalya
sa sahig ay pinampunas talaga

walang ibang gagawa kundi ako
sa sabon ay binabad munang todo
kinusot, binanlawan, sinampay ko
sana mamaya'y matuyo na ito

paglalaba'y karaniwang gawain
sunod, damit namang ginamit namin
ang kukusutin at aatupagin
na pag natuyo'y may maisuot din

- gregoriovbituinjr.
05.28.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nilagang dahon at tangkay ng malunggay

NILAGANG DAHON AT TANGKAY NG  MALUNGGAY bente pesos ang apat na tangkay ng nabiling dahon ng malunggay na aking pinakuluang tunay sa kalusug...