Lunes, Marso 04, 2024

Sa Marso Otso ay muling wawagayway ang bandila

SA MARSO OTSO AY MULING WAWAGAYWAY ANG BANDILA

sa Marso Otso ay muling / wawagayway ang bandila
ng mga kababaihang / kalahati nitong bansa
pati ng sandaigdigan, / babaeng sadyang dakila
na pinagmulan ng lahi, / ng sambayanan, ng bata

ang ikawalo ng Marso / ay isang dakilang araw
na dapat alalahanin, / sa pagkilos ay isigaw
karapatan, ipaglaban, / magkaisa't magsigalaw
parangalan ang babae / dito sa mundong ibabaw

babae ang ating lola, / babae ang ating nanay
babae, di babae lang, / mabuhay sila, Mabuhay!
sila ang siyang nagluwal / sa ating mga panganay
sa kapatid hanggang bunso, / taospusong pagpupugay!

sa Marso Otso, Dakilang / Araw ng Kababaihan
sila'y atin ding samahan / sa pagmartsa at paglaban
upang kanilang makamit / ang asam na karapatan
pati ang pinapangarap / na makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
03.04.2024

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa pagkilos laban sa ChaCha noong EDSA 38
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/3553001498296897

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Munting aklat ng salin

MUNTING AKLAT NG SALIN di pa ako umaabot na magpalimos kaya nagbebenta ng munting gawang aklat pultaym na tibak ay pulos diskarteng lubos da...