DI PA NAPAPANAHON ANG CHACHA
nagtatago sa ngalang People's Initiative
na pinapipirma kahit ang nasa liblib
ginagamit ang masa sa ambisyong tigib
ang totoo, iyan ay Trapo Initiative
ano bang nais baguhin sa Konstitusyon?
o gaya ng dati, nais ay term extension?
gagalawin daw ang economic provision
upang sa dayuhan buksan ang bansa ngayon
kayrami nang iskwater sa sariling lupa
ay gagawin pang sandaang poryentong sadya
ang pag-aari ng dayo sa ating bansa
sandaang porsyentong iskwater malilikha
subalit bakit nagsimula nito'y trapo
kongresista, meyor, ang nanguna umano
pumirma ka, pagkat may ayuda raw ito
tila baga sila'y bumibili ng boto
aba'y inuuto ang masang maralita
na sa lipunan ay nakararaming sadya
walang papel dito ang dukha't manggagawa
at di rin ito inisyatibo ng madla
kaya dapat lang tutulan ang ChaCha ngayon
di pa marapat baguhin ang Konstitusyon
pagkat ang ChaCha ay di pa napapanahon
mabuti kung ito'y bunga ng rebolusyon
wawakasan ang elitistang paghahari
at ugat ng hirap - pribadong pag-aari
itatayo natin yaong lipunang mithi
na makikinabang ay bayan, uri't lahi
lilikhain dito'y bagong Saligang Batas
na uring manggagawa ang dito'y kukumpas
habang tinatayo'y isang lipunang patas
na palakad sa tao'y sistemang parehas
isang Konstitusyong likha ng sambayanan
di ng mayayaman, elitista't gahaman
ipapamahagi ang yaman ng lipunan
ng pantay, walang mahirap, walang mayaman
- gregoriovbituinjr.
02.22.2024
* Kinatha at binigkas ng makata bilang reaktor sa FDC Forum on ChaCha sa umaga, at sa Labor Forum on ChaCha sa hapon ng Pebrero 22, 2024.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Nilagang dahon at tangkay ng malunggay
NILAGANG DAHON AT TANGKAY NG MALUNGGAY bente pesos ang apat na tangkay ng nabiling dahon ng malunggay na aking pinakuluang tunay sa kalusug...
-
ANG TAMANG GAMIT NG RITO AT DITO "Bawal Umihi Rito" ang nakita kong paalala sa isang pader sa T. Alonzo St. sa Baguio City, malap...
-
Nabili ko sa Book Ends Bookshop sa Baguio City ang dalawang literary books na ito: katipunan ng mga tula ng makatang Ingles na si William Wo...
-
UNANG LUTO kayrami nang ginagawa ni misis sa maghapon siya pa rin bang magluluto ng pagkain ngayon? maglilinis, maglalaba, patutukain yaong ...

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento