Miyerkules, Enero 03, 2024

Anong bago ngayong Bagong Taon?

ANONG BAGO NGAYONG BAGONG TAON?

anong bago ngayong Bagong Taon?
wala na kayang mga dyip ngayon?
kapitalista pa rin ba'y poon?
sistema'y bulok gaya rin noon?

wala na bang pagsasamantala?
kilo ba ng bigas ay bente na?
kontraktwalisasyon ba'y naryan pa?
natokhang ba, hustisya'y nakuha?

kapitalista'y bundat na bundat?
habang manggagawa nila'y salat?
mga basura pa ri'y nagkalat?
dyip na pinapasada'y nasilat?

ngayong Bagong Taon, anong bago?
kung kontraktwal pa rin ang obrero
Hudyo'y sikil pa ang Palestino
paglayang asam pa'y di matamo?

anong bago sa iyong palagay?
kung daing sa hirap sina nanay?
kung dukha'y walang sariling bahay?
kung hustisya'y di makamtang tunay?

- gregoriovbituinjr.
01.03.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang aklat na Still Breathing, 100 Black Voices on Racism

ANG AKLAT NA STILL BREATHING, 100 BLACK VOICES ON RACISM Nabili ko ang aklat na  Still Breathing, 100 Black Voices on Racism, 100 Ways to Ch...