Sabado, Setyembre 23, 2023

Sa pagkatha

SA PAGKATHA

di dahil sa inspirasyon kaya nakatutula
maysakit man, malungkot, nagdurusa, o tulala
di man inspirado, basta may sasabihing sadya
ay kaya mong isulat anumang nasasadiwa

huwag tititig sa papel kung walang sasabihin
at doon pipiliting pag-isipan ng malalim
ang paksang di pa batid o nakalutang sa hangin
huwag haharap sa kompyuter kung walang gagawin

basta may sasabihin ka'y tiyak makasusulat
maisasatitik ang anumang nadadalumat
may maaakda sa pagitan man ng mga sumbat
may makakatha gaano man kalalim ang sugat

huwag hintaying inspirasyon ay basta dumampi
na mangyayari'y mapapakagat ka lang sa labi
magsulat ka lang tulad ng pagtatanim ng binhi
isang payo iyang sa inyo'y nais ibahagi

- gregoriovbituinjr.
09.23.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dahil sa political dynasty

Dahil sa political dynasty  Trapo sa masa'y di nagsisilbi Pulos ayuda lang sa kakampi Upang mabago ang nangyayari Iboto natin si Ka Leod...