Huwebes, Hunyo 01, 2023

Kanya-kanyang kain ang inahin at mga kuting

KANYA-KANYANG KAIN ANG INAHIN AT MGA KUTING

nang mapakain sila'y magtatanghaling tapat na
natira ko sa tilapya'y pinagsaluhan nila
buong ulo, gilid, tinik, hasang, pati bituka
pagkakuha ng kanilang parte'y nagkanya-kanya

pansin ko iyon, kanya-kanya, at di sabay-sabay
ang makuhang parte'y siya lang ang kakaing tunay
dapat kong hati-hatiin nang sila'y mapalagay
dahil pag hindi, isa lang yaong makakatangay

di sila gaya ng tao na magsasalo-salo
pusa't kuting niya'y nagkakanya-kanyang totoo
pag nakuha ang parte'y lalayo ang mga ito
ayaw magutom, pagkaing nakuha'y itatakbo

nakahanda na ang kuko pag sila'y aagawan
di hating kapatid, nakuha ng isa'y kanya lang
ganyan ang napansin kong kanilang kaugalian
hatiin agad ang pagkain nang walang awayan

- gregoriovbituinjr.
06.01.2023

* mapapanood ang bidyo sa: https://fb.watch/l2i2JQtIr8/

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pambatang aklat, kayliliit ng sulat

PAMBATANG AKLAT, KAYLILIIT NG SULAT Nakabili ako ng aklat na pambata dahil sa pamagat na  "Children's Atlas: The ideal Atlas for sc...