Martes, Nobyembre 22, 2022

Sa Rali ng Paggawa

SA RALI NG PAGGAWA

naroon akong sa kanila'y nakiisa
bilang isang dating obrero sa pabrika
panawagan nila'y tunay kong nadarama
na tagos sa diwa, puso ko't kaluluwa

machine operator noon ng tatlong taon
nang maisabatas ang kontraktwalisasyon
nang kabataan pa't di na naglilimayon
nang panahong sa buhay ay maraming kwestyon

oo, kayrami naming lumahok sa rali
upang manawagan sa tanggapan ng DOLE
sa kapitalista ba sila nagsisilbi?
o dapat sa manggagawang sinasalbahe?

tingnan mo ang kayraming nilatag na isyu
kontraktwalisasyon, maitaas ang sweldo
ang tanggalan sa pabrika, kayraming kaso
pati na karapatan ng unyonisado

tila ang paggawa'y dinaanan ng sigwa
sa batas niring kapitalismong kuhila
minimithi'y kamtin sana ng manggagawa
parusa ang sa kanila'y nagwalanghiya

- gregoriovbituinjr.
11.22.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paalala sa pasilyo

PAALALA SA PASILYO malinaw ang paalala sa dinaanang pasilyo bago nasok sa Session Hall "Do Not Disturb"  sabi dito na ang ibig sab...