Miyerkules, Nobyembre 09, 2022

Ang makatang Jason Chancoco at ako

ANG MAKATANG JASON CHANCOCO AT AKO

makatang Bikolano, ka-batch ko siya sa LIRA
doon nakilala, higit dalawang dekada na
kaklase namin si Edgar Samar na nobelista
makatang Jose Jason Chancoco ang ngalan niya

muling nagkatagpo isang dekada ang lumipas
na sa paanyaya ng makatang Raul Funilas
ay tumugon, nagkakwentuhan, alak ay nilabas
at nakunan ng litratong may lawrel ni Balagtas

animo sa Balagtasan kami ay nagtagisan
nang lawrel na makintab, aming ulo'y pinutungan
makatang Santiago Villafania, kami'y kinunan
habang ang iba pang makata'y nagkakatuwaan

pagbati'y aking pinaaabot kay klasmeyt Jason
na nakapaglathala ng aklat ng tula noon:
ang Pagsasatubuanan: Poetikang Bikolnon
na sa pagbasa nito sa aki'y malaking hamon

mabuhay ka at iyong mga tula, pagpupugay
sa kapwa makatang talagang dekalibreng tunay
sana kay Sir Rio balang araw ay maihanay
haraya'y pailanlangin, sa'yo'y isa pang tagay!

- gregoriovbituinjr.
11.09.2022

* LIRA - Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo
* magkaklase sa LIRA: Setyembre 2001 - Marso 2002
* taon 2009 nang nalathala ang Pagsasatubuanan
* kuha ang litrato noong 2013

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

O, dilag kong minumutya

O, DILAG KONG MINUMUTYA O, dilag ko't tanging minumutya akong sa labana'y laging handa daanan man ng maraming sigwa buhay ko'y i...