Linggo, Marso 20, 2022

Patama sa sarili

PATAMA SA SARILI

minsan, kasalanang magising ng alas-siyete
ng umaga habang iba'y handa nang bumiyahe
patungo sa trabaho o gumawa ng diskarte
upang pamilya'y di magutom, agad sumisige

minsan, kasalanan ding magising ng alas-sais
putok na ang araw, nakahilata pa sa banig
habang abang magsasaka'y naroon na sa bukid
habang si Inang, may pang-almusal na sa bulilit

nasa lungsod man, maganda pa ring madaling araw
ay bumangon na, bago pa ang araw ay lumitaw
anong sarap gumising sa alas-singkong maginaw
painat-inat, maya-maya'y hihigop ng sabaw

na mainit, sa mga gagawin ay maghahanda
upang di abutin ng tabsing sa dagat o sigwa
mahirap nang patulog-tulog sa pansitan, ngawa
kung babangong tirik na ang araw, tamad bang sadya?

- gregoriovbituinjr.
03.20.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

7M apektado sa masamang serbisyo sa tubig

7M APEKTADO SA MASAMANG SERBISYO SA TUBIG tinumbok na ng balita ang masamang serbisyo sa patubig, na ari ng isang mayamang angkan sa kanila ...