PAGGISING
nagising akong anong lamig
at sa ginaw nangangaligkig
kaya kinulong ko sa bisig
ang mutyang katabi sa banig
kay-ingay ng mga kuliglig
tila napanaginipan ko
ang bangis ng Berkakan dito
pati Oriol at ang Onglo
anong bagsik din ng Tamawo
gayunman, nakahanda ako
ah, mabuti't nagsidatingan
ang bayaning sina Kenaban
Agyu, Aliguyon, Kudaman
ang diwatang si Aninggahan
at labanan ay napigilan
hanggang sa ako na'y magising
mula sa mahabang paghimbing
kaya iaakda'y magiting
taludtod at saknong kong sining
lalo't wala sa toreng garing
- gregoriovbituinjr.
01.16.2022
* mga nabanggit na halimaw at bayani ay mula sa mitolohiyang Filipino at nalathala sa aklat na "Mga Nilalang na Kagila-gilalas" ni Edgar Calabia Samar
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento