Miyerkules, Nobyembre 10, 2021

Pagbabasa ang aking kanlungan

PAGBABASA ANG AKING KANLUNGAN

pagbabasa ang aking kanlungan
sa panahong yaring diwa'y lutang
kapag buraot ang pakiramdam
kapag panlasa'y walang linamnam
kapag buryong ay di napaparam

sa pagbabasa'y may nararating
lalo't puso't diwa'y nagigising
kunwa'y patungo sa toreng garing
na tambayan daw ng magagaling
na makata't awtor na maningning

pagbabasa ng maraming paksâ
ay malimit ko nang nagagawâ
tulad ng balita, kwento't tulâ
upang diwa'y mapagyamang sadyâ
lalo't akda'y nagbibigay-siglâ

taospusong nagpapasalamat
ang inyong lingkod sa dyaryo, aklat,
magasin, isyung nahahalungkat
pagbabasa'y kanlungan kong sapat
upang maging dilat at mamulat

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sabaw at talbos ng kamote

SABAW AT TALBOS NG KAMOTE sabaw at talbos ng kamote ang hapunan ko ngayong gabi sa puso raw ito'y mabuti sa kanser ay panlaban pati naka...