Miyerkules, Agosto 04, 2021

Ayuda


AYUDA

nananawagan sila ng ayuda, ako'y hindi
pagkat pamilya'y magugutom, sitwasyong malala
ako'y aktibistang Spartan, tiyan ma'y humapdi
babangon, kikilos, gutom na'y binabalewala

kaya di ko ramdam yaong panawagang ayuda
dahil nakasanayan ko nang mabuhay ng solo
sabihin mang nagkaasawa na't nagkapamilya
ngunit asawa'y nasa probinsya, ako'y narito

ngayon, panibagong lockdown ay muling papalapit
maraming mawawalan ng trabaho't magugutom
kaya maraming babaling sa gobyerno't hihirit
na mabigyan ng ayuda habang kamao'y kuyom

ako'y di hihingi sa gobyernong walang respeto
sa karapatang pantao't pasimuno ng tokhang
hihingian pa'y walang galang sa due process of law
hihingan sila ng ayuda? silang pumapaslang?

pag nabigyan ba akong ayuda'y utang na loob?
sa gobyernong buhay ng tao'y basta kinikitil?
titigilan na ba ang panunuligsang marubdob?
pag nabusog sa ayuda'y pipikit na sa taksil?

tila ako'y dukhang humihingi ng dagdag sahod
gayong walang trabaho't pabrikang pinapasukan
tila ba humihingi sa gobyernong nakatanghod
na tingin sa masa'y piyon lang sa chess o digmaan

bagamat panawagang ayuda'y di ko man ramdam
ay tutulong sa kampanya't sigaw ng maralita
ipapakitang kahit ganito'y may pakialam
kahit ayokong humingi sa gobyernong kuhila

- gregoriovbituinjr.
08.04.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dalawang pagpapatiwakal

DALAWANG NAGPATIWAKAL anong tindi ng balita sa Pang-Masa kahapon: miyembro ng LGBTQIA+ ang naglason ama at edad apat na anak ang nakabigti s...