Huwebes, Hulyo 29, 2021

Sa bawat patak ng ulan

SA BAWAT PATAK NG ULAN

umaga, makulimlim na naman ang kalangitan
nagbabadya na naman ng malakas na pag-ulan
naalimpungatan ako sa patak sa bubungan
na animo'y musikang dinggin mo't nagtatambulan

kagabi, umuwi ako kay misis, basang-basa
nakapayong man, sige lang, sumuong akong kusa
di nakapunta ng palengke't bibili ng isda
pagkat maraming bahagi ng lungsod ang binaha

sa facebook lamang naaantabayanan ang ulat
ayon sa balita'y tumitindi raw ang habagat
nananalasa na si Fabian sa bundok at dagat
dinaanan din niya ang mga lungsod at gubat

lumindol nitong nakaraan, ngayon nama'y bagyo
ingat lagi, mga kapatid, kasama, katoto
hayo, malalagpasan din natin ang mga ito
habang mga basang gamit ay pinatutuyo ko

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sali, salit, salita

SALI, SALIT, SALITA sumasali ako sa pagtula dahil iyan ang bisyo ko't gawa salitan man ang mga salita patuloy na kakatha't kakatha m...