Miyerkules, Hunyo 09, 2021

Laro ng maestro

LARO NG MAESTRO

habang nagninilay ay pagmasdan din ang paligid
at baka may masagi tayong di pa natin batid
matatanto kung bakit may sagabal o balakid
sa buhay na masalimuot o sala-salabid

nang mapanood ang maestro sa kanyang paglaro
na kahit nasa lumbay ka't dusa'y di manlulumo
sa mga panayam sa kanya'y may tugon at payo
lalo't siya'y nagwawagi kung saan-saang dako

nakatalungko akong pinagninilayang sadya
ang payo ng maestrong sa ngiti'y di mahalata
ang taguri'y Bata upang maiba sa Matanda
na sa bawat tangan ng tako'y ano't matutuwa

mahikero sa bola, di naman basketbolista
magtitisa, mag-iisip, animo'y may pisika
minsan, pinapasok ang bola sa pabanda-banda
sa tirang di tiyak ay napapahanga ang masa

turing sa maestrong dakila'y pinakamagaling
sa lupa ng mga Puti, Pinoy ay nakapuwing
ako'y napagod sa panonood kaya humimbing
at may nasulat sa diwa habang pabiling-biling

- gregoriovbituinjr.
06.09.2021
Writers' Rights Day

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nagmalupit

NAGMALUPIT kaytinding salita ang ginamit sa basketball pagkat  "nagmalupit" ang mga koponan sa kalaban pagkat sa iskor ay tinambak...