Biyernes, Mayo 07, 2021

Layunin ng buhay

LAYUNIN NG BUHAY

“The mystery of human existence lies not in just staying alive, but in finding something to live for.” ~ Fyodor Dostoyevsky, The Brothers Karamazov

oo, di tayo nabubuhay lang upang kumain
kundi nabubuhay din dahil sa ating mithiin
ang buhay ay makabuluhan kung may adhikain
may ipinaglalaban, may layon, may simulain

maraming nagsisikap para sa kinabukasan
ang iba'y para sa sarili nilang kabuhayan
iba nama'y para sa buhay na makatuturan
iba'y kahulugan ng buhay ang nasa isipan

iba'y para itayo ang lipunang makatao
na yaong karapatang pantao'y nirerespeto
na yaong panlipunang hustisya'y kamting totoo
na ipinaglalaban ang yakap nilang prinsipyo

ako'y isang manunulang nais laging kumatha
ng maraming taludtod at saknong para sa madla
mahalaga'y maligaya tayo sa ginagawa
at walang kapwang inaagrabyado't sinusumpa

halina't samahan ninyo ako sa pagninilay
magkaiba man tayo ng adhikain sa buhay
mahalagang tayo'y may pagpapakataong taglay
walang pagsasamantala, kabutihan ang pakay

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa lalawigang kanyang napuntahan

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dalawang pagpapatiwakal

DALAWANG NAGPATIWAKAL anong tindi ng balita sa Pang-Masa kahapon: miyembro ng LGBTQIA+ ang naglason ama at edad apat na anak ang nakabigti s...