Sabado, Abril 10, 2021

Baliwag na diwa

BALIWAG NA DIWA

bihira lang may mag-like sa tula kong isinulat
di mag-like dahil marahil tulang may tugma't sukat
bagamat baliwag na diwa'y inakdang maingat
bagamat talinghaga'y sisisirin pa sa dagat
kayĆ¢ kung nag-like ka, taos-pusong pasasalamat

baliwag na diwa, talinghagang di pa unawa
na kinapapalooban ng layon ko't adhika
sa katutubong panitikan ay namamanata
na itataguyod ang akda sa sariling wika
nawa ito'y mamunga ng nagniningas na diwa

minsan sa pag-iisa ko'y naroong naninindim
hinahatak ang talinghaga sa balong malalim
upang ikwento ang tokhang na karima-rimarim
pagkat maraming tinimbuwang sa gabi ng lagim
agam-agam ang panlipunang hustisya sa dilim

naroroon kaya ang pag-ibig sa mga ulap
habang nananaghoy ang mga pusong naghihirap
ang hustisya kaya'y makakamtan sa hinaharap
karapatang pantao ba'y rerespetuhing ganap
maaabutan pa kaya ang lipunang pangarap

kayraming baliwag na diwang dapat isaisip
nabubuo ang haka sa kutob na di malirip
kinabukasan ng bansa'y paano masasagip
laban sa mapagsamantala, mapang-api't sipsip
kalagayan ay totoo, di isang panaginip

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Paslit dumugo ang mata sa cellphone

PASLIT DUMUGO ANG MATA SA CELLPHONE "kaka-cellphone mo 'yan!"  sabi lagi sa radyo pag patalastas o patawa ng payaso naalala ko...