Miyerkules, Oktubre 07, 2020

Ang bantayog ni Bonifacio sa Ibaloi garden


Munting bantayog na bakal bilang pagpupugay kay Gat Andres Bonifacio na nakasulat sa baybayin, ang lumang paraan ng pagsulat ng Pinoy. Kuha sa Ibaloi garden, tabi ng Burnham park sa Baguio City. Isang tula ang aking kinatha hinggil dito:

Ang bantayog ni Bonifacio sa Ibaloi garden

may munting bantayog para sa bayaning magiting
si Gat Andres Bonifacio'y pinagpugayan man din
sa lungsod ng Baguio, at nasusulat sa baybayin
tabi ng Burnham park, sa loob ng Ibaloi garden

aralin mo ang baybayin upang iyong mabasa
ang naukit doong sa kanya'y pagpapahalaga
sa isang sanaysay niya'y naisulat pa niya
na baybayin ang panitik noong panahong una

matutunghayan mo iyon sa "Ang Dapat Mabatid..."
sanaysay ni Bonifacio't sa historia'y umugit
na bago dumating ang mga Kastila'y ginamit
ng ating ninuno ang baybaying sadyang panitik

minsan nga'y dalawin natin ang bantayog na iyon
at magbigkas ng kinathang tula ng rebolusyon
bilang pagpupugay sa kanyang may dakilang layon
lalo na't huwaran ng di pa natapos na misyon

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Dalawang pagpapatiwakal

DALAWANG NAGPATIWAKAL anong tindi ng balita sa Pang-Masa kahapon: miyembro ng LGBTQIA+ ang naglason ama at edad apat na anak ang nakabigti s...